KANINA pa nagmamanman ang isang babaeng may nakabalot na pulang tela sa mukha sa tindera ng mga prutas sa palengke sa Erkalla. Tanging mata at ilong lamang ang nakikita sa kaniyang mukha. Nagugutom na siya at tanging pagnanakaw lang ang naiisip niyang paraan upang maibsan kahit paano ang pagkalam ng kaniyang sikmura. Magdadalawang araw na siyang hindi kumakain at tanging tubig sa ilog ang inilalaman niya sa tiyan.
Nakatayo siya malapit sa tindahan ng babae. Iyon ang napili niyang pagnakawan dahil mataba ang tindera. Mahihirapan itong habulin siya.
Nag-ipon muna siya ng lakas ng loob bago tuluyang lumapit sa tindahan at dumampot ng isang mansanas. "Magkano ito?" tanong ng babae sa tindera.
"Dalawang pilak ang isang piraso ng mansanas."
"Itong mangga? Magkano?"
"Tatlong pilak."
"Bigyan mo ako ng dalawang mangga at tatlong apple—mansanas pala!" Kinagat ng babae ang sariling labi. Nadulas siya. Nakapagsalita siya ng salitang ginagamit sa mundo ng mga tao na hindi ginagamit dito sa Erkalla.
Mukhang nahalata siya ng tindera dahil kumunot ang noo nito. "Tila may banyagang salita kang sinabi kanina," anito habang ibinabalot sa kulay brown na papel ang mga prutas na sinabi niya.
"Baka nagkamali ka lang ng pagkakarinig. Akin na ang mga prutas ko!" Mabilis na hinablot ng babae ang mga prutas na nakabalot sa papel at tumakbo siya ng mabilis. Kinalimutan muna niya ang pagkalam ng sikmura upang makatakbo siya at makalayo sa lugar na iyon.
"Magnanakaw! Tulungan ninyo ako! Habulin ninyo ang magnanakaw!" Narinig niya ang naghihisterikal na sigaw ng tinderang kaniyang ninakawan.
Mas lalong binilisan ng babae ang pagtakbo. Hindi siya makakapayag na mahuli. Marami pa siyang plano na dapat ay matupad sa lugar na ito. Hindi siya nagtungo dito para lang sa wala.
Patuloy lang siya sa pagtakbo. Sandali siyang lumingon at nakita niyang may dalawang lalaking humahabol sa kaniya. Pagharap niya ay saktong may kumpol ng mga taga-Erkalla ang makakasalubong niya. Pumasok siya sa kumpol at inihalo ang sarili doon. Nakita niya na hinahanap siya ng dalawang lalaki sa kumpol. Inalis niya ang telang nakabalot sa mukha at isiniksik iyon sa bulsa ng suot niyang palda.
Saka siya umalis sa kumpol nang hindi na doon nakatingin ang humahabol sa kaniya.
Dinala ng mga paa niya ang babae sa masukal na kagubatan. Umupo siya sa gilid ng ilog at inilabas ang mga prutas na kaniyang nanakaw.
Habang kumakain ay nakatingin ang babae sa tubig sa ilog. Hindi niya akalain na ganito ang magiging buhay niya dito sa Erkalla. Malayong-malayo sa glamorosang buhay niya sa mundo ng mga tao.
May mga pagkakataon na gusto niyang bumalik na sa mundo niya ngunit sa tuwing naiisip niya na wala na siyang babalikan ay binabawi din niya kaagad. Saka may misyon na siya ngayon dito sa Erkalla at iyon ay ang maging reyna sa mundong ito ng mga salamangkero!
Sa halos pitong araw na pagmamasid niya sa Erkalla ay doon niya nakita ang buhay ng reyna at hari. Magaganda ang kasuotan. Puno ng alahas at may koronang yari sa ginto at iba't ibang bato. Sinusunod ang sinasabi at iginagalang. Tila diyos ang tingin ng lahat sa hari at reyna.
Ganoong buhay ang gusto niya. Naniniwala siya na matagumpay siyang nakapunta dito sa Erkalla dahil merong malaking dahilan. Naniniwala rin siya na ang dahilan na iyon ay siya ang itinakdang magre-reyna sa lugar na ito. Kaya ipinapangako niyang gagawin niya ang lahat upang makamit ang kaniyang ninanais kahit pa muling mabahiran ng dugo ang kaniyang mga kamay!
"Kaya naman pala gustung-gusto mong makalaya noon sa pagkakakulong, Prosfera. Totoo ngang magandang mag-reyna dito sa Erkalla!" Isang ngisi ang sumilay sa labi ng babae.
BINABASA MO ANG
Enchanted Academy 4 (PREVIEW ONLY)
FantasiaInakala ng Erkalla na tapos na ang banta ng kaguluhan nang mapatay ng limang hinirang si Prosfera. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, isang panibagong banta ang dala ni Veronica sa kapayapaan na tinatamasa ng Erkalla. Sa pagnanais nitong maging rey...