Chapter 01

603 15 0
                                    


MABILIS ang pagtakbo ni Kanika sa gitna ng madilim na kakahuyan. Suot niya ang isang baluti na yari sa pinakamatibay na uri ng metal sa Erkalla. Sa kabila ng taglay na tibay ng baluti na iyon ay nananatili iyong magaan para sa kaniya. Tangan ng isang kamay niya ang patalim na ang hawakan ay may nakaukit na pakpak ng isang ibon. Kawangis iyon ng kaniyang pakpak na nagsilbing kulungan noon ni Prosfera na ngayon ay nananahimik na sa kabilang buhay.

May isang nilalang na humahabol sa kaniya. Dinig na dinig niya ang yabag ng sapatos sa kaniyang likuran. Hindi siya tumatakbo dahil sa natatakot siya. Tumatakbo siya upang humanap ng magandang pagkakataon para umatake.

Ang ginagawa niya ngayon ay isang pagsasanay mula kay Calvin upang mas humusay siya sa pakikipaglaban. Ayon kay Calvin ay may halimaw na gumagala sa kakahuyan na ito at ang dapat niyang gawin ay hulihin iyon ng buhay. Mapanganib daw ang halimaw kaya dapat daw ay mag-ingat siya.

Isang malaki at matandang puno ang nakita niya sa kaniyang unahan. Tumalon siya ng mataas at humawak sa sanga ng punong iyon. Akala mo ay isang unggoy sa bilis na inakyat niya ang pinakatuktok ng puno. Hindi niya akalain na mahusay pa rin siyang umakyat ng puno gaya ng ginagawa niya noong nasa mundo siya ng mga tao.

Nakaupo lang si Kanika sa itaas at nakatingin sa ibaba. Hinihintay niya ang pagdating ng humahabol sa kaniya. Mataman siyang nagbabantay at naghihintay ng tamang sandali para siya ay umatake na. Napapagod na rin kasi siyang tumakbo. Oras na para sa tunay na aksyon!

Hanggang sa makita na niya ang humahabol sa kaniya. Nakasuot ito ng kapa na kulay itim. May hood na itim sa ulo kaya hindi niya makita kung ano ang hitsura nito.

Walang pagdadalawang-isip na tumalon si Kanika mula sa kaniyang kinaroroonan. Bumagsak siya sa likuran ng nilalang at iniyakap niya ang isang braso sa leeg nito. Akmang itututok na niya ang hawak na patalim sa leeg ng nilalang nang mabilis itong umikot at inagaw sa kaniya ang patalim!

Hinawakan nito ang kamay niya at hinila. Nagulat siya nang halikan siya ng nilalang na iyon sa labi.

"Bastos!" tili ni Kanika.

Tumatawang inalis ng nilalang ang hood sa ulo at doon niya nalaman na si Hamir pala ang humahabol sa kaniya. Ang kaniyang nobyo!

"Hamir?!" Hindi makapaniwalang bulalas ni Kanika. "Ikaw ang halimaw sa kakahuyan na ito?"

Mas lalong lumakas ang pagtawa nito sa kaniya. "May halimaw ba na ganito kagwapo? Sabihin mo nga, Kanika. Meron ba?" tila nang-aasar nitong tanong.

Naningkit ang kaniyang mga mata. "Napakayabang mo talaga, Hamir! Saka anong ginagawa mo dito? Hindi mo ba alam na meron akong pagsasanay na ginagawa? Ginugulo mo ang aking pagsasanay. Kapag nalaman ito ni Calvin ay baka bigyan niya pa ako ng mababang grado at isumbong pa niya ako sa aking ina at ama!" Pagtataray ni Kanika.

Ganoon talaga siya kapag may pagsasanay. Talagang sinisiguro niya na mapagtatagumpayan niya. Alam niya kasi na darating ang araw na siya na ang mamumuno sa Erkalla at ang nais niya ay magkaroon ng matapang at malakas na reyna ang Erkalla. Iyong magiging kampante ang lahat dahil sa kaya niyang ipagtanggol ang bawat isa sa kaniyang nasasakupan. Isa pa, dapat din siyang maging malakas at mahusay sa pakikipaglaban dahil baka dumating ang araw na magkaroon ulit ng kaguluhan.

Hindi naman sa hinihiling ni Kanika na magkaroong ng gulo ngunit mas makakabuti kung handa siya... handa ang Erkalla.

"Ano na, Hamir? Umalis ka na! Kung nami-miss mo ako ay mamaya na tayo mag-usap. Patapusin mo muna ako dito sa aking pagsasanay! Kailangang hanapin ko pa ang halimaw sa kakahuyan na ito!" Madalas pa rin ang pagsasalita niya ng wikang Ingles kaya ang iba sa mga iyon ay naiintindihan na ng mga taong nakapaligid sa kaniya.

Enchanted Academy 4 (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon