Prologue

4 0 0
                                    

Gising na ako pero tinatamad pa akong magmulat ng mga mata. Huminga ako ng malalim at napangiti. Masarap talagang ipahinga ang buong sistema.

Dahil ilang taon na ang nakakalipas, feeling ko nando'n pa rin ang sakit.

Bata pa lang ay sinabihan na ako ng lolo ko. Hindi ko masyadong pinansin lahat ng 'yon dahil puro paglalaro lang naman ang laman ng utak ko.

Madalas pang natatawa ang mga kalaro ko tuwing naririnig nila akong tinatawag ang lolo ko ng Granddy Clarkie. Palagi kong pinagmamalaki sa kanila na gusto 'yon ng lolo ko. Para daw Grandfather at Daddy.

Ang Clarkie naman ay nickname nya. Weird daw sabi nila. Pero para sa akin, cool 'yon.

Matagal ko nang hindi sya nakikita. Bata pa lang ako no'n at hindi na nasundan pa dahil sa ka-busy-han ng mga magulang ko.

Bumuntong-hininga ako at wala sa sariling binalikan ang huling pag-uusap namin ng lolo ko bago sya umuwi sa probinsya.

"Granddy Clarkie, bakit po wala dito sa bahay mo si lola? Hindi ko na po kayo nakikitang magkasama." nakangusong usisa ko dahil dati pa talaga ako nagtataka.

"Apo, wala na kasing dahilan para magsama pa kami. Ni hindi ko nga alam kung may chance pa bang magkaayos kami." seryoso man, ramdam ko ang lungkot sa tono ng pananalita nya.

"Kapag po ba wala na talagang chance, dapat na po bang sumuko ang isang tao?" nakasimangot na tanong ko.

"Hindi. Bakit?" nakangiting balik na tanong nya sa akin.

"Miss ko na po kasi si lola. Gusto ko pong magkasama ulit kayo." nakanguso na namang sabi ko kaya bahagya syang natawa. "Bakit po?"

"Anong bakit?" nalilitong tanong nya kahit pa nakangiti.

"Bakit po hindi dapat sumuko ang isang tao kahit wala na talagang chance?" tanong ko.

"Dahil..." natatawang sabi nya kaya napakunot ang noo ko.

"Dahil ano po?" malungkot kunyaring tanong ko.

"Kung susuko ka lang rin naman pala sa huli, sana umpisa pa lang, hindi ka na lumaban." nakangiti pero seryosong sabi nya.

Hindi na ako nakapagsalita matapos no'n. Hindi ko naman kasi alam ang ibig nyang sabihin sa bagay na 'yon.

Nagising ako mula sa malalim na pag-iisip nang maramdaman ko ang pagpatak ng mga luha sa mata ko. Ngayon ay naiintindihan ko na sya.

Akala ko dati, sinukuan na ng lolo ko ang asawa nya. Sa matinding pagtatalo, naghiwalay sila. Pero bumilib ako dahil bago sya umuwi sa probinsya, nagawa nyang maiayos ang relasyon nila ng lola ko.

Nagsisisi ako.

Sana pala, hindi ako sumuko.

Kung susuko ka lang rin naman pala sa huli, sana umpisa pa lang, hindi ka na lumaban.

Napaiyak ako nang malakas dahil kusang umulit iyon sa pandinig ko. Pinigilan ko ang hikbing nagsisimula na namang lumabas sa bibig ko.

Hindi ko rin naman kasi inaakalang ganito ang magiging resulta no'ng bagay na 'yon. Malay ko ba naman. Sana pala, hindi ko na lang 'yon ginawa.

Huminga ako nang malalim at tumingin sa kawalan. Mukha na siguro akong baliw dito. Pero wala akong pakialam. Gusto kong mailabas ang luhang ilang taon ko ring pinigilang pumatak.

"Sana pala, pinaglaban pa rin kita kahit nasasaktan na ako ng sobra."

Memories Of A Penitent HeartWhere stories live. Discover now