Bespren 04

391 74 12
                                    

Imbes na sa classroom ako dumiretso, napagpasyahan kong sa garden muna ng school namin tumambay. Gusto ko kasing makalanghap ng sariwang hangin ngayon.

Wala masyadong pumupunta rito kaya rito ako madalas na tumatambay kapag may bakanteng oras kami. Narerelaks kasi ako kapag nandito ako eh.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago nagmuni-muni. Iniiwasan ko na naman siya. Hindi ko na kasi kinaya.

Matatag naman ako sa ibang bagay pero pag dating sa kaniya, nagiging mahina ako.

Palagi na lang akong nagkukunwaring masaya kapag pinag-uusapan namin si Kristine pero sa loob-loob ko, durog na durog na ako.

Sa tuwing naiisip ko na may posibilidad ngang sagutin ni Kristine, para na akong sinasaksak nang paulit-ulit.

Paano pa kaya kung maging sila?

Wala naman akong panama kumpara ro'n, eh. Maganda siya, matangkad, maputi, matalino at saka active sa school namin. Mabait din siya at hindi snob. Naiinggit tuloy ako sa kaniya.

Pakiramdam ko kasi, nasa kaniya na ang lahat. Wala naman akong magagawa. Eto lang ako, isang hamak lang na best friend niya.

Napatingala ako nang biglang may pumatak na kung ano sa pisngi ko. Mukhang nakikisabay yata ang ulan sa pagdadrama ko ngayon. Bahala na nga, 'di pa naman ata 'yan babagsak agad.

Hindi pa ako nakakaalis sa puwesto ko nang bigla na lamang bumuhos ang napakalakas na ulan. Sinubukan kong isangga ang kamay ko sa may uluhan ngunit nagtaka ako dahil hindi man lang ako nabasa.

"Pasaway ka talaga kahit kailan, Mine. Anong akala mo sa sarili mo? Gabi? Hindi nababasa?" panenermon niya.

"Ano'ng ginagawa mo rito? Paano mo nalamang nandito ako?"

"Hindi ko rin alam, eh. Dito ako dinala ng mga paa ko. Ang lakas ng pakiramdam ko pagdating sa 'yo eh." Seryoso ang mukha niya habang nakatitig sa akin.

Hindi ako tumugon sa sinabi niya. Bigla na lamang akong tumakbo nang mabilis papunta sa classroom namin at iniwan siyang mag-isa.

Narinig ko pang tinawag niya ang pangalan ko pero 'di na ako lumingon pa. 'Yan tuloy, nagmukha akong basang sisiw.

Basang-basa ako nang pumasok ako sa classroom. Tahimik lang akong naupo at agad na kinuha ang panyo sa bulsa ng aking palda.

"Jaz, anong nangyari sa 'yo? Uy, umiiyak ka ba?" nag-aalalang tanong ni Zafari, close friend ko na— kapatid ni Renz.

"Huh? Hindi. Naulanan lang ako. Naiwan ko kasi 'yong payong ko sa bahay," palusot ko. Sana lang hindi niya mahalata.

"Sigurado ka ba?" Tumango lang ako at ngumiti sa kaniya.

"Hay naku, 'pag ikaw nagkasakit niyan, baka 'di ka maka-attend sa Prom natin, sige ka."

"Okay lang na 'di ako um-attend. Matutuloy naman 'yon kahit wala ako," pag-e-emote ko pa.

"Oy, anong 'di ka aattend? Hindi pwede 'yon, 'no? Wala akong kasama 'pag nagkataon. At saka last na nating Prom 'to tapos palalampasin mo pa," pagtatampo niya. "Teka nga, may partner ka na ba?" tanong niya.

"Wala," kaswal kong tugon.

"Bakit?"

Hindi ko rin alam, Zaf.

"Wala namang nagyaya, eh. Okay lang naman 'yon kahit wala."

"'Di ka man lang niyaya ng kapatid ko?" Napalunok muna ako bago nagsalita.

Gusto ko sanang sabihin sa kaniyang, "Malabong yayain ako no'n dahil may nililigawan na," ngunit 'di ko ginawa.

Mapakla akong tumawa. "Hindi. Tingin ko meron na kasi siya," sagot ko.

Loving You Secretly [Completed] ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon