Three

15 0 0
                                    

KUNG AKO MAN ay bibigyan ng pagkakataong maging milyonaryo sa loob lamang ng isang araw, malamang na malamang ay bibili kaagad ako ng lupa para sa aming magiging bukid at para sa pagpapatayo ng isa pang branch ng bakery shop ni Tita Myrna.

Ang mga lupang ipinamana ng aking lolo at lola, ang magulang ng aking ina at ni Tita Myrna sa kanilang mga anak na nasa abroad ay dalawang ektaryang bukid sa Baluarte at isang bakanteng lupa sa Rosario.

Kanila itong binenta.

Ilang banggit na nga ni Tita Myrna sa akin na kung may pera lang daw siya noong panahon 'yon, sigurado siyang bibilhin niya ang pamana ng kanyang mga kapatid. Kahit man lang ipinaubaya lang daw sa kanya ang kanilang minana kaysa ibinenta. Ngayon huli na ang lahat.

Ang bukid sa Baluarte ay isa ng ganap na bodega ng isang sikat na grocery store sa aming lugar at ang bakanteng lupa na ay isa ng paupahang apartment.

Lubos ang panghihinayang ni Tita Myrna lalo na at alam niyang wala na siyang magagawa upang mabawi pa ito.

Ang natanggap ni Tita ay ang bahay na kinalakihan nilang magkakapatid—itong bungalow house na nakatayo malapit sa daang main road. Dalawang bahay mula sa amin ay isang eskinita kung saan ako naglalaro madalas noong bata pa ako.

Masaya sa daang eskinita na 'yon.

Kapag umaga at ang araw ay mataas, kung hindi sa bahay namin, sa bahay nila Yula kami naglalaro. Si Yula, Lilibeth, Ina, Angel, at Josh. Ilan lamang sila sa aking mga naging kalaro at tunay na nagkaroon ng koneksyon noong mga bata pa kami.

Tuwing hapon naman ay maraming tao. Hanggang ngayon, nakakakita pa rin ako ng mga batang pakalat-kalat sa lansangan na kasalukuyang nararanasan ang pagkabata na marahil ay babalik-tanawin nila sa kanilang pagtanda.

At dahil sa karansang 'yan, nagpapasalamat ako kay Tita na hindi niya binenta ang bahay.

Hindi ko rin matanggap ang ginawa ng kapatid ni Tita Myrna. Kung isa mang praktikal na aksyon ang kanilang ginawa, ito naman ay makasarili. Parang hindi nila tinuring na kapatid si Tita. Aaminin ko na may sama ng loob ako sa kanila kahit na sinusuportahan nila akong magtamo ng tagumpay dito sa Pilipinas.

Alam ko ang hirap ni Tita rito sa Pilipinas. Alam ko ang hirap namin ni Tita rito sa Pilipinas.

Sigurado ay nahihirapan din silang mamuhay sa Canada pero hindi man lang ba nila inisip si Tita? Kahit man lang umuwi isang beses kada taon pero hindi.

Hindi ko alam kung ano ang iniisip nila sa kursong kukunin ko. Susuportahan ba nila ako hanggang ako ay makapagtapos? Hindi ko alam. Mas mabuti talaga na magkaroon ako ng part time job para kahit papaano may ipon ako at pangtustos para sa aking sariling gastuhin.

Mabuti nang mag-alala para sa aking hinaharap dahil hindi talaga ako panatag.

Nakakatakot.

Ito na ang huling linggong pananatili ko rito sa aming siyudad kaya napagdesisyonan kong magkita-kita kaming magkakaibigan sa isang sikat na Lomihan dito sa amin.

Habang kinakalat ko ang pulbo sa aking mukha ay siya namang pagtunog ng aking cellphone.

Inilabas ko ang aking cellphone mula sa aking shoulder bag na kulay brown. Ang aking cellphone ay padala ng aking Tito mula sa Canada noong nakaraang taon. Sa tingin ko talaga asensado na sila ngayon. Narinig ko na ang Tito ko ay isang nurse noong siya'y nagpunta roon, hanggang siya'y nagkapamilya, at ngayo'y isa ng ganap na doktor sa puso.

Margaret: Nandito na ako, Yves. Tara pa pala sa bahay namin pagkatapos nating kumain dito.

Ako: Sige. Papunta na ako.

By the City's TranquilityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon