"SINO ang lalaking iyon, Margareta?" Tanong ni Mercedes kay Margareta nang puntahan siya nito sa kanyang kuwarto.
Nagbibihis na siya ng pantulog. "Si Kenji Yukimura, isa sa manager ng Del Fuego Corporation," tugon niya.
"Bakit ka niya hinatid?" tanong ni Mercedes sa matigas na tinig.
Hinarap niya ang kanyang tiyahin. "Wala kasi akong masakyan, Tiya. Nagmamagandang-loob lang siya at walang ibang ibig sabihin iyon," aniya.
"Nababasa ko sa katauhan niya na may iba pa siyang pakay sa iyo."
Tinitigan niya si Mercedes. "Hindi ako interesado sa kanya. Nararamdaman ko rin na may nararamdaman siya sa akin na espisyal. Kakikilala ko pa lamang sa kanya at mabait siya pero hindi ako basta magtitiwala sa kanya."
"Mabuti naman. Mag-iingat ka sa mga taong nakakasalamuha mo. Nagsisimula nang magparamdam ang mga diablo," sabi nito.
Naalala niya ang minsang pagbabago ni Kenji nang puntahan siya nito sa kusina. Maaring iyon na ang simula ng mga hakbang ng diablo. "Kahit sinong tao po ba ay maaring maging kasangkapan ng diablo?" curious niyang tanong.
"Oo. Ang mababang uri ng diablo ay tanging mga hayop lamang ang kaya nilang gamitin. Samantalang ang may matataas na antas ay kayang-kaya nilang kontrolin ang katawang lupa ng isang tao. Gumagamit sila ng hipnotismo ng dilim upang makalimutan ng isang tao ang mga pangyayari matapos nila itong gamitin. Ayon sa lola mo, may mga diablo'ng nagbabantay sa iyong paglaki. Maari silang gumamit ng inosenteng tao upang mas madali ka nilang makuha. Ang iyong kaluluwa na may birheng katawan ay isa sa susi upang makalaya ang kanilang panginoon mula sa pagkakakulong nito sa sumpa ng lola mo. Ilang buwan na lang, kaarawan mo na. Kailangan mo nang makapag-asawa. May ipapakilala ako sa iyo na anak ng kaibigan ko," seryosong pahayag ni Mercedes.
Dumating na ang panahon na kinatatakutan niya. Pipilitin siya ni Mercedes na magpakasal sa isang lalaki na hindi niya mahal, ni hindi niya kilala.
"Hindi ba puwedeng ako ang pumili ng lalaking pakakasalan ko?" matapang na saad niya.
"Wala na tayong panahon. Kung hihintayin natin kung kailan titibok ang puso mo, mauunahan na tayo ng diablo."
"Meron akong napupusuan, kaya lamang..." Bahagya siyang napayuko. Naalala niya si Zandro.
"Hindi por que napupusuan mo ang isang lalaki ay mahal ka rin at handa kang pakasalan. Maghanap ka ng lalaki na handa kang pakasalan, hindi iyong pag-aari na ng iba. Kung ayaw mo ng arrange marriage, maghanap ka ng lalaking mahal ka, hindi na mahalaga kung hindi mo mahal. Madali nang matutunan magmahal kahit sa anong paraan. Kailangan maputol ang sumpa, bago mahuli ang lahat." Iyon lang ang sinabi nito at lumabas na ng silid niya si Mercedes.
Umupo siya sa gilid ng kama. Naiisip na naman niya si Zandro. Noon lamang niya napatunayan na nagkakagusto na siya sa kanyang amo. Ngunit hindi iyon tama. Isa pa, malinaw naman sa kanya na ikakasal na si Zandro. Kailangan niyang ilagay sa tama ang kanyang sarili. Hindi niya maaring konsintihin ang kanyang damdamin gayung makakasira ito sa kanyang reputasyon. Umaasa siya na lilipas din ang kanyang nararamdaman at makakatagpo pa siya ng lalaking magugustuhan niya.
Bumuntonghininga siya. Napatingin siya sa nakabukas na bintana. Buhat sa kanyang kinaluklukang kama ay natatanaw niya ang bilog at malaking buwan. Maliwanag sa labas. Nang hindi pa rin siya madalaw ng antok ay lumabas siya ng kanyang kuwarto. Hindi siya nagsuot ng sapin sa paa upang hindi marinig ni Mercedes ang yabag niya.
Lumabas siya ng bahay at lumakad patungo sa pinto. Huminto siya sa paghakbang nang masipat niya ang malaking pusang itim—na madalas nagpapakita sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya kinakabahan at kinikilabutan.
BINABASA MO ANG
Amor Del Diablo (El Diablo trilogy 1)Preview Only
ParanormalComplete version is available only on Dreame