PAALALA: ANG KABANATANG ITO AY MAYROONG MGA "VIOLENT SCENES". KUNG IKAW AY HINDI SANAY SA PAGBABASA GANOONG URI NG MGA PANGYAYARI, HUWAG MO NG BASAHIN ANG KABANATANG ITO.
-
Tulad nga ng sinabi ni Aito kagabi, dapat ay maaga akong magising dahil nga ipagluluto ko pa siya ng makakain niya para sa almusal.
Hindi pa sumisikat ang araw ay nagising na ako. Hindi ito normal para sa akin. Madalas kasi ay nagigising ako kapag alas-sais na ng umaga o mga alas-syete.
Naligo muna ako at saka bumalik sa aming kwarto. Natutulog pa si Aito ng dumating ako at napakalakas pa ng hilik niya. Nakatihaya siya at ang kaliwang braso ay nakapatong sa kanyang noo.
Dahan-dahan akong lumapit sa drawer at kinuha ang telepono at notebook ko. Maingat kong isinara ang drawer at lumabas ng kwarto. Sinigurado kong naka-lock ang pinto upang kapag nagising na siya ay malalaman ko agad at makakapaghanda ako.
Pumasok ako sa loob ng palikuran at isinarado ko na ang pinto. Mabilisan kong tinipa ang mga numero, ngunit bago ko pa pindutin ang kulay berde na icon, sinigurado ko muna na tama ang numerong nakalagay sa screen ng aking telepono.
Hindi ako mapakali at nanginginig ang aking mga kamay. Hindi ko alam kung ang tinawagan ko ba ay ang PNP o ang Women and Children's Protection Center. Hindi ko kasi nakopya ang mga pangalan ng may-ari ng numero kahapon dahil sa pagmamadali.
Paulit-ulit na nagriring ang telepono ko ngunit walang sumasagot. Busy daw ang linya. Marahil ay maraming tumatawag sa linya nila ngayon.
Dumako ang tingin ko sa pangalawang numero at tinipa ko rin ito sa aking telepono. Hindi ko mapigilan ang panginginig ng aking kamay habang naghihintay na sagutin ng kabilang linya ang tawag ko.
"Hanae!"
Nabitawan ko ang aking telepono sa sobrang gulat. Wala pang limang minuto simula ng bumaba sa ako pero gising na siya.
Nagmamadali kong kinuha ang notebook at ang telepono. Lumabas ako sa palikuran at itinago ito sa ilalim ng sofa.
"Hanae! Buksan mo 'tong pinto!" mas malakas ang sigaw ngayon ni Aito.
"Saglit lang!" sigaw ko pabalik. Binasa ko ang aking buhok at kinuha ang tuwalya.
Binuksan ko ang pinto ng aming kwarto at bumungad sa akin ang naiinis na mukha ni Aito.
"Bakit mo ni-lock ang pinto? Kanina pa ako nagsisisigaw dito!" sambit niya at naglakad palabas.
"Pasensya na. Hindi ko napansin na na-lock ko pala ang pinto," sagot ko habang sinusundan siya pababa ng hagdan.
Hindi siya lumingon sa akin. Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad habang nagsasalita. "Sa susunod, ayusin mo. Bakit ba ang tagal mo dumating? Aakyat ka lang naman ng hagdan," tanong niya.
"Naliligo kasi ako noong tinawag mo ako. Hindi ko rin kaagad na narinig dahil malakas ang tunog ng tubig," pagsisinungaling ko sa kanya.
Hindi na siya sumagot. Pumasok siya sa loob ng palikuran. Ako naman ay nagtungo sa kusina upang ipagluto siya. Ngayong gising na siya, siguradong maghahanap siya agad ng pagkain kapag nakalabas na siya ng palikuran.
Habang nagluluto ay hindi ako mapakali. Paano kung makita niya 'yong telepono at notebook ko?
Dahil sa naging okupado ang isip ko ay dumulas sa kamay ko ang hawak kong itlog at nabasag ito. Nataranta ako dahil baka narinig ni Aito ang nabasag na itlog. Mabuti na lamang ay malakas ang tunog ng tubig at nasapawan ito.
BINABASA MO ANG
Adan Hits Eva (Deep Trouble Series #1)
General Fiction(COMPLETE) Since the pandemic started, lockdown was implemented in the whole city of Shukesa. People are not allowed to go outside their houses. The government said that people are safe as long as they're inside their houses, but how can Hanae be s...