Bespren 07 [Finale]

431 66 19
                                    

Naramdaman ko ang mahigpit niyang pagyakap sa akin. Patuloy lang sa pag agos ang mga luha ko. Unlimited yata ito dahil ayaw maubos.

"Hoy Renz, ano ka ba? Baka makita tayo ni Kristine," pag-aalala ko.

"She will understand. Nandito lang ako lagi para sa 'yo kahit na anong mangyari," kalmado niyang sabi.

"Ako rin," bulong ko. Ilang minuto kaming nasa ganoong ayos. Parang ayoko pa sanang bumitaw sa kaniya no'ng mga oras na 'yon pero hindi pwede.

Pareho kaming kumalas sa pagkakayakap sa isa't isa at nagpalitan ng matamis na ngiti pagkatapos.

"Wait lang, 'wag kang aalis diyan ah," utos niya. Nang makabalik siya, may hawak na siyang mikropono. Maya-maya, biglang tumugtog ang paborito kong kanta.

Do you hear me? I'm talking to you
Across the water, across the deep blue ocean
Under the open sky oh my, baby I'm trying, 🎶

Hindi ko pa ba nabanggit sa inyong biniyayan din ng talent sa pagkanta ang best friend kong 'yan? Ngayon alam n'yo na.

Bumalik sa alaala ko lahat ng masasayang araw na kasama ko siya pati na ang mga kalokohang ginawa namin. Iyon talaga ang una kong ma-mi-miss 'pag natapos ang school year na 'to.

Nasa rooftop kami no'n nang makaisip siya ng panibagong kalokohan. Muntik pa kaming mapahamak no'ng araw na 'yon dahil mismong subject teacher pa namin ang naging biktima.

"Kung sino man ang hindi pa naliligo riyan, eto tubig, oh," sabay bitaw niya roon sa isang baso ng tubig sa baba nang hindi tumitingin kung sino ang mababagsakan. Mabuti na lang at disposable 'yong baso.

"Hoy 'wag-" agap ko ngunit huli na ang lahat. Nabitawan na niya ang hawak na baso at dire-diretso 'yon na bumagsak sa ibaba.

Parehong namilog ang mga mata namin nang marinig ang pamilyar na boses na sumigaw sa mula sa baba. Lagot! Dali-dali kaming bumaba sa hagdan upang 'di niya kami maabutan sa rooftop.

Pagbaba namin...

"Sir, ayos lang po ba kayo?" tanong ni Renz nang makasalubong namin si Sir Hitler sa hagdan. Pareho kaming napalunok ng laway ngunit hindi namin iyon pinahalata.

"Nag-shower po ba kayo, sir? 'Di ba ro'n po ang banyo?"

"May tao ba sa rooftop?" pasigaw niyang tanong sabay hakbang pataas ng hagdan. Tumakbo na kami ni Renz nang mabilis. Muntik na 'yon, ah.

Pagbaba namin, parehas kaming napahagalpak sa tawa. Sa dinami-rami ba kasing p'wedeng sumalo ng tubig, si Sir Hitler pa. Naligo tuloy siya nang wala sa oras.

Isa pa sa mga hindi ko makakalimutan ay ang indirect kiss namin ni Renz na ako lang ang nakakaalam.

Pagkatapos ng practice namin para sa incoming fiesta parade, dumiretso kaagad ako sa canteen para mag-snack. Uhaw na uhaw na kasi talaga ako, as in. Tatlong oras kaming nakabilad sa araw at wala pang pahinga.

Asan na ba 'yong lokong 'yon? Wala pa naman akong extrang pera ngayon. Baka kasi sumulpot na naman siya bigla.

"Jaz, nandito ka lang pala, eh. Kanina pa kita hinahanap." Muntik nang tumilapon 'yong hawak kong juice na nakalagay sa plastic.

Sana pala hindi ko na lang siya iniisip. Bigla-bigla na lang nagpapakita tapos aalis din naman agad.

"Renz naman, eh. Bakit ka ba nanggugulat?" naaasar kong sabi.

"Uy, painom," saka niya inagaw sa kamay ko 'yong hawak kong juice. Humihingal pa siya no'n galing sa kabilang building.

Namilog ang mga mata ko nang sumipsip siya sa straw na ginamit ko kanina. Nagulat nga ako dahil hindi man lang niya iyon pinunasan muna bago uminom.

Loving You Secretly [Completed] ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon