Kabanata 36

166 11 1
                                    

Lukot doon, guhit rito, kulay doon, punit dito. Halos paulit-ulit lamang ang nangyayari sa loob ng maliit kong opisina dahil sa huling lay out ng mga damit para sa next season. Hindi ko maiwasang yakapin ang sarili ko dahil sa lamig na hanggang buto.

Maya't maya ang paghingi ko ng kape o gatas kay Cyron kapag gusto kong mainitan, hindi na dapat ako pumapasok dahil kabuwanan ko na at dapat ay nagpapahinga na lang ako, pero hindi ako pumayag dahil kaya ko pa naman at hindi pwedeng tumigil sa trabaho dahil kailangan ko pa ng kaunting pera para sa pagpapaanak ko.

Naikagat ko na lamang ang labi ko dahil sa pagsakit ng aking balakang, dahan-dahan kong kinuha ang huling ginawa kong lay-out upang makapag-pasa na at makauwi na rin.

"Ako na," bungad sa akin ni Cyron pagkabukas ko ng pinto.

Tinitigan ko lamang ito saka pinagkatiwala sa kaniya ang gawa ko. Ngumiti na lang ako rito saka isinara muli ang pinto upang makapag-ayos na ng mga kalat.

Sigurado ako na tapos na rin si Lana dahil isa siya sa mga mabibilis gumawa, hindi ko alam kung bakit gano'n siya parati, hindi naman niya minamadali ang mga gawain, o baka sadyang ginaganahan siya kumpara sa akin.

Kinuha ko agad ang heavy coat ko upang maipamatong dahil sa sobrang lamig. Ang bilis ng panahon at huling buwan agad ngayon ng winter, halos hindi na ako minsan makagalaw dahil sa makakapal na sinusuot ko idagdag pa ang malaki kong tiyan, napakabigat pa.

"Tara na?" rinig kong boses sa likuran ko.

Ngumiti ako rito bilang pagsang-ayon saka hinayaan siyang alalayan ako.  Mas lalo pa akong napayakap sa sarili ko dahil sa lamig ng simoy ng hangin sa hallway, nariyan ang kanya-kanya nilang dalang kape at mainit na pagkain.

"Veronika, where are you going? Home?" salubong sa akin ng babaeng kasingtangkad ko lang. Isang amerikana.

"Yeah. I'm done with my lay out, hope you too," natatawang sabi ko na tinawanan niya at kumumpas ng kamay.

"I hope so. Oh! It's freezing outside, you Cyron, should take care that preggy, I'm her cctv, yah know?" sabi nitong itinuro pa ang mga mata at itinutok kay Cyron.

"Yes Madame," saludo nito.

"Bye babies, see you soon," dagdag nito saka nagpaalam.

Natatawang naglakad muli kami dahil sa inasta ng katrabaho ko, halos napagkakamalan na kaming dalawa pero alam naman nila kung ano talaga kami ni Cyron, mabuti pa rito at hindi issue ang mga bagay-bagay. Kung nasa Pilipinas lang siguro ako makikita ko na ang pangalan ko sa news.

Inalalayan ako nitong makapasok sa front seat saka siya tumuloy sa driver seat, nakakatuwa lamang dahil mas nagiging maalaga pa siya kaysa kay Lana.

"Hinihintay ka na nila Tia, nandoon na rin ang mga gamit mo," pagbabasag nito sa katahimikan.

Napalingon ako rito ng wala sa oras saka ngumuso. Hindi ko alam kung bakit gusto nilang nandoon ako, hindi naman ako nakakaramdam ng kahit na ano depende na lang sa pag-sakit ng aking balakang.

Lagi na lang nila dinadahilan na baka kung anong mangyari sa akin at mapaanak ako ng wala sa oras. Mga nerbyosa talaga.

Tanaw ko na ang dulong bahagi ng village kung saan ang bahay ni Alenna, nahagip pa ng paningin ko si Lana na walang kahirap-hirap na inaalis ang makakapal na nyebe sa papasukan ng kotse.

"Here we go," nakangiting sambit ni Cyron.

Nang makababa na ako ay sa likod na ako mismo dumaan para makaiwas na rin sa madulas na daan. Hindi rin pala maganda ang pagkakaroon ng winter season sa isang bansa. Katulad ko na lumaki sa tropikal na bansa gaya ng Pilipinas ay wala akong ibang inasam kundi ang umulan ng snow, pero ngayon... Hindi na ako natutuwa.

A Hidden Love | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon