MATAPOS ang seremonyas ng pagtatapos ay nakausap na ni Kanika nang maayos ang mga kaibigan na matagal na hindi nakita. Ganoon na lamang ang kasiyahan niya dahil nagawa ulit nilang makapag-bonding. Naisipan nila na magluto sa bahay nina Miya dahil may malapit na ilog sa bahay ng kaibigan niyang iyon. Magandang mag-piknik sa tabing-ilog. Pinayagan naman siya ng kaniyang ina at ama basta babalik siya sa palasyo bago kumagat ang dilim.
Nauna na sa pag-uwi sa palasyo ang ina at ama ni Kanika habang siya ay sumama sa kaniyang mga kaibigan sa palengke para bumili ng mga kakailanganin nila sa pagluluto.
"Dapat ay maghanap ka na rin ng magiging nobya mo, Jareth. Ikaw na lamang sa atin ang walang kasintahan!" biro ni Evrio habang naglalakad-lakad sila sa palengke.
Tama naman ang sinabi ni Evrio dahil kasintahan nito si Miya habang siya ay si Hamir.
"Ewan ko ba sa aking kapatid na iyan. Masyadong pihikan!" sulsol pa ni Hamir na pigil ang pagtawa.
"Hindi naman sa ako ay pihikan bagkus ay hindi ko pa natatagpuan ang babaeng magpapatibok sa aking puso. Sadyang kayo ay maswerte dahil natagpuan niyo na ang sa inyo. Hayaan ninyo at sa sandaling makilala ko na ang babaeng iyon ay sa inyong apat ko agad siya ipapakilala," sagot ni Jareth.
Iginala ni Kanika ang mata sa paligid. May nakita siyang nagtitinda ng mga bulaklak. Sandali siyang nagpaalam sa mga kasama na pupunta na sa tindahan ng karne dahil nais niyang bumili ng bulaklak na kaniyang nakita. Humiwalay muna siya at pumunta sa tindahan ng bulaklak.
"Naku, kayo pala, Prinsesa Kanika!" Yumukod ang matandang babaeng na tindera ng mga bulaklak.
"Magandang araw po, ale. Mga bagong pitas po ba ang mga ito?"
"Opo, prinsesa. Mula iyan sa aking hardin. Makakaasa ka na sariwa ang aking mga bulaklak na tinda."
Manghang-mangha siya habang isa-isang tinitingnan ang mga naggagandahang bulaklak sa kaniyang harapan. "Hindi ko alam ang aking pipiliin. Ang dami nila at lahat ay magaganda!"
"Pumili na po kayo at huwag na po kayong mag-abala na magbayad. Iyan ay handog ko na lamang sa inyo, mahal na prinsesa!"
"Naku, ale. Ayoko po. Magbabayad po ako dahil alam kong dito kayo kumikita—sa pagtitinda ng mga bulaklak. Teka... bigyan niyo po ako ng tatlong puting rosas!" Itinuro ni Kanika ang napiling bulaklak.
"Maraming salamat, prinsesa! Tunay na kayo ay mabuti! Ako po ay isang Osoru at natutuwa ako na unti-unti na kaming natatanggap dito sa Erkalla!" Maluha-luha pa ang tindera habang kinukuha ang bulaklak na bibilhin niya.
"Huwag po kayong mag-alala dahil darating ang araw na tuluyan na kayong matatanggap ng mga Ligero at alam kong nalalapit na iyan!" Matapos niyang magbayad ay binigyan pa siya ng isang puting rosas ng tindera na hindi na niya tinanggihan. Alam niyang paraan lang iyon ng mabait na tindera para magpasalamat sa kaniya.
Nagpaalam na si Kanika sa tindera. Nakakailang hakbang pa lamang siya palayo sa tindahan ng bulaklak ay isang babae ang nakakuha ng kaniyang atensiyon. Nakatayo iyon malapit sa tindahan ng mga gulay at may kulay pulang tela na nakasampay sa balikat. Siguro ay ilang metro lang ang layo niyon sa kaniya.
Pamilyar sa akin ang babaeng iyon. Parang nakita ko na siya sa kung saan... bulong ni Kanika.
Pilit niyang hinalukay ang kaniyang utak hanggang sa maalala na niya kung saan niya nakita ang babaeng iyon. Nakita niya iyon sa mundo ng mga tao.
"Tama! Siya iyong babaeng ginamit ni Prosfera!" ani Kanika. Naalala niya rin na binigyan niya ito ng buhay gamit ang kaniyang kapangyarihan.
Ngunit ano ang ginagawa ng babaeng iyon dito sa Erkalla? Paano iyon nakarating dito gayong alam niyang isa itong tao? Mali na nandito ang babaeng iyon. Ang lugar na ito ay hindi pwede sa mga taong gaya nito.
BINABASA MO ANG
Enchanted Academy 4 (PREVIEW ONLY)
FantasyInakala ng Erkalla na tapos na ang banta ng kaguluhan nang mapatay ng limang hinirang si Prosfera. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, isang panibagong banta ang dala ni Veronica sa kapayapaan na tinatamasa ng Erkalla. Sa pagnanais nitong maging rey...