Your Place, Your Story

16 5 0
                                    

3rd Person's POV


"Magandang umaga po, 'nay!" masiglang anas ng isang dalagang kakauwi na lang ulit ng kaniyang probinsya.



Masaya naman siyang sinalubong ng lola at mga pinsan niya saka siya inimbitahang kumain. Nagkumustahan na rin sila sa hapag.



Mabilis na lumipas ang oras at gumabi na. Patulog na sana siya nang may naramdamang yabag sa bubungan ng munting tahanan. Imbes na matakot ay nagdasal na lang siya ng taimtim bago tuluyang nakatulog. 




Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Pagkatapos tumulong sa mga pinsan na asikasuhin ang bahay ay lumabas muna siya sa bakuran. Nadatnan niya roon ang kaniyang lola na nagdidilig ng mga halaman nito.



"'Nay! Ang gaganda naman po ng mga bulaklak at pananim niyo," tuwang tuwa ang dalaga habang pinagmamasadan ang mga bulaklak at prutas na nasa bakuran ng ginang.



Sa sobrang tuwa ay 'di niya na mapigilang kuhanan ng picture ang mga nakikita niya habang naglalakad at dinarama ang kapaligiran. Dahil sa pagkaabala niya sa ginagawa, hindi niya namalayang may ukab na lupa na pala siyang naapakan kaya muntikan na siyang matumba kung 'di lang niya nabalanse ang sarili niya.



"O ineng! Susmaryosep! Ayos ka lang bang bata ka?" may pag-aalalang tanong ng ginang.


"Opo 'nay, medyo napatid lang po dito sa ukab na lupa," ani ng dalaga na medyo napatawa sa katangahan niya.



"Ah ganoon ba?" tugon ng matanda bago muling nagsalita. "Pero alam mo bang riyan nakapuwesto ang punso dati?" biglang tanong nito.


Nagsimula nang magkwento ang lola sa dalaga.



"'Neng, rati ay nariyan ang punso na pinamamahayan ng duwende na nandirito sa aking bahay. Mababait ang duwende na ito. Ngunit lumipat na lang ito nang 'di namin napapansin. Alam mo kung saan?" misteryosong tanong ng lola. Naniniwala naman ang dalaga sa ganoon.



Sinagot naman ito ng dalaga ng isa pang tanong. "Saan po 'nay?"


Ngumiti ang ginang bago sumagot at nagpatuloy sa pagkukuwento.



"Sa kwarto mo 'neng. May nahulog na gamit ako dati sa ilalim ng kama sa kwartong tinutuluyan mo. Pagkakuha ko nakita kong naroon na ito. Sinilip ko pa rito sa labas ngunit wala na nga ito, lumipat na lang ng kusa," mahabang pagpapaliwanag pa nito.



Napatango tango naman ang dalaga. Gulat at ninenerbyos man ay pinili pa rin niyang magtiwala sa sinabi ng lola na mabait naman ito.


Humaba pa ang diskusyon nila at nalaman ng dalaga na magkaiba pala ang duwende sa nuno.



Ang nuno ayon sa lola niya ay nasa mga sulok sulok at mga butas ng palikuran madalas nakatira ngunit hindi sila nakikita. Samantalang ang duwende naman raw ay ang matatagpuan sa mga punso at nakikita mismo ng mga mata.



Marami pa siyang natutunan tungkol sa mga ito. Isa sa mga natuklasan niya na gawa rin pala ng dwende ang mga yabag na narinig niya kagabi dahil namamasyal raw ito.



At ang pinakamahalagang pinayo ng kanyang lola ay huwag raw galawin ang bahay nito o awayin kung makikita mismo ng mga mata niya. Sa halip ay respetuhin na lamang raw.


Inspired by true story in Oriental, Mindoro.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 20, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

BunsoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon