Madalim ang paligid ngunit malinaw kong nakikita ang aking dinaraanan. Mula dito sa ikalawang palapag ng bahay ay naririnig ko ang tunog na nagmumula sa telebisyon. Sigurado akong nanonood na naman si Aito ng palabas kahit na malapit nang maghatinggabi. Nakakabahala dahil maaaring tumaas ang bayaran namin sa kuryente dahil sa hindi niya pagtitipid.
"Aito, malapit nang mag-alas-dose. Hindi ka pa ba matutulog?" tanong ko sa kanya habang papalapit sa kanyang kinauupuan.
Subo-subo ang isang saging, walang-emosyon siyang lumingon sa akin. "Pwede ba, huwag mo 'kong pakialaman?" sambit niya sa akin kahit pa may laman ang kanyang bibig. "Kung gusto mong matulog, umakyat ka na doon at matulog mag-isa."
Ibinalik niya ang tingin sa telebisyon kung saan isang aksiyon na palabas ang ipinapakita. Nasa parte na kami ng palabas kung saan ang lalaki at babaeng bida ay nagtatago sa loob ng isang bahay-kubo habang ang mga armadong kaaway ay nasa labas at handa na silang asintahin anumang oras.
Tanging ilaw na nagmumula sa telebisyon ang nagbibigay ng liwanag sa buong paligid. Tanging tunog na nagmumula sa telebisyon ang naririnig.
"Sya nga pala," huminto sa pagkain si Aito at ipinatong ang platong hawak niya sa ibabaw ng mesa. "Huling araw na ng lockdown ngayon. Siguro naman ay makakapamasada ka na bukas, 'di ba?"
Umiwas ako ng tingin. Huling araw na nga ng lockdown, ngunit hindi ako sigurado kung may trabaho pa akong babalikan.
"Aito, hindi ko sigurado eh," sagot ko ng may malayong tingin. Hindi ko kayang tingnan siya sa kanyang mga mata dahil sigurado akong nag-aalab na naman ito sa galit.
"Anong sinasabi mong hindi ka sigurado? 'Di ba sinabi ng presidente niyo sa TODA na pagkatapos ng lockdown ay makakapasamada na kayo ulit?" tanong niya habang ang boses niya ay may timpla ng galit at pagkadismaya.
"O baka naman nagsinungaling ka sa akin, Hanae? Siguro ay wala ka na talagang trabaho 'no?"
Napalingon ako sa kaniya. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang mga salitang iyon.
"May trabaho ako, Aito. Hindi nga lang ako sigurado kung makakapamasada ako kaagad," sagot ko.
"At bakit nga hindi ka sigurado?" sumubo ulit siya ng isa pang saging at ngumuya ng pagkalakas-lakas. Hindi ko alam kung mas malakas ba talaga ang tunog ng pagnguya niya o malapit lang talaga siya sa akin kaya nasasapawan nito ang tunog ng telebisyon.
"Napanood ko kasi sa balita na pili lang ang mga tricycle at jeepney drivers na pababalikin kaagad sa trabaho. Hindi daw kasi maaaring ibalik lahat dahil mapupuno agad ang kalsada kapag nangyari 'yon. Nag-iingat lang daw sila," paliwanag ko.
Medyo nalungkot at nabahala ako nang marinig ko sa balita ang bagay na 'yon. Ang pagtatapos kasi ang lockdown ang pinakahihintay ko. Hindi dahil sa makakabalik na ako sa trabaho, kundi dahil makakaalis na ako dito at maaari na akong humingi ng tulong sa labas.
"Tinawagan din ako ng bise-presidente ng TODA kahapon. Nabanggit niya na pinag-uusapan pa nila kung sino-sino ang mga driver na pababalikin na sa mismong pagtatapos ng lockdown. Nasabi ko na rin naman sa kanya na kung maaari ay ilagay ako sa mga kasama," pagtutuloy ko sa paliwanag ko kanina.
"Anong maaari? Dapat sinabi mo na ilagay ka!" pasigaw na sagot niya sa akin. May lumabas pa na kaunting saging mula sa bibig niya dahil sa pagsigaw. Ang iba ang nalaglag sa kanyang damit at ang iba naman ay nasa upuan.
Kadiri.
"Wala naman sa akin ang desisyon eh. Kahit pa sabihin ko na isama nila ako sa mga mamamasada, kung hindi sila papayag ay wala akong magagawa. Nasa komite ang desisyon," angal ko naman.
BINABASA MO ANG
Adan Hits Eva (Deep Trouble Series #1)
General Fiction(COMPLETE) Since the pandemic started, lockdown was implemented in the whole city of Shukesa. People are not allowed to go outside their houses. The government said that people are safe as long as they're inside their houses, but how can Hanae be s...