4TH STOP- Where's Mommy? [Part 1 of 2]

19.5K 558 131
                                    

4TH STOP- Where's Mommy? [Part 1 of 2]

KADILIMAN. Bahagyang iminulat ni Lea ang kanyang mga mata ngunit kadiliman ang sumalubong sa kanya. Masakit ang kanyang ulo at labis ang pagkahilo na lumulukob sa kanya.

Ipinikit na lang niyang muli ang mga mata. Umaasa siya na sa pagmulat niyang muli ay liwanag at hindi na kadiliman ang kanyang makikita. Marahan niyang binuksan ang kanyang mga mata at bahagya na siyang nakaaninag. Puno, mga bituin at madilim na kalangitan ang kanyang nakikita. Wala nang iba.

Ang huli niyang natatandaan ay may isang hindi niya kilalang lalaki ang hinampas siya ng kahoy sa ulo kaya siya nawalan ng malay-tao.

Pinakiramdaman ni Lea ang kanyang sarili. Nakahiga siya.

Parang may nararamdaman siya sa kanyang bibig. Parang may tumutusok doon. Masakit... Mahapdi!

At nang tuluyan nang magising ang kanyang diwa ay ganoon na lang ang pagkagimbal niya nang malaman niya kung bakit may nararamdaman siyang ganoon sa kanyang bibig. Isang lalaki ang tinatahi ang kanyang bibig upang magsara iyon gamit ang isang malaki at kalawanging karayom. Ang sinulid na gamit nito ay bahagyang makapal at magaspang!

Dahil sa sobrang takot ay napasigaw siya ng napakalakas. Ngunit isang maling galaw pala ang pagsigaw dahil nang ibuka niya ang kanyang bibig ay siya ring pagkapunit ng kanyang labi! Lumaylay ang laman na nasira at agad na umagos ang dugo mula roon.

"'Wag kang sumigaw... Masasaktan ka lang..." tila siraulong turan ng lalaki sa kanya.

Sunud-sunod na umiling si Lea at muli siyang sumigaw. Hindi na niya ininda ang sakit na kanyang nararamdaman dahil ang nasa isipan niya lang ay ang makatakas at makabalik sa kanyang pamilya.

"Sinabi'ng 'wag sisigaw, eh!" galit na turan ng lalaki.

Kinuha ng hindi niya kilalang lalaki ang kahoy na ipinanghampas nito kanina at malakas nitong binayo ang bibig niya. Mas lalong nawasak ang kanyang labi. Hindi niya mabilang ang ngipin na nalagas sa kanya sa ginawa ng lalaking iyon.

Nanghihina na dumapa si Lea at gumapang ngunit pakiramdam niya ay hindi naman siya umuusad dahil sa labis na panghihina na kanyang nararamdaman.

Ngunit nabuhayan siya ng loob nang makadinig siya ng mga yabag na papalapit sa kinaroroonan niya. At mula sa di-kalayuan ay apat na bulto ng mga tao ang kanyang nakita. Hindi siya maaaring magkamali... asawa at mga anak niya iyon!

Akmang tatayo sana si Lea ngunit bigla siyang hinila ng lalaki sa paa at kasama siya nitong nagtago sa likod ng isang malaking puno. May inilabas itong isang patalim sabay tutok sa kanyang leeg.

"Sige... subukan mong sumigaw at papatayin kita! At hindi lang ikaw ang papatayin ko pati ang mga kasama mo!" banta sa kanya ng lalaki.

Doon niya napagmasdan ng mabuti ang mukha nito sa malapitan. May malaking peklat ito sa kaliwang pisngi. Bungi ang ngipin, malaki ang ilong at ang buhok nito ay hanggang balikat. Kakaiba rin ang amoy nito - malansa at talagang mabaho!

Dahil sa takot na totohanin ng lalaki ang banta nito ay nanatiling tahimik si Lea. Tahimik din siyang lumuluha habang naririnig ang boses ng kanyang pamilya sa malapit.

