Day 2 post heart break
Nakailang call at text na si Blue, hindi ko pa rin pinapansin. Nagulat na nga lang ako dahil nasa tapat na pala siya ng bahay namin at nakikiusap kay Tatay na papasukin siya para kausapin ako. Si tatay naman nagbantang ilalabas ang shotgun niya kapag hindi pa raw aalis si Blue. Wala naman talagang shotgun si tatay, pero effective ang banta niya kasi umalis din si Blue.
Nakahiga na naman ako sa kama, nag-iisip kung ano ang gagawin. Tama siguro si nanay—dapat alamin ko muna ang dahilan ni Blue kung bakit niya ginawa 'yon. May rason naman ang lahat kung bakit ginagawa ng isang tao ang isang bagay. Puwere na lamang kung may tama sa utak ang taong iyon. Pero...
Nakakainis, eh! Hindi ko talaga maintindihan kung bakit niya ginawa 'yon, ang lokohin ako.
Nandoon na, eh. Nag-propose na sa akin, eh. Huwad na proposal pala! Muntik pa akong halikan!
Naramdaman kong uminit ang aking pisngi nang maalala ko ang muntik na naming paghahalikan ni Blue.
Ako at si Blue? Talagang mabubuo ang love team na BlAth? Puwede bang BlEen na lang? O kaya KaBlu? Ah! Alam ko na. KL-Blue na lang! Parang CN-Blue.
Arrgh! Ano ba itong mga pinag-iisip ko? Pangalan agad ng tandem namin ang pino-problema ko, eh, hindi pa nga kami.
Pinagpag-pagpag ko na lang ang unan ko at nagpasyang matulog na lang muli. Hindi ko inaasahan, inaabangan na pala ako ni Blue sa panaginip ko...
"Kath..."
"Pati ba naman dito sinusundan mo 'ko?" singhal ko.
"Naalala mo na ba ang pangako natin sa isa't isa?"
Hindi ko talaga maalala! Parang may pumipigil sa aking maalala iyon.
Biglang nagbago ang paligid namin at nakita kong nasa may hardin na pala kami sa likod ng bahay nina Blue. Napansin ko ang dalawang batang nasa isang bahagi ng hardin. Ang isang batang babae ay nakahiga sa damuhan at ang batang lalaki naman ay nakaupo sa tabi nito.
Dahan-dahan akong lumapit sa kanila. Pamilyar silang dalawa sa akin. Nang nakalapit na ako sa kanila, nakaupo na pareho ang dalawang bata.
"Kath," ang sabi pa ng batang lalaki, "mangako tayo sa isa't isa... hanggang sa dumating tayo sa tamang edad, huwag ka muna magpapaligaw sa iba, ha. Hihintayin kitang lumaki para ligawan."
"Kailan mo nga ako liligawan?"
"Kapag seventeen na ako. At kapag sixteen ka na. Siguro naman puwede na 'yon?"
Parang walang kamalay-malay ang batang babae na seryoso ang sinasabi ng batang lalaki. "Okay."
"Sa birthday mo... kapag nag sixteen ka na... liligawan na kita, ha? Mangako ka na hindi ka magpapaligaw sa iba, at mangangako naman ako na wala akong ibang liligawan kundi ikaw lang...!"
"Okay."
"Gusto kita, Kath."
"Okay."
Natawa na lamang ako sa pinag-usapan ng dalawang bata. Kaya naman pala hindi ko maalala ang pangakong iyon dahil wala namang akong kamalay-malay sa totoong intensyon ni Blue. Mga bata pa kami noon, kaya hindi ko sineryoso ang sinabi niya.
Pero sineryoso pala niya.
Parang may kumurot sa aking puso. Ibig sabihin, matagal na palang may gusto sa akin si Blue! Kahit maitim ako, kahit kulot ang buhok, maraming peklat sa tuhod... Kahit na ngayong nagdalaga na ako at nagsimulang tumubo ang mga tigyawat ko sa mukha... Gusto pa rin ako ni Blue...
"Kath," bulong ng binatang Blue sa akin. "Gusto kita..."
Gusto niya ako. Ang buong akala ko ay mortal na kaming magkaaway. Iyon pala kasalanan ko rin dahil itinulak ko siya palayo sa akin dahil sa kagustuhan kong maging tulad ni Nanay... dahil gusto kong sundin ang mga payo niya... Ngunit mali pala ang pagkakaintindi ko sa mga sinabi ni Nanay.
At pinilit kong piliin ng puso ko si Red dahil akala ko ay siya ang magugustuhan ni Nanay para sa akin. Mabait, hindi magulo tulad ni Blue, hindi mahilig tumakbo, umakyat ng puno at kung ano-ano pang larong panlansangan.
Akala ko kasi iyon ang ibig sabihin ni nanay no'ng sinabi niyang iwasan ko na ang kakatakbo at kakaakyat ng puno...
Akala ko kasi...
At no'ng namatay si nanay...
"Best friend..."
Nagising ako at ramdam kong basa pala ang mga mata ko. Umiyak pala ako?
Kinuha ko ang larawan ni nanay sa mesang katabi ng kama ko. Ang buong bahay ay puno ng letrato ni Nanay, kaya naman parang nandirito pa rin si Nanay sa bahay dahil madalas namin kausapin si Nanay sa mga larawan niya. "'Nay, bopols pala ang anak n'yo. 'Di ko kasi na-gets mga sinabi n'yo dati, eh."
Pinuntahan ko si tatay. Nakita kong nagkakape siya sa may kusina. Nilapitan ko siya at naglambing. "Tatay, kailan ho ako puwedeng magpaligaw?"
"Ha? Ano anak? May nanliligaw na sa 'yo? Gusto mo ng magpakasal? Bakit mo naman ako iiwanan anak! Buntis ka? Sino ang ama!"
"OA lang si Tatay, eh!"
"Pero 'di nga anak, sigurado ka bang may nanliligaw sa 'yo? Baka na misinterprete mo lang iyon, anak."
"Tatay..."
"Uhm... Kung meron man, dapat ay dito siya sa bahay manligaw, para naman makilatis ko nang husto. Pero ang request sana ni Tatay, kung pupwede kapag eighteen ka na magkaboyfriend."
Mukhang mahaba-mahaba pa pala ang gagawing paghihintay ni Blue kung sakasakali.
"Sino ba 'yang gustong manligaw sa 'yo anak?" tanong ni tatay.
"Si Blue nga po, 'Tay."
"Akala ko ba niloko ka niya?"
"Hindi ko pa alam ang buong istorya, 'tay."
"Puwede ka namang magpaligaw pero kapag eighteen kana saka mo na siya sagutin."
Kawawa naman si Blue kung nagkataon! Bigla akong may naalala. "Eh, ikaw nga 'Tay naging girlfriend mo si Nanay no'ng nasa fourth year kayo."
"Ha? Papaano mo nalaman 'yan?"
"Ibinulong sa akin ng secret admirer mo."
"Secret admirer?"
"Si Tatay talaga, manhid. Ikaw ang first love no'ng taong madalas kang tuksuhin no'ng high school."
Kumunot ang noo ni tatay at nag-isip nang malalim. "Ah! Si Linda? Linda Reynoso? Sobra kung makapintas no'n sa akin, eh. Kahit mabait na nga ako sa kanya lagi pa rin akong pinipintasan. Crush ko pa man din sana."
"May crush din kasi sa 'yo si ma'am."
"Kumusta na kaya siya ngayon? Teka nga, paano mo siya nakilala?"
"Guidance counselor namin. Ano kaya kung ligawan mo siya 'Tay?"
"Ha? Eh, baka magalit si Nanay mo anak. Crush ko si Linda, pero si Nanay naman ang true love ko."
Umiling naman ako. "Sa tingin ko naman, hindi magagalit si Nanay. Sa tingin ko naman ay gusto rin ni Nanay na magmahal kang muli."
"Sigurado ka anak? Sasagutin naman kaya ako ni Linda?"
"Hahaha! Si Tatay, luma-love life!"
Buti pa si Tatay, magkaka-love life uli. Sana ako rin.
#DyosaNgMgaPanget
BINABASA MO ANG
Dyosa ng mga Panget
HumorSi Kathleen Espinosa ay naniniwalang isa siyang Dyosa ng Kagandahan. Maganda raw kasi talaga siya... sabi ng nanay niya. Ngunit bakit kaya wala pa ring lalaking nagtatangkang manligaw sa kanya? At higit sa lahat, fifteen days and counting na lang ba...