Chapter 41: Flash . . . Back

5.2K 401 86
                                    

Ang huling memorya ko, parang bumagsak ang lahat at nawalan ako ng malay. Naramdamam ko na lang na nakahiga na ako sa malambot na higaan bago pa ako dumilat.

"Gising ka na pala."

Nangangasim ang sikmura ko at medyo nahihilo pa ako. Napabangon agad ako at naupo. Sumandal ako sa mga unan at saka inilibot ang paningin.

Hindi ganoong kaliwanag sa kuwarto ko. Nakabukas na lampshade lang ang tanging ilaw sa loob. Hindi binuksan ang LED.

"Ano'ng oras na?" tanong ko pa habang kinukusot ang mata.

"9:19."

Masakit pa rin ang ulo ko kaya minasahe ko nang kaunti ang noo ko para mawala ang sakit. Parang gumuguhit ang kirot mula noo hanggang batok.

"Bakit hindi ka pa umuuwi?" tanong ko.

"Wala kang kasama kaya dito muna ako."

"Yung tatlo?"

"Nakatulog sa ibaba. Dito raw muna sila mag-s-stay. At nagpaalam sila sa kanila, don't worry."

Nagbuntonghininga na lang ako dahil sa sinabi niya. Talagang nagtagal pa sila rito.

"Sana sinabi mong hindi ka umiinom. Isang can lang ang naubos mo, bagsak ka na agad." Naupo siya sa tabi ko at hinawi niya ang buhok sa mukha ko. "Matulog ka na ulit. Mukhang may hangover ka pa e."

"I'm sorry." Hindi ko alam kung mabigat lang ba ang ulo ko o ano na kusang sumandal ang noo ko sa balikat niya.

Hinagod niya ang likod ko. "Sorry din sa kanina."

"Baka naaabala na kita."

"Kahit kailan, hindi ka naging abala sa 'kin."

Hinawakan niya ako sa balikat at inilayo niya ako sa kanya. Tiningnan niya ako nang diretso. Yung tingin niya, punong-puno ng awa sa akin.

Nag-iwas na lang ako ng tingin. Nauumay na ako sa ganoong mga tingin. Mga tinging parang napakamiserable kong tao. Alam ko namang walang kuwenta ang naging buhay ko sa nakalipas na apat na taon, huwag na lang sanang ipamukha pa. Masakit na nga, ginagatungan pa.

"Kung alam ko lang na aabot ka sa ganito, sana hindi kita iniwan noon."

Umiling na lang ako sa sinabi niya.

"Kung hindi mo 'ko iniwan noon, hindi mo maaabot ang naabot mo ngayon."

"Stella."

"Gelo, desisyon ko kung bakit umabot ako sa puntong 'to ng buhay ko."

"Pero may kasalanan din ako kung bakit—"

"Angelo, wala. Wala kang kasalanan."

Tinanggal ko na ang pagkakahawak niya sa akin. Bumalik ako sa pagkakahiga. Patagilid ang puwesto ko at sinadya kong tumalikod sa kanya.

Siguro nga, makababalik ako sa nakaraan, pero may mga bagay na kailangang iwan na lang doon. Wala na ako sa kahapon. Nandito na ako sa ngayon. At parang kahit na ano'ng balik ko, hindi pa rin nawawala ang pagiging miserable ko.

Parang kagabi lang noong makita ko siya rito sa kuwarto ko. Hindi ko maramdamang limang taon na ang lumipas noong nangyari iyon.

Naramdaman kong humiga rin siya sa tabi ko.

"Sana, nandito ako sa mga panahong kailangan mo ng kasama."

Pumikit na lang ako at hinayaan siyang magsalita. Kinagat ko na lang ang labi ko para pigilan iyong manginig. Kung hindi, baka umiyak na naman ako.

"Mahal pa rin kita, Stella. Hindi ka nawalan ng lugar sa puso ko."

Malas naming dalawa, there's more to life than love.

When It All Starts AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon