Malaking malaki ang pagkakangiti ng tiktik habang pinagmamasdan ang mabilis na pagkalat ng dilim. Muli pa nitong nilanghap ang malamig na hangin.
"Ahh…, napakabango talaga ng iyong sanggol, babae! Ilang sandali na lamang at matitikman ko na ang kakaibang laman ng iyong sinapupunan!", sigaw ng isipan nito.
Nang tuluyan nang lumaganap ang karimlan ay maingat na itong lumabas sa pinagkukublihang mga puno ng kawayan. Hindi lingid sa kanya ang katauhan ng tagapagbantay ng babae. Higit siyang natatakam sa kakaibang sanggol kaya kahit nagdadalawang isip ay hindi niya mapigilan ang nararamdaman pagkasabik.
Maingat na maingat siyang naglakad papalapit sa tirahan ng mag asawa. Hindi siya dapat maramdaman agad ng lobong nagbabantay sa buntis. Nang makalapit ay unti unti at halos walang tunog na pinanik ang bubungan ng bahay. Magaan na magaan ang mga paa sa ginagawang pag hakbang. Nilalanghap ang hangin..., napangiti ito nang matukoy ang kinalalagyan ng buntis.
Lumuhod at dahan dahang hinawi ang pawid upang maisagawa ang binabalak. Nakahanda na ito nang......
"Huwag na huwag kang magkakamaling ilawit ang dila mo mula sa iyong bibig, tiktik! Kapag nagising ang mag asawang natutulog sa ilalim ng bubungang tinutuntungan mo ay mananagot ka sa akin. At oras na may mangyaring masama sa sanggol ng babaeng tinitignan mo ay isinusumpa kong maging ang kaliit liitang himaymay ng laman mo ay dudurugin ko!", banta ng kapreng nakaupo sa puno ng kaimito. Ito ang kaibigang kapre ni Sebastian nuong siya pa si Baste.
Mula nang hindi niya ito nabigyan ng tulong nang panahong kailangan nito ay nais niyang makabawi. Hindi siya matatahimik hanggat walang nagagawa para sa kapakanan ng kaibigan.
May naganap na kaguluhan sa kanilang pangkat ng mga panahong yon. At siya.., bilang anak ng pinuno ng mga kapre ay naatasan sa isang mahalagang tungkulin. Nang maisagawa niya ang tungkulin at magbalik ay magaling na si Rosalia. Hanggang sa mabura na siya sa alaala ng lalake.
Nais niya muling maalala bilang kaibigan..., hindi man ni Sebastian. Kundi ng anak nitong pinanabikan na niyang makita. Kaya hindi siya makakapayag na may kumanti sa babaeng nagdadala ng sanggol na hindi pa man niya nakikita ay nararamdaman na niyang may malaking bahagi sa kanyang buhay.
Dali daling bumaba ang tiktik sa bubungan. Nangangatog pa ang mga tuhod nito nang makita ang bagong hari ng mga kapre. Ang higit na matapang at higit na mabangis na kahalili ng namayapang hari na ama nito.
"Lumayas ka sa lugar na ito at huwag na huwag nang babalik.., sa oras na tumuntong kang muli sa baryong ito ay lilipulin ko ang iyong lahi!!", sigaw ng kapre.
Lalong nangatog at nagkandarapa ang tiktik sa pagtakas. Nakatatak sa isipan ang hindi na pagbabalik sa Masapa kahit kailan.
Muling nahiga sa sahig si Balbon. Nang maramdaman niya ang pagsampa ng tiktik ay agad niyang inihanda ang sarili sa pakikipaglaban. Hindi niya hinihiwalayan ng tingin ang babaeng mahimbing na natutulog sa tabi ng pinagsisilbihan subalit nagta trato sa kanya bilang kaibigan.
Nang hawiin ng tiktik ang pawid ay iniwasan niyang umungol o tumahol man lang. Naisip niyang magigising ang mag asawa. Ayaw niyang magambala ang pamamahinga ng mga ito. Nakahanda na siyang lundagin ang tiktik nang marinig niya ang boses ng bagong hari ng mga kapre.
Dinig na dinig niya ang mga sinabi nito. Nang mapalayas nito ang banta sa buhay ng mag ina ay nakahinga na siya ng maluwag. Muli niyang sinulyapan ang bubong.., at nang makitang hindi naman malaki ang nahawi ng tiktik ay pumikit na siya at muling pinatalas ang pakiramdam.
BINABASA MO ANG
SBAATSB 2- Anghel ng Baryo Masapa
FantasySi Baste at ang tubig sa Bukal Book 2 Halika na at muli mo akong samahang tunghayan ang kasaysayan ng isang kakaibang paslit na nagngangalang Anghel... ang anak ng isang Alamat. ~ ** ~ "Awooo!" Malakas na alulong ni Balbon upang ibalita sa pangkat...