-----***-----

NANG marinig nina Catherine ang pagsigaw ng kanilang mommy ay agad silang tumakbo papunta sa gubat kung saan narinig nila ang sigaw. Walang pagsidlan ang kaba na nararamdaman niya. Sa uri kasi ng sigaw na iyon ay parang nasasaktan ang kanilang ina.

Muli nilang narinig ang sigaw sa ikalawang pagkakataon.

"Doon!" turo ng Daddy Dennis nila sa kaliwa at sumunod silang magkakapatid dito.

Nang huminto ang kanilang daddy ay huminto rin sila. Yumukod ito at may tila tinitingnan ito sa lupa.

"Daddy, bakit po kayo tumigil?" hinihingal na tanong ni Catherine.

Lalapit sana siya dito ngunit sinigawan siya nito. "Diyan lang kayo, Catherine! 'Wag kayong lalapit!" Halata ang panginginig nito ng boses.

"Ano ba 'yan, dad-"

"Bumalik na kayo sa van. Mag-lock kayo sa loob at huwag lalabas. Hintayin niyo doon si Ethan!"

"Pero, daddy, a-ano ba 'yang nakita niyo sa lupa?" Hindi matahimik si Catherine dahil sa kanyang kuryusidad.

"Ang utos ko ang sundin mo, Catherine!" giit nito.

Hindi na pinakinggan ni Catherine ang ama at dire-diretsong naglakad siya sa kinaroroonan nito. Mula sa sinag ng bilog na buwan ay kitang-kita ni Catherine ang bagay na ayaw ipakita ng kanyang ama sa kanya. Dugo! Isang sariwa at napakaraming dugo!

"Ate, ano ba-" biglang natutop naman ni Jhovie ang bibig nito nang makita ang dugo. Napaatras ito at napayakap kay Lester.

Biglang bumalong ang luha sa mata ni Catherine nang yumuko ang kanilang daddy at tumaas-baba ang balikat nito.

"H-hindi... Hindi kay mommy ang..." Tumigil si Catherine sa pagsasalita at naihalamos ang palad sa mukha. "Daddy, ano bang nagyari kay mommy? Nasaan siya?!"

Doon na tumayo ang ama nila at hinarap sila. Marahil ay wala na itong pakialam kung makita man nila itong umiiyak. "'Di ba, ang sabi ko, bumalik na kayo sa van at hintayin niyo doon si Ethan. Hahanapin ko lang ang mommy niyo," mariing utos nito.

"Sasama ako sa inyo!" ani Lester na bagaman at hindi umiiyak ay kakakitaan din niya ng pagkabahala at takot sa mukha.

"No, Lester! Mas safe kayo sa van!"

"Safe? Bakit, daddy, m-may nangyari bang hindi maganda kay mommy?"

"Hindi ko alam, Lester! Ayokong mag-isip ng negative pero iyong sigaw niya. Tapos itong d-dugo..." Halos manlumo na ang kanilang ama sa pagsasalita nito.

Alam ni Catherine na nagpapakatatag lang ito ng sandaling iyon. At alam din niya na pinipilit ng bawat isa sa kanila na isipin na walang nangyaring masama sa kanilang ina. Ngunit tama ang tinuran ng kanilang ama kanina. Narinig nila ang pagsigaw nito tapos ngayon naman ay nakakita sila ng dugo. Hindi man sila sigurado na sa mommy nga nila ang dugong iyon ngunit pare-pareho na silang nilukob ng isipin na may hindi magandang nangyari sa kanilang ina.

"Daddy, hanapin po natin si mommy, please..." pakiusap ni Jhovie.

Nilapitan ni Catherine ang kanilang ama. "Mas okey siguro kung hindi tayo maghihiwa-hiwalay, daddy."

"Pero mas ligtas kayo sa van, Catherine! Please, makinig kayo sa akin. Bumalik na kayo doon at hahanapin ko lang ang mommy niyo. Sige na!" at walang sabi na tumalikod ito at naglakad palayo.

-DEAD-END-

Road TripTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon