Simula

16 0 1
                                    

Sa probinsya ng Isabela isinilang si Myrna, isang babaeng maligalig at mapagmahal na anak na ang pangarap ay kasing taas ng isang lipad ng ibong agila. Si Myrna ay may tatlong kapatid na ngayon ay naninirahan, malayo sa perlas ng silanganan. Ang pinakamalapit na kapatid sa kanya ay sumakabilang buhay ilang taon na ang nagdaan at ang iniwang memorya kay Myrna ay ang kanyang anak na si Yves.

       Ako si Yves. Ang pamangkin ng isa sa pinakamamahal kong tao sa aking buhay. Bata pa lamang namulat na ako sa kaisipan na ang aking ina ay ang aking tita na nagngangalang Myrna at ang tawag ko sa kanya simula pa noon ay Tita Myrna.

       Ang mga kapatid ni Tita Myrna ay naninirahan sa ibang bansa. Hindi ko malilimutan ang kanilang mga padala sa akin tuwing taon na sapatos na yari sa leather, mga tinapay na nakalagay sa bilog o minsan naman ay parisukat na galyetas, at perang nakalagay sa sobre na inilalaan para sa akin lamang ni Tita Myrna na para raw sa mga gastusin sa aking pag-aaral hanggang kolehiyo.

       Inihahalintulad ko si Tita Myrna sa isang bulaklak na kalachuchi na karaniwang makikita sa probinsya na ang kaputia'y kasing puro ng kanyang puso at ang bulaklak na kumukutitap sa sinag ng araw tulad ng kanyang pagkatao. Nag-iiba man ang kulay—puti, asul, at pula—subalit hindi ito lilisan. Nandiyaan lang siya, tagapagbigay ng pag-asa. Dahil sa kanya, hindi kailanman ako naging malumbay. Sa kutitap na kanyang dala, hindi ko siya malilimutan.

       Si Tita Myrna.

       Siya ay isang panadera. Nakapagtapos ng kursong edukasyon at buong buhay nanirahan dito sa Pilipinas na kanyang mahal na mahal subalit tila ngayo'y napakahirap nang mahalin ng bansang ito. Pilipinas, minsan ang hirap mong mahalin.

       Dalawang kanto mula sa bahay na bungalow na ipinamana sa kanya ng aking lolo at lola ay matatagpuan ang kanyang bakery shop. Siya ay dating panadera lamang ngunit ngayo'y binili niya ito pagkatapos nitong malugi. Ipinangbili niya ang kanyang sariling ipon at hindi ginamit ang anumang perang ipinapadala ng kanyang mga kapatid.

       Maliit ang tingin ng mga kapatid ni Tita Myrna sa kanya sapagkat hindi katulad nila ay mas pinili ni Tita Myrna na manirahan dito sa Pilipinas at maging isang panadera subalit alam kong mahal na mahal niya ang kanyang ginagawa.

       Bata pa lamang ay namulat na ako sa buhay dahil sa kanya. Siya ang aking modelo. Sa tuwing mahaharap ako sa sitwasyong kailangan kong magdesisyon, akin munang tinatanong sa aking sarili kung 'Ano ang gagawin ni Tita Myrna?'.

       Ako ay may pangarap. Pangarap kong gumanap sa entablado at matampok ang aking mga sining. May paniniwala si Tita Myrna sa akin. Kasama ko siya sa anumang hakbang ko sa aking buhay. Palagi niyang sinasabi, "Mabuti 'yan, Yves. Ipagpatuloy mo lang 'yan, ha? Huwag mong hahayaang ang pangarap na 'yan ay makuha ng iba." At sa tuwing siya ay naniniwala, ako'y nabubuhayan ng loob. Ang bituing pangarap ko'y mas nag-aalab. Lalong umiinit.

       Palaging binabanggit ni Tita Myrna sa akin ang mga nakagawian ng aking yumaong ina na lubos daw ang aming pagkakahawig. Nasisiguro akong isa iyon sa dahilan kung bakit ipinapasyal ako palagi ni Tita Myrna noong bata pa ako sa coliseum dito sa aming bayan na ngayon ay wala na dahil sa isang naganap na sunog ilang taon na ang nagdaan. Ngunit sa aking pagbalik, ako ay magpapatayo ng coliseum na libre para sa lahat. Ito ay itinataga ko sa bato.

       Minsan ay nahahanap ko ang aking sarili na titigan si Tita Myrna dahil nabanggit din niya na lubos ang pagkakahawig nila ng aking ina. Kung nabubuhay pa siguro siya ngayon, masaya kaya siya sa daan na aking tatahakin? Malamang ay oo. Itong talento kong ito ay namana ko sa kanya. Ito ang kanyang pamana sa akin, at gusto kong maging katulad ng aking nanay. Hindi ko man naranasan ang kanyang alaga, ang mamuhay na naaayon sa kanyang mga nakahiligan ay ayos na sa akin.

       Si Tita Myrna rin ay nagmahal. Palagi niyang sinasabi sa akin na ang magmahal at mahalin ay ang pinakamagandang pakiramdam sa mundo. Ang pagmamahal daw ay ang pagkakaroon ng karamay sa buhay—na mayroon kang kasama sa paglalakbay sa takbo ng buhay, na ang pagmamahal ay isang proseso ng pagkatuto at ikaw ay matuto't matututo.

       Siya ay nagmahal ng isang beses. Tuwing buwan ng Disyembre ay nakagawian na niya ang dumalaw sa sementeryo daladala ang mga pitas na bulaklak na kanyang mga tanim sa aming bakuran. Sanay na ako na sa tuwing panahon ng pasko ay may mga beses na pinipili niya nalang mag-isa at naiintindihan ko iyon. Masakit isipin na ang taong minamahal ako ng lubos ay kulang ng pagmamahal mula sa isang taong sinisinta niya.

       Hindi patas.

       Hinti pantay.

       Nabanggit ni Tita Myna na ang kanyang kasintahan ay isang panadero at nag-aaral bilang isang seaman. Siya ang nagpakilala kay Tita sa sining ng paggawa ng tinapay at nakikita ko na ang paggawa ng tinapay ay isang bugso ng damdamin para sa kanya.

       Para sa iba, ang lipad daw ng kanyang pangarap ay lipad na lamang ng ostrich at hindi na lipad ng agila.

       Si Tita Myrna ang pinakasimpleng taong aking nakilala. Kung wala siya, hindi ako niningning—wala ang aking bituing pangarap. Wala akong kaisipan sa aking yumaong ina na ang pamana sa akin ay ang aking mga talento. Kung wala si Tita Myrna, ako ay walang hugis.

       Ako ay binubuo ng pangarap na sa tingin ko ay bagay na sa aking maging isang bituing kumikinang sa itaas. Pipiliin ko nalang manirahan na rin sa sansinukob dahil dito sa mundong ito, ang daming pighati at minsa'y nakakapagod.

       Nakakapagod.

       Lagi niyang sinasabi sa akin, "Yves, ang tao ay napapagod din. Magpahinga kung kailangan pero huwag na huwag kang kailanmang susuko."

       At para sa kanya, nakamit niya na ang kanyang pangarap hindi lamang sa paggawa ng tinapay. Ito ay ang makilala ang mahal niya at malaman ang kanyang layunin sa buhay—ang aking maging tita at mahal na mahal ko si Tita Myrna.


By the City's TranquilityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon