Langgam

5 1 1
                                    


Kung itatala ko lahat ng nangyari sa atin ika'y mabibigla

Isang libong pahina ang inihanda ngunit ni isang bakas ng tinta ay wala

Nais ko ng itigil ang kahibangang ito

Dahil sa totoo lang hindi ito ang paksa ng aking kwento

Hindi ito puno ng romansa at kilig gaya sa pelikula

Ito ay kwento ng aking pagtawa sa kabila ng sakit na iniinda

"Di ako galit."

"Mas lalong di kita mahal."

Dalawang pangungusap na halata namang di totoo

Madalas ko ding sabihin pag ayaw ko na

Ayoko na

Ayoko ng mabuhay ng ganito lang

Mabuhay na ang kaaway at kakampi ay magkawangis

At di maihambing ang buhay sa telenovelang nilalabas ang nakakatuwa mong bungisngis

Eto ay istorya ng kontrabida bago siya patayin sa eksena

Mga extra na pagkatapos mapaslang ay makakalimutan na

Wag nating iungkat ang nakaraan

Kung papanong ako'y nagbingibingihan ng iyong sabihing "gusto mo lang ako nyan"

Inaya kitang umalis ng mabilis upang maiwan ang tibok ng puso ko doon

Ngunit hindi

Sa bawat hakbang na tayo ay magkahawak ng kamay

Ang tibok ng puso'y unti unting dumadagungdong

Sa buong katawan ko't pagkatao't kaluluwa

Namamagasa't iniisip na may hindi pa pala ako nagagawa

Hindi ko pa nasubukang halikan ka

Halikan ka bigla at hilingin na sana ay langgamin ako ng tamis ng iyong pagsagot

Ang iyong pagbalik sa akin ng halik na may kalakip na malagkit na pagtingin

Haplusin mo ako gamit ang iyong kamay  at ilabas ang lahat ng aking tinatagong lihim na damdamin

Ang dugong dumadaloy sa aking ugat ay tuwang tuwa

Tila nakalimutan at sinapawan ang lungkot at pangamba

Ngunit ito ay mananatiling lihim

Dahil ako ay isang duwag na magmamasid mula sa dalawang kanto ng aking mga mata

Hiniling na langgamin sana ako at tangayin sa mundo kung saan walang nakakaalam

Tag-ulan na naman ngayon

Tanaw ko sa dingding ang mga langgam na sinundan ako sa aking pagtulog

Kahit pa ako'y kagatin, walang maramdaman dahil manhid na

Sinimulan ko ulit sa umpisa

Kung saan ikaw ang tugma, ang saknong at ang sukat

Ikaw ang talinhagang walang kapantay ang hiwaga

Pantasya na nagbigay pagasa sa buhay kong nakakayamot

Sinimulan ko sa simula

Kung paano ako'y naging duwag at nabigo na parang isang tanga

Sandali lang...

Bakit ba ikaw ulit ang paksa nitong tula?

Hayaan mo akong simulan muli mula sa umpisa

Kung saan minahal kita

Sa tagal ng panahon nilumot na ang damdamin ko at tuluyang nawala

Hinihiling ko na sana ako ay langgamin

At dalhin ako sa taong matuturing kong akin

Mga TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon