Chapter 14: The Conclusion

8.5K 424 41
                                    

Biglang tumahimik nang pumasok ako sa room. Lahat sila, nakatingin sa 'kin. Sa bagay, matapos nila akong pagtulungan kanina at i-bully, ano pa ba'ng aasahan ko?

"Hoy, mga classmate!"

Biglang sumulpot sa pintuan si Carlo at inakbayan ako. Lumakad kami papunta sa may gitna sa harap. Nagtataka akong tumingala sa kanya.

"May meeting ngayon sa baba! Pinatawag si Ma'am Amy sa principal's office kaya—" Napahinto siya nang tumingin sa 'kin. "Wa . . . lang tea . . . cher," dahan-dahan niyang sinabi at mukhang nagulat siya sa nakikita niya sa mukha ko.

"Walang teacher?" sarcastic nang tanong ko. Dahan-dahan naman siyang tumango sa 'kin. "Paanong hindi ipatatawag si Ma'am e ang iingay ninyo, para kayong nakawala sa kural." Tinanggal ko ang braso niya sa balikat ko at bumalik na 'ko sa upuan ko.

Worst day ever ko ngayon, gaya ng hiniling ko roon sa pocket watch. Ibig bang sabihin, tunay nga ang mga nangyari noong bumalik ako sa first day ng school? Sina Mama? Ang mga 'yon? Totoo 'yon?

Nilingon ko silang lahat. Mga nag-uusap-usap pa rin at nagtatawanan.

Kung ito nga ang worst day ever ko, siguro kaya ko pang pigilan kung anuman ang puwede pang maganap.

Ano ba'ng nangyari noon?

Pagpasok ko, pinatid ako ni Angelo kaya muntik na 'kong malaglag sa hagdanan at napunit pa ang palda ko kasi sumabit sa metal railings na harang.

Pagkatapos, nasa likod ako nakaupo at hinampas ako nina Chim ng notebook dahil wala akong assignment—ewan, gusto lang talaga nila akong saktan. Lumabas sila at iniwan ako sa room habang ang iba naman ang nagbabato sa 'kin ng notebooks sa harap—binabato ako ng notebook sa harapan!

So, iyon na 'yon? Iyon ang nangyayari kanina pagbalik ko rito—dito sa panahong 'to.

Pagkatapos, nabato si Cara ng bola sa ulo at nauntog siya sa kanto ng teacher's table. Sinugod siya sa clinic noong nagkagulo dahil may lumabas na dugo sa ulo niya. Na-cancel tuloy ang klase. Pinagalitan kaming lahat at pinag-stay sa quadrangle. Hindi na rin kami pinapasok pa sa loob ng room sa loob ng isang buong buwan.

Noong bago matapos ang recess, pinapunta ako nina Chim sa stage para kunin ang panyo niya at saka ako tinapunan ng putik. Ang alam ko, si Angelo ang may pakana tapos si Chim ang may gawa ng pagbuhos.

Umuwi akong pinagtatawanan noon ng lahat ng estudyante ng school at napilitang pumunta nina Mama para kausapin ang guidance counselor. Ang kaso, walang nakapunta dahil may problema.

Pag-uwi ko kasi, nag-away sina Mama at Papa dahil sa 'kin. Bakit daw kasi ako ipinasok ni Mama sa school na 'yon samantalang nabu-bully lang daw ako. Tapos lumaki nang lumaki ang away nila at umalis si Papa. Bumalik siya ulit sa bahay after a week at kinuha ang mga gamit niya.

Nahagip ng paningin ko si Edison habang pinaglalaruan ang hawak niyang bola. Nawala tuloy ako sa malalim na pag-iisip.

"Si Cara," malakas na bulong ko. Ito na ang eksenang babatuhin siya ni Edison ng bola ng basketball tapos mao-ospital siya dahil doon! Hindi na naka-graduate si Edison dahil kailangan siyang i-expel. Nagreklamo kasi ang magulang ni Cara at nasisi pa si Ma'am Amy at ang school dahil sa pagpapabaya.

Nasa labas pa lang si Cara nang maalerto na 'ko.

"Cara!" Mabilis akong tumayo at humarang sa daanan niya.

"Ste-Stella!"

"Agh—Aw!"

Narinig ko ang iba't ibang reaksyon nila sa loob.

"Hahaha! Tanga! Ba't mo sinalo!"

Ang lakas ng tawanan nila, naiinis na naman ako!

Wow! Napa-heroic mo naman, Stella! Oo, embes na si Cara, ikaw ang sumalo ng bola! Sige, pabida ka, di ba? Gusto mo ng monumento?

When It All Starts AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon