Le début
"Bilisan mo na diyan, kanina pa nagpapasundo si Nanay!"
Napakagat ako sa aking labi at binilisan na ang pagpapabalik-balik ng plantsa sa uniporme ko. Maingat sana dahil sa hindi naman na ito bago at baka wala akong magamit kinabukasan.
"Ito na, sandali!"
Bakit kasi hindi na siya ang sumundo kay Nanay? Wala naman siyang ginagawa at nakatunganga lang sa TV sa sala.
Binuntung hininga ko na lang ang inis sa kanya at nang matapos sa pagpaplantsa, mabilis ko ng hinanger ang uniform at niligpit na kaagad ang luma naming kabayo.
Tumungo ako sa kabila.
"Ate, ito na 'yung plantsa," pumasok ako sa bahay nina Ate Jessie at inilagay na agad ang plantsang hiniram sa itaas ng damitan nila.
"Oh sige," aniya habang abalang-abala sa pagluluto sa labas.
Pagbalik ng bahay ay nagpalit na ako ng mas maayos na damit.
"Janus," narinig kong tawag ni Ate Joy.
"Po?" Mabilis akong nagsuot ng pulang t-shirt at lumabas na ng kuwarto.
"Pabili ako ng keso kina Aling Edith," binuksan ni Ate ang itim niyang wallet. Kumuha siya roon ng fifty pesos at inabot sa akin.
"Eden ang bilhin mo, 'wag OK, natutuyo 'yun kaagad," paalala niya.
Tumango ako. "Sige po."
"Pabili rin ako! Isang ballpen, black," si Ate Juliana na nasa TV pa ang paningin nang sabihin iyon.
Lumabas na ako ng bahay. Hindi ko kinalimutang magdala ng flashlight dahil kahit may ilaw naman sa mga kapit-bahay, madilim pa rin ang dadaanan ko mamaya.
Mahirap na, baka mamaya may multo pa akong makita.
Anak ng tokwa. Iniisip ko pa lang, kinikilabutan na ako!
Binilisan kong maglakad. Pinilit ko ang sarili na huwag alalahanin iyong nangyari sa amin doon sa room ni Ma'am Lily noong graduation. Kahit na si Java at Daniel lang naman ang may pakana no'n, feeling ko totoo pa rin!
Halos pumikit ako habang naglalakad. Mabilis ang paghakbang ng mga paa ko at hindi ako lumilinga sa kahit saan.
Anak ng tinapa.
Hindi ko alam kung bakit sobra kong matatakutin. Basta ang naaalala ko, nang minsang magkwento si Java sa akin tungkol sa nakakatakot na experience niya sa bahay nila, doon nagsimulang lumipad ang isip ko sa mga posibilidad na mangyari din iyon sa akin. Doon ako nagsimulang matakot sa mga madidilim na lugar.
Saka lang ako nakahinga ng maayos nang makarating sa tindahan ni Aling Edith. Bumili kaagad ako ng keso at black ballpen. Nang makuha ang sukli, binulsa ko agad iyon at bitbit ang mga pinamili, nagsimula na ulit akong lumakad. Salamat at malapit na ang Mansion na pinagtatrabahuan ni Nanay.
"Kay Rowena po, Kuya" sabi ko sa guwardiya na nagbabantay. "'Yung labandera po."
Tumango ang matabang guard at hinayaan akong pumasok.
Bumungad kaagad sa akin ang malaking puno ng mangga na nasa harap lang ng mismong Mansion. Sandali akong napatitig doon. Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan dahil parang ang dilim ng puno at nakakatakot ang ayos nito. Sakto lang ang taas ng katawan niyon pero mahahaba at matataas naman ang mga sanga at sobrang lago ng mga dahon.
Napalunok ako ng mariin at umiwas na ng tingin, nagpatuloy ako sa paglakad hanggang sa makarating ng maid's quarter.
Nadatnan ko siyang kausap ang isang babae at mukhang maganda ang pinag-uusapan nila dahil parehas silang nakangiti. Nang matunghayan ang mukha ng babae, doon ko lang nalaman na ang kausap ni Nanay ay ang may-ari nitong Mansion at amo niya.
"Goodevening po, Ma'am!" Masigla ko siyang binati.
Sabay silang napabaling sa akin.
"Oh," napangiti si Ma'am Donna sa akin. "Hello, Janus."
Ngumiti rin ako. "Hello po!"
Bumaba ang tingin ko sa tatlong plastic na hawak ni Nanay. Lumapad ang ngiti ko nang makita kung anong laman ng mga iyon.
"Mga damit po ulit?" Nilingon ko si Ma'am Donna.
She smiled. "Yes, ija. Galing 'yan sa mga pamangkin ko sa Maynila, balak sana nilang itapon. Naalala kita kaya hiningi ko na. Sayang naman ang mga iyan, puro bestida."
Tumaas ang dalawa kong kilay roon. "Talaga po, Ma'am?" Hindi ko maitago ang saya sa boses ko. "Salamat po, Ma'am!"
Sobrang swerte ni Nanay kay Ma'am Donna. Anim na taon na rin si Nanay magmula ng maging labandera siya ng mga Chavez. Napakabait ni Ma'am Donna. Wala pa akong narinig kahit kailan kay Nanay na minaltrato siya nito o ginawan ng masama.
Sobrang swerte ko rin dahil lagi niya akong binibigyan ng damit! Ito ngang t-shirt na suot ko ay galing sa kanya.
Bukod sa napakabait ni Ma'am Donna, sobrang ganda niya rin! May asawa't anak na siya pero hindi ko sila madalas nakikita rito. Tuwing nagsusundo lang din kasi ako napupunta rito sa Mansion.
"Dito na po kami, Ma'am," nagpaalam na si Nanay. "Maraming salamat ho ulit."
Ngumiti si Ma'am Donna. "Naku, wala iyon, Rowena," bumaling siya sa akin at marahang ginulo ang buhok ko.
"Ingat kayo sa pag-uwi."
Malapad ang aking bibig nang lumabas na kami ni Nanay. Dala ko ang isang plastic na puno ng damit. Medyo mabigat iyon. Balak ko sanang bitbitin na rin ang isa pang plastic para isa na lang ang buhat ni Nanay. Siguradong masakit ang kamay niya at ngawit sa paglalaba.
"Dalawa na ang sa akin, 'Nay," sabi ko ngunit tumawa lang siya sa akin.
"Hindi mo nga mabuhat ng maayos iyang dala mo, Janus," pabirong niya iyong sinabi. "Ako na dito. Nasa bahay na ba'ng Tatay mo?"
Umiling ako. "Wala pa po."
Nagpatuloy kami sa paglakad.
Nasa tapat na kaming dalawa nang bigla akong makaamoy ng usok. Napakunot ang aking noo, siguradong sigarilyo ang naaamoy ko.
Tumigil ako sa paglakad at hinanap kung saan iyon nagmumula.
Tahimik ang paligid. Mga kuliglig lamang ang tangi kong naririnig at tahol ng aso sa harap ng puno.
Napatitig ako sa asong iyon. Puting-puti ang balahibo niya at tumatahol habang nakatingala sa taas. Mas lalong kumunot ang noo ko.
Wala sa sariling umangat ang aking paningin. Natigilan ako nang biglang gumalaw ang sanga at mga dahon ng puno ng mangga. Naamoy at napansin ko rin na roon nanggagaling ang maamoy na usok ng sigarilyo.
Nagsitindigan ang lahat ng balahibo sa aking katawan. Napalunok ako ng mariin. Humigpit ang hawak ko sa plastic na nasa dalawa kong kamay.
Wala pang tatlong segundo ay mabilis na ang takbo ko papunta ng gate. Nanlalamig ang mukha, nanginginig at mabilis ang tibok ng puso habang sumisigaw ng...
"Ahhhh! Kapre!!!"
⭕ • MrAndreya • ⭕
BINABASA MO ANG
When the Sky Reaches the Land
Teen FictionNang dahil sa hindi inaasahang pangyayari, kinailangan ni Janus na magtrabaho sa Mansion ng mga Chavez. Walang modo, masama ang ugali, mabisyo --- walang kuwentang lalaki. That's what Janus' description about Frazer Myles Chavez, ang nag-iisang anak...