1- Solana

133 7 0
                                    

[5 years ago..]

"Solana, bilis bilisan mo naman ang kilos! Napakakupad mo e!" Singhal ng Tita ko na kasama kong nakikipag-agawan sa mga banye-banyerang good fish na ititinda mamaya sa palengke at ilalako ko naman sa mga kabahayan.

Tiningnan ko ang langit at nakitang purong gabi pa rin kahit marahil ay alas tres y media na iyon ng madaling araw. Nagkikislapan pa rin ang mga bituin, at malakas pa ang ilaw na nagmumula sa buwan dahilan upang mas maging madali ang pagpili ng mga isda.

Sa kabila ng amoy malansa na kumakapit sa kamay at damit ko, napapikit pa rin ako para magpasalamat sa Diyos dahil hindi umulan ngayong araw.

"Solana, tangina naman talaga sa kakupadan, oo!"

Umingos ako nung tumalikod si Tita para hindi niya makita na hindi ako natutuwa sa ginagawa niyang pagsigaw-sigaw. Nakakarindi at nakakahiya lalo at may mga mamimili na rin ngayon sa hindi kalayuan. Napapansin kong nagsisitinginan sa gawi namin ni Tita ang ilang babae at lalaking mamimili sa bawat atungal ng malaking bunganga ng balugang ito.

"Eto na nga po. Mantakin niyo yan, mas marami pa akong nakuha kaysa sa inyo!" Buong yabang kong saad habang pinangliliitan ng mata ang balde ng isdang nakuha niya.

"Anong sabi mo?!"

Akma niya akong babatukan nung mabilisan akong umatras para hindi maabutan ng mabigat niyang kamay. Ilang beses ko na ring naramdaman ang mapanakit na pagdapo ng matatabang kamao ni Tita, at ang masasabi ko lamang ay hindi iyon kaaya-aya. Kaya naman tinuruan ko na ag sarili kung pano gawin ang mabilisang pag-ilag.

"Lumapit ka dito at ng mapilas ko yang bwiset na bunganga mo!"

Umirap ako ng matindi. "Ay, ano ka, sinuswerte?!"

"Aba't talagang--"

Alam kong gusto niya akong habulin pero dahil nga sa laki at bigat niya kaya hindi niya rin naman magawa. Baka pa atakehin sa puso si Tita oras na tumakbo siya kahit limang hakbang lang.

"Aalis na ako taba." Paalam ko sabay kendeng ng aking balakang, iniinggit siya dahil sa katabaan niya.

Nakita ko noong lalong umasim ang dati niya nang maasim na mukha dahilan para mas lalo akong matuwa. Buti nga sayo, impakta ka kasi. Tinalo mo pa ang lahat ng kontrabida sa pelikula sa itim ng budhi mo.

"Putangina mo! Kung hindi lang namatay si Ate Soledad ay hinding-hindi kita kukupkupin sa pamamahay ko, ingrata ka!"

Tumalikod at at saka ginaya-gaya ang sinasabi niya. Nangingiwi na ng matindi ang labi ko dahil sa labis na inis.

"Nagtatrabaho ako para may makain ako sa pamamahay mo Tita. Wag kang feeling ha. Dyan ka na nga, tss."

Humakbang ako papaalis para bigyan ng distansiya ang pagitan namin ni Tita Sonya. Napangisi ako noong mapagtanto na nakabawi na naman ako sa lahat ng pagpapahiya at pang-aalipusta niya sa akin sa buong linggong dumaan. Alam kong medyo delikado ang ginagawa kong pandedemonyo sa kanya dahil baka bigla niya akong ipatumba kaso masarap sa pakiramdam na kahit papano ay makabawi man lang. Parang naibabalik ang nawala kong dignidad.

Naglakad ako ng taas noo sa dagat ng mga mamimili, kargador at tindera saka ko inapuhap ang maliit na eskinitang ginagamit ko upang makapunta sa bagsakan. Doon naman naghihintay ang panganay na anak ni Tita Sonya na si Sabel.

Mas matanda ng halos limang taon lang si Isabella o mas kilala sa tawag na Ate Sabel. Maganda siyang babae at talagang nakakayamot ang natatangi niyang tangkad. Sabi pa nga ng mga ale sa kanto ay halos pwede na raw siyang sumabak sa Binibining Pilipinas kung nanaisin niya. Nga lang, mahiyaing babae lang si Ate kaya naman ay dito lang din nabagsak ang beauty niya sa Wet Market ng lugar namin. Maraming nanligaw sa kanyang mga mayayamang negosyante at kaklase niya noong nasa kolehiyo palang siya pero ang sabi ay hindi niya raw pinansin ni isa man sa mga ito. Minsan ay sinabi niya saken na wala siyang natitipuhan sa mga manliligaw niyang iyon kaya kahit anong yaman pa ay hindi niya tinanggap.

The Kontrabida Series 3: Solana Aldea AlbanielTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon