I Was Always Here
Jac Fernandez•••
Palagi na lang kulang ang utak at puso sa lahat ng ginagawa ko. Na kahit gaano pa karami ang ibuhos ko, hindi ito sumasapat, hindi ito sumosobra.
Lagi akong napupunta sa pangalawa, at hindi lagi sa una. Sa ranking sa klase, sa kung sinong mas matimbang sa'min ni ate Pat, at pati ba naman sa Bukang Liwayway—ang opisyal na pahayagan ng pinapasukan kong eskwelahan. Parang palagi na lang akong sinusundan ng kapalaran ko na maging pangalawa.
Mabigat na paghinga ang binitawan ko nang mabuksan ko ang pahina kung saan nakasulat ang pahayag ng bagong Editor-in-Chief ng Bukang Liwayway. Tumambad sa'kin si Cassandra ng kabilang section, tila mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang ngiti nito sa litrato n'ya. Sinabayan pa ito ng dilaw na kulay ng piraso ng papel, na hindi ko alam kung gusto ba 'kong mabulag kung mas tatagalan ko pa ang pagtingin.
Hindi nagpigil ang pares ng mga mata ko upang umikot iyon patungo sa kung saan, mas pipiliin ko pang makita ang ibang kasuklam-suklam, kaysa makita ang pahina na s'ya lang ang tanging nagmamay-ari. Akala ko kasi, magiging akin ang pahina na 'to. Doon makikita ng mga estudyante ng Catholic School of Hanan na mambabasa ng magasin ang malapad na ngiti ko dahil sa matagal ko 'tong pinagpaguran.
Sa tinagal-tagal ko sa Bukang Liwayway, alam ng mga kasamahan ko at mismong si Mr. Sy na gustong-gusto ko ang posisyon ng EIC. Handa na ako para rito, marami na rin akong ipinanalo na contests kung saan dala-dala ko ang pangalan ng pahayagan namin pati na ng buong eskwelahan. Ngunit sa huli, hindi ako ang napili. Si Cassandra, si Cassandra na ang lamang lang sa'kin ay may mas "puso" raw palagi ang gawa.
Nang tanungin ko kung paano ako nagkulang sa "puso", alinlangang ngumiti sj Mr. Sy at sinabing: "Bianca...may mga bagay na nilaan para sa'tin, pero dahil hindi ka napili, hindi ibig sabihin no'n na hindi ka magaling. May dahilan kung bakit si Cassandra ang nasa posisyon, I hope that you'll not take it personally."
But I took that 'personally.' Malaking sampal iyon sa'kin.
Kung kailan hindi ako tumakbo sa student council, dahil buong pag-aakala ko, ako na ang susunod na EIC, biglang nasira lahat ng kagustuhan ko para sa huling taon ko sa high school. At ngayong nakikita ko na maganda pa rin ang takbo ng Bukang Liwayway kahit na umalis na 'ko rito, mas lalo lang lumalim ang inis ko.
"Okay, fine, bullshit," ani ko sa pabulong na tono. Mabilis din nalunod ang mga salita ko dahil sa ingay ng klase. At kung marinig naman nila ako, alam kong hindi nila ako papansinin.
"Ako ba 'yong minumura mo, o 'yang binabasa mo?"
Lumipad ang mga tingin ko sa katabi kong minsan ko lang maatim ang presensya. Nalimot ko na sa lahat ng gagawin at sasabihin ko, may reaksyon ang katabi ko.
Huminga ako nang malalim para man lang pakalmahin ang sarili ko. "'Wag ngayon, Joseph. 'Wag ngayon," may diin kong pagkasabi kasabay ng pagkunot ng noo na kanina pa pabalik-balik.
Umangat ang tingin nito mula sa binabasa n'yang bagong isyu ng Bukang Liwayway para tumungo papunta sa'kin. Itinaas n'ya ang isa n'yang kilay, may bakas ng pagngwi sa bibig n'ya na nagbabadyang mang-asar na naman sa'kin.
"Sige, mamaya na lang." Nagkibit-balikat s'ya. "Kapag hindi ka na galit, 'yong medyo na lang."
Kahit ba naman sanay akong asar-asarin n'ya, kahit kailan hindi ko nagawang matuwa sa kan'ya.
"Pero bakit gano'n, Bee? Wala rito 'yong pangalan mo sa bagong issue? Akala ko, ikaw na ang next na EIC..." nanliit ang mga mata nito pagkatpapos ay biglang nanlaki na parang may nahinuha s'ya. "Mukhang natalo ka ni Cassandra, ah! Haha!" Tumawa s'ya nang pagkalakas-lakas habang hawak-hawak ang kopya n'ya. Kung masama lang siguro akong tao, nabawasan na ang perpektong mga ngipin ni Joseph. Isa pa, wala s'yang karapatang tawagin akong Bee dahil hindi naman kami magkaibigan!
BINABASA MO ANG
I Was Always Here
Teen FictionStuck with the idea of wanting to be great, Ma. Bianca's life after high school becomes even hazier as she's clueless about what she truly wants to be to achieve that 'greatness.' Her insecurity heightened when she finds out that Eric Jenkins, her b...