LAYA
"NASAAN NA ang waling-waling na pinapakuha ko kanina?" may pagmamadali kong sabi. Ilang sandali na lamang kasi ay magsisimula na ang pagdiriwang sa Binalatongan.
"Ate Laya!" sigaw ng kung sino mang nasa likod ko. Nakita kong tumatakbo siya papalapit kinaroroonan namin. "Ay... Punong Babaylan, ito na po yung pinapahanap niyong waling-waling, paumanhin at natagalan ako." Hinahabol pa niya ang kanyang hininga habang nagsasalita.
"Mutya, haanen nga masapul nga awagan dak iti Pangulo ti Babaylan. (Mutya, hindi mo na ako kailangang tawagin pang Punong Babaylan.) Ang tawag mong Ate Laya ay ayos na sa 'kin." Nakangiting sabi ko. "Hindi ka na rin naman naiiba sa akin, kung kaya't wala akong nakikitang dahilan para magbigay ka ng sobrang paggalang."
Si Mutya, naulila na siya simula nang mamatay ang ama niya sa pakikipagdigmaan sa dating grupo ng Maharlika na sumugod sa Caboloan. Sa kasawiang palad, nadamay rin ang kanyang ina. Kasama ko ang ilang Babaylan habang kinakamusta namin ang mga nasugatan sa nangyaring ingkwentro nang makita ko siya. May ilan siyang galos sa katawan, ngunit mas nangibabaw ang paghihinagpis na nakita ko sa mga mata niya nang tumingin siya sa gawi ko.
Pagkatapos ng naging tagpong iyon ay nagdesisyon akong kupkupin siya at 'di kalaunan ay nagsanay siya upang maging isang Babaylan.
"Hayaan mo na si Mutya, tinitingala ka lang naman nung bata. Wala naman sigurong masama roon." natatawang sabi ni Rikit habang kininakabit ang tela sa isa sa mga poste. Isa siya sa mga Babaylan at matatalik kong kaibigan. Siya rin ang nagsisilbing punong abala sa paglalagay ng mga palamuti sa paligid.
"Laya!" sigaw(?) ng isang babae mula sa malayo na nakakuha ng atensyon namin. Nakita naming may bitbit pa itong ilang instrumento na gagamitin para sa pagtatanghal mamayang gabi.
"Himig, sumigaw ka na ba no'n? Malakas na 'yon?" panunukso ko sa kaniya bago ito lapitan para tulungan sa pagbibitbit ng mga instrumento. "Ano ba 'yan? Bakit ikaw ang mag-isang nagbubuhat nito? Nasaan na ang mga gagamit nito? Ang mga kasama mo?" sunud-sunod na tanong ko sa kanya.
"Alam mo naman na hindi naman talaga malakas ang tinig ko. At saka 'yong mga kasama kong tutugtog mamaya, naghahanda pa lang. Ako na lang ang nagdala rito." pagsagot ni Himig sa mga tanong ko. Lumapit na rin sa amin si Rikit at Mutya upang tulungan kami.
"Halika't tapusin na natin ang paghahanda, malapit na ring magsimula ang pagdiriwang." sabi ni Rikit kung kaya't nagmadali na kami sa paglalakad.
Lumipas ang ilang oras ay tuluyan nang kinain ng dilim ang araw. Nasindihan na rin ang mga sulo na nasa paligid upang bigyang liwanag ang paligid. Nagsimula na ring tumugtog sila Himig at ang kanyang mga kasama kung kaya't nagsimula nang magkaroon ng buhay ang pagdiriwang. Sigurado akong mamaya ay darating na rin ang mga panauhin ni Datu Alkaid. Teka... panauhin...
Agad kong hinarap si Mutya na katabi ko. "Nasaan na ang mga handog natin sa mga panauhin?" nagulat naman siya ng bigla akong nagsalita. Kanina pa pala siya nakatulala. Hay nako.
"Kanina pa po naka-ayos, Ate Laya. Ipapamigay na lang ng mga alipin mamaya." tumango na lang ako sa naging sagot niya at muling itinuon ang atensyon sa paligid. Pansin ko ang magagarbong suot ng mga Maginoo mula sa Iba't ibang angkan. Nagkalat rin ang mga Maharlika sa paligid upang siguraduhing ligtas at walang kaguluhang mangyayari mamaya sa pagdiriwang. Nang mapalingon ako sa gawing kaliwa ko ay nakita ko sa 'di kalayuan ang isang pigura na nakatingin sa gawi namin mula sa malayo. Magsisimula na sana akong humakbang palayo sa kinaroroonan namin ni Mutya nang biglang may isang pigurang biglang humarang sa daraanan ko, yung Maginoo na nakita ko sa 'di kalayuan. P-paano siya napunta dito sa harap ko ng ganoon kabilis?
BINABASA MO ANG
Silakbo
Ficción históricaIsang Babaylan at isang tagapagmana ng trono ng kanyang ama na isang Datu. Anong mangyayari kung sila ay magkakatagpo at susubukang kalabanin ang tadhana at mga balakid na hatid ng nakaraan at kasalukuyan nilang dalawa?