Paano ko aalayan ng akda ang isang makata at kuwentista
na kabisang-kabisa na ang bawat mga letra?
Wala akong alam sa mga akdang nabasa mo na,
wala akong alam sa mga librong binabanggit mo.
Basta ang alam ko, ako ang pinakamaganda mong binasa.
At ang tanging alam ko, ako ang pinakapaborito mong libro.
Kaya mas lalo kong inakbayan ang mga titik at salita,
niyakap nang mahigpit ang nagtatalik na mga talata,
hinalikan ang bawat ponema, morpema, at mga bahagi ng pananalita
at nagawa ko na ring sumiping sa mga tayutay at mga talinhaga.
Para sa 'yo, para lang sa 'yo.
Sapagkat nais kong pasukin ang mundo mo.
Pinagtabi-tabi ko ang mga tandang padamdam
sapagkat hindi mo alam ang sabik sa bawat pangungusap.
Pinagsama-sama ko ang mga tandang pananong
upang magkaroon ng sagot ang bawat saknong.
Inipon ko ang mga kuwit
sapagkat magpapatuloy tayo patungong walang hanggan
at itinago ko ang mga tuldok
upang sabihin sa 'yong hindi totoo ang katapusan.
Kung sakaling maubusan man tayo ng tinta at mga pahina,
handa kong gawing hagdan ang mga aklat upang maabot natin ang mga tala.
Basta't sabay nating sambitin ang mga katagang:
"Nandito ang aking pluma na nagsisilbing punglo para ipagtanggol ka,
kasi akin ka.
At nandito ang aking papel na nagsisilbing kalasag para protektahan ka,
kasi akin ka."
Dahil ikaw ang pinakaperpekto kong tula.
Dahil ikaw ang pinakaiingatan kong likha.
Sabay nating ukitin ang pangakong may sukat at tugma.
Sabay nating isulat ang napakahaba nating kabanata.