3RD STOP- Wrong Way
NAG-AAGAW na ang liwanag at dilim nang tumingin sa labas ng umaandar na sasakyan si Catherine. Nakatulog na naman pala siya. Mabuti na lamang at hindi na siya dinalaw muli ng masamang panaginip. Medyo sumasakit na ang ulo niya dahil kanina pa sila nagbabyahe.
Ipinaling niya pakaliwa at pakanan ang kanyang leeg dahil bahagya na siyang nakakaramdam ng pangangalay doon. "Malayo pa ba tayo?" tanong niya. Muli siyang tumingin sa dinaraanan nila at napansin niya na puro talahiban na ang nasa gilid nila. Rough road na rin ang dinaraanan ng van. "Tama pa ba itong dinadaanan natin? Wala na ito sa national highway, ah..."
"Naliligaw na ba tayo?" tanong niya pa nang walang sumagot sa kanya.
Ang daddy na naman niya ang sumagot. "Naliligaw na nga tayo-"
"Nagmamagaling kasi 'yang daddy niyo, eh!" putol ng mommy niya sa sasabihin nito. "Sinabi nang sa kanan dumaan, sa kaliwa lumiko! Sabagay, ano pa bang aasahan ko sa daddy niyo, eh, mahilig naman 'yang mangaliwa!"
"Pwede ba, Lea! Kung aawayin mo na naman ako, 'wag ngayon!" mataas ang boses na sagot ng daddy nila.
"Totoo naman, eh! Mahilig kang mangaliwa! Kaya nagkanda-leche-leche 'tong pamilya natin dahil sa'yo!"
"Tumigil na kayo!!!" Lahat sila ay napatingin kay Lester nang sumigaw ito.
Natahimik silang lahat sa ginawang iyon ng bunso nila dahil ngayon lang ito nag-react sa away ng magulang nila.
"L-lester..." bulalas ni Jhovie.
"Wala na ba kayong oras na pinipili at palagi na lang kayong nag-aaway? Nag-road trip tayo para magkasundo kayo," patuloy pa ni Lester. "Kung hindi rin naman kayo magkakasundo, it's better kung bumalik na lang tayo ng Manila!"
Mas lalo silang hindi nakaimik. Minsan lang magsalita si Lester pero kapag nagsalita pala ito ay tiklop silang lahat, kahit ang mommy at daddy nila.
Tumikhim ang daddy nila at muling nagsalita sa mahinahon nitong boses. "Okey. Sorry kung naligaw tayo pero 'wag kayong mag-alala, kapag nakakita tayo ng mapagtatanungan ay magtatanong tayo... Sinusubukan ko pa rin naman na may daan palabas dito para makabalik tayo sa national highway."
"Sa tingin mo ba makakakita tayo ng tao sa lugar na ito-"
"Mommy!" saway ni Catherine sa ina.
Pero sa totoo lang ay may point naman ang sinabi ng kanyang mommy. Wala siyang nakikitang kabahayan sa dinadaanan nila. Puro matataas na talahiban at mga puno lamang.
"Daddy, siguro mas makakabuti kung bumalik na lang tayo. Mukhang walang daan palabas sa daan na ito. Baka mas maligaw-"
Hindi na naituloy pa ni Catherine ang pagsasalita dahil napsigaw silang lahat nang makarinig sila ng malakas na parang pagsabog. Nagpagewang-gewang sa pag-andar ang van nila at nawalan iyon ng direksiyon. Tumigil lang sa pag-andar ang sasakyan nang bumangga iyon sa isa sa mga puno na nasa gilid ng daan.
Mabuti na lamang at naka-seat belt ang mga magulang niya sa unahan kaya hindi nasaktan ang mga ito.
Kitang-kita ni Catherine ang galit sa mukha ng mommy niya nang hampasin nito sa braso ang daddy nila. "Papatayin mo ba kami, Dennis, ha?!" sigaw pa nito.
"Sumabog yata 'yong gulong!" Naihampas pa ng daddy nila ang dalawa nitong kamay sa manibela.
"So, anong gagawin mo? Kumilos ka, Dennis! 'Wag kang maupo lang diyan!"
"Oo na! Oo na!" at pabalang na bumaba ng van ang kanilang ama.
Hindi malaman ni Catherine pero bigla siyang kinabahan sa sitwasyon nila. Madilim na kasi. Dagdag pa na nasa isang lugar sila na hindi sila pamilyar. Wala pa silang mahingan ng tulong dahil mukhang walang katao-tao sa lugar na iyon maliban sa kanilang lima.
BINABASA MO ANG
Road Trip
رعبSasama ka ba sa ROAD TRIP kung sa bawat pagliko mo ay kamatayan? Walang PRENO ang katatakutan dito!