Philip (Part 2)

3.8K 243 42
                                    


Pangit nga raw ang taste ko sa babae, sabi ni Tinay. Obssessed na raw ako sa babaeng iyon. Pero more of concern din ang dahilan kaya palagi ko siyang kinakausap. Hindi naman siguro iyon obssession na talagang hinahabol ko siya at kabisado ko ang schedule niya. Pansinin kasi talaga ang lungkot niya. At ang bigat lang sa pakiramdam na kapag tinitingnan ko siya, iwas ang mundo sa kanya.

Nakakaawa na nakalulungkot—na paano kung ako ang nasa ganoong kalagayan? Na ganoon na nga, tapos wala pang may pakialam sa akin? Kung non-existent ako sa mundo, paano ko pa masasabing may saysay ang buhay ko? Na kung sa bawat araw na dumaraan, parang humihinga na lang ako para masabing buhay pa pala ako. Pero walang may pakialam kung buhay nga ba talaga ako.

Obssession na ba kapag ang katwiran ko ay gusto ko lang iparamdam sa kanya na hindi siya mag-isa sa mundo kahit parang wala nang mundong may pakialam sa kanya? Na kahit ilang beses niya akong ipagtabuyan, titiyagain kong kausapin siya kasi gusto kong maisip niya na may taong concern sa kanya. Kahit bilang kaibigan na lang. O bilang kakilala.

Gaya ng hiling niya, dinala ko siya sementeryo. Alas-kuwatro na ng hapon, naabutan pa naming ibinababa ang kabaong sa lupa. Ang daming nag-iiyakan doon. Okupado ng mga taong nakaputi at itim ang isang parte ng sementeryo—malamang kamag-anak ng kasama ko. Naroon lang kami sa dulo, malayo sa kanila. Mainit at gusto ko na sanang sumilong sa may lilim ng puno sa kabilang kanto ng block kung nasaan kami, pero maiiwan ko kasi siya.

Yung karton ng gatas na pamaypay ko sana, pinampandong ko na lang sa ulo niya. Kamay ko na lang ang pinampandong ko sa ulo.

Gusto ko siyang umiyak, sa totoo lang. Yung hagulhol. Yung nagwawala. Yung naglulupasay. Kasi sa ganoong paraan, mararamdaman kong nasasaktan nga siya. Kaysa ganitong tutulala lang siya sa naglilibing habang tahimik na naghihintay matapos ang seremonya.

Mabigat sa damdamin ang ganitong eksenang may nag-iiyakan sa harapan ko, pero wala na yatang mas bibigat pa sa ginagawa nitong katabi ko. Sa dami ng paraan para ipakitang nagluluksa siya, mas pinili na lang niyang manahimik.

Ayoko ng ganoon. Na iipunin sa loob. Kasi kapag umapaw iyon, ang daming puwedeng mangyari.

"Puwede kang umiyak," alok ko. Tinapik ko pa ang balikat ko para sabihing libre iyon kung kailangan niya ng shoulder to cry on.

Pero wala e. Hindi natinag. Natapos ang seremonya at naubos ang tao pagsapit ng alas-singko. Pakiramdam ko, natusta ako sa init ng araw. Mahigit isang oras din kaming nakatayo at nanonood. Gumalaw lang siya noong nag-alisan na ang lahat at lumapit doon sa bagong tabon na lupa kung saan inilibing ang papa niya.

Hindi na ako nagtangkang lumapit. Dumoon na lang ako sa lilim na malapit sa Hilux para hintayin siya.

"May mga bagay tayong pinagsisisihan sa buhay, hindi ba?"

Napatingin agad ako sa kanang gilid dahil doon sa nagsalita. Hinagod ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Naka-amerikana, naka-itim. Baka kasama sa nakilamay kanina. Mukhang mas bata lang sa akin nang kaunti.

"Kung bibigyan ka ng pagkakataong makabalik sa nakaraan, ano ang gagawin mo?"

Saglit ko siyang sinulyapan bago ilipat ang tingin sa tinatanaw niya—doon sa kasama ko kanina pa.

"Wala, siyempre," puno ng kumpiyansa kong sagot. "Kapag nabago ko ang past ko, e di wala ako ngayon dito. Sayang achievements ko e." Tiningnan ko ulit siya. "Bakit mo pala naitanong?"

Embes na sumagot, iniladlad niya sa harapan ko ang isang pocket watch. Mukhang luma na. May mga number sa casing at kita rin ang loob. Pero naka-steady lang ang kamay ng relos.

When It All Starts AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon