01. Notes

198 30 54
                                    

TEN DAYS EARLIER

Para sa ilan, maituturing siguro na isang achievement kapag nakapagkamit ng status na 'famous' pagdating sa eskwelahan. Kilala ng nakararami, madalas batiin ng mga kapwa estudyante, mga guro, pati na rin ng ilang staff. Kapag lagi nilang nakikita, pamilyar ang mukha, tiyak na tumatatak sa isip nila. Hindi na rin maiiwasan na magkaroon ng tagahanga, pampa-boost din ng confidence. Ngunit si Kizen, na isa sa mga taglay ang status na iyon, ay nakatayo ngayon sa lobby suot ang nayayamot niyang mukha.

"Oy, Kizen! Ayusin mo nga 'yang mukha mo," pagsabi ng kaklase niya na si Lilaya. "Onting ngiti naman diyan, oh. Dali at nangangalay na 'ko." Nasa harap nito si Kizen, habang nakatutok ang hawak na phone sa kanya.

Umusog papalapit ang babaeng estudyante sa tabi ni Kizen. Maliit siya at payat, hindi lalagpas ang taas sa kanyang dibdib. Maikli ang buhok, habang nakangiti na tila nahihiya. Nahihiya ka pa ng lagay na 'yan eh halos sumiksik ka na sa 'kin? Pinigilan ni Kizen umirap. Sa halip ay sinubukan niyang pakurbahin ang labi niya.

Napahagikgik ang isa niya pang kaklase na si Niro, "Anong klaseng ngiti 'yan? LOL."

"'Kala mo may sama ng loob na pinipigilan ilabas," dagdag ni Jupiter, isa pa nilang kasama. Nagsitawanan sila ni Niro.

"Masaya kayo, ha?" pagtiim-bagang ni Kizen.

Tumingala na lang si Lilaya. "Ay, nako Kizen dali! Ito na, ah. One, two, three!"

Sabay flash ng ilaw sa mukha niya.

Napapikit siya at itinaas ang braso para takpan ang mata. "Ano ba 'yan!'"

"Ay, may flash." Nagpigil ng tawa si Lilaya, pero lumabas pa rin ito sa ilong niya. Napahagikgik naman sina Jupiter at Niro.

Agad na sumambit ng 'sorry' ang babae. "Baka naka-auto yung flash." Tila lalo tuloy siyang nahiya.

Pinakita ni Lilaya ang screen ng phone. "Oh, parehas kayong nakapikit. Sige, isa pa." At pumwesto uli siya na akmang kukuha ng picture.

Huh? Kumunot ang mukha ni Kizen at paloob na dumaing. "Ah, okay na 'yan!" Naiinis niyang sabi at inilayo sa sarili ang babae. Napatingin naman ito sa kanya, namumula ang mukha, at mabilis na sumambit ng 'thank you' bago kinuha ang phone nito at umalis.

Huminga nang malalim si Kizen. Pangatlong beses na iyan na may nagpa-picture sa kanya nito lang oras na ito kung kailan katatapos lang ng klase. Kasama niya ang dalawang kaklaseng sina Lilaya at Niro, at si Jupiter na taga-ibang section. Dito sila sa lobby madalas magkita pagkatapos ng klase.

"Ba't parang ang damot mo ngumiti ngayon, pre?" Tinapik siya ni Niro sa braso. May bakas pa ng bungisngis sa mukha niya. "Dati naman parang excited ka at pahambog pa nga 'yong ngiti mo eh."

Sabay-sabay na sila naglakad papuntang club building. Lahat sila kasi ay miyembro ng iisang club. Kahit sa paglalakad nila ay 'di nawawala ang nagsisilingunang ulo sa kanilang direksyon.

"'Di ba nga hindi pasado quiz niyan kanina kaya wala sa mood 'yan." Si Lilaya na ang sumagot.

Napadaing uli si Kizen. Naalala niya na naman ang quiz nila sa EmTech. Hindi man lang umabot sa passing score ang nakuha niya. Paano, busy kasi siya sa pagbabasa ng script para sa play na gagawin ng club nila, sa halip na mag-review. Nakalimutan niya na ang quiz ngayon. Kaya nang ipinaalala na ng guro nila, sinulit niya ang sampung minutong binigay para mag-review. Hindi talaga kinaya.

"Banas naman, ngayon lang ako 'di nakapasa." Pumalatak si Kizen.

Ngumisi si Niro. "Buti nakaabot ako. Kahit pasang-awa."

"Ah, 'yon ba 'yong kay Ms. Domincal?" tanong ni Jupiter.

Umoo si Kizen. "Kailangan ko mag-maintain ng grades para maka-stay pa rin ako sa Thespian."

Bakit Hanggang TinginWhere stories live. Discover now