Sinundan natin ang mga talulot ng rosas
na nagsilbing palatandaan ng ating landas.
Apat na hakbang patungo sa simula
upang balikan ang matatamis na alaala.
Apat na hakbang patungo sa dulo
upang alamin kung mayroon tayo nito.
Sinubukan kong lumiko ng daan,
hindi kita natagpuan sa kaliwa pati sa kanan.
Apat na hakbang palayo
ngunit nakikita ko ang sarili ko
na may apat na hakbang pabalik sa 'yo.
Minapa tayo ng pag-ibig natin sa apat na direksyon
at kung maligaw man tayo sa apat na iyon
hindi naman maglalaho ang damdamin nating pareho ang tugon.
Apat na hakbang mula sa 'yo
patungong hilaga
para samahan ako.
Apat na hakbang mula sa 'kin
patungong timog
para samahan ka.
Apat na hakbang patungong silangan
upang sunduin ang araw na nagmamasid sa ating mga ngiti.
At apat na hakbang patungong kanluran
upang ihatid ang buwan na sumubaybay sa ating walang kupas na pagtangi.
Nandoon ka sa gitna
kaya apat na hakbang patungo sa gitna
kung saan parehong magtatagpo
hindi lamang ang mga mata
kundi ang ating mga puso.