Mabilis na nakarating sina Blaine at Jona sa Dianso Detective Agency. Sa tapat nito, nadatnan nilang nakaparada ang isang kulay luntiang pick up.
Napatingin sa kanyang relo si Jona. "Mukhang mapupuyat ka nito, Blaine. Ano kayang nangyari?"
"Sumama ka sa akin sa loob, tiyak na malalaman mo."
Winasiwas ni Jona ang kanyang kamay. "Ayaw. Ayaw. Sisantihin pa ako ni Madam Punzalan. Pumasok ka na roon. I-chika mo na lang sa akin kapag nalutas mo na ang ipinunta nila rito."
Bumungad sa dalagang detective ang hindi maipintang mukha ng kanyang Boss, pagpasok niya sa loob. Kasama nito sa silid ang isang babae at lalaki.
"Naglakwatsa pa kayo, 'no?"
Napamulagat si Blaine, "Po? Hindi. Traffic lang po talaga sa dinaanan namin."
"Luma na 'yang palusot mo." Inirapan siya nito at binalingan ang kanilang kliyente. "Mabuti na lang talaga mahaba ang pasensya nina Ms. Dianna at Mr. Roel. Ano pang inaantay mo riyan? Asikasuhin mo na sila."
Huminga ng malalim si Blaine bago nilapitan ang dalawa. Tumayo ang mga ito at nakipagkamay sa kanya. "Maupo kayong muli. Pasensya na rin pala, hindi ko sinasadyang paghintayin kayo. Ano nangyari Ms. Dianna?"
Sa kabila ng maamo at mala-diyosang ganda, kapansin-pasin ang pamamaga ng mga mata nito. "Nawawala si Beauty, heto ang litrato niya. Pagmulat ng mga mata ko kaninang umaga, siya ang una kong hinanap. Nakasanayan ko kasing kamot-kamutin ito, 'yon ang gustong-gusto niya. Nilibot na namin ang buong apartment ko, hindi ko talaga alam kung saan siya sumuot."
Napasulyap si Blaine sa lalaking katabi nito, ang nagngangalang Mr. Roel. Napatango-tango ang dalaga. "Tingin mo Ms. Dianna, mayroon bang magkaka-interes na kunin ito? Maaaring may kumuha nito, 'dba Mr. Roel?"
"Iyon nga ang hinala namin, Detective Blaine, kaya kami naparito. Ano bang klaseng tanong 'yan?" sagot ni Mr. Roel kasabay ng pagtanong ng cellphone nito.
Napangiti si Blaine sa kanyang napansin. "Ms. Dianna, kapag may nangyaring masama kay Beauty, mapatawad mo kaya ang salarin?"
"Ha?" naguguluhang ani Ms. Dianna rito.
"Ano ba itong Detective niyo! Ang daming kuda! Hindi na lang umaksyon kaagad," reklamo ni Mr. Roel kay Madam Punzalan. Nagkibit-balikat lang ang matandang babae na kasalukuyang namumungay na ang mga mata.
"Nasaan ang clue na iniwan ng salarin?" pag-iiba ni Blaine sa usapan.
Nilabas ni Ms. Dianna sa kanyang bag ang limang rubik's cube. Nilatag niya ito sa center table.
Isa-isang sinuri ni Blaine ang mga ito. "Mga normal na rubik's cube ang mga ito, walang kakaiba. Maliban na lamang sa pagkakaayos nila, ang limang pattern na kadalasang mabubuo kapag nilalaro ito."
"Ano kayang mayroon sa Hi, Cross, Tank, Fish at C U Around, Detective Blaine?" usisa ni Mr. Roel.
Napangiti ang dalagang detective. "Mukhang marami ka yatang alam sa paglalaro ng rubik's cube, Mr. Roel?"
"Para paikliin ang kwento, tinuruan ko siya. Detective Blaine, clue ba ang mga 'yan para mahanap natin si Beauty?" singit naman ni Ms. Dianna.
Bumaling ang dalagang detective kay Mr. Roel. "Yes, Ms. Dianna. Gagawin nating guide ang mga pattern sa mga rubik's cube. Kailangan natin magmadali para matunton ang aso, tama ba Mr. Roel?"
BINABASA MO ANG
Blaine's Deduction
Детектив / ТриллерLalabanan ang kanyang takot upang napiling propesyon ay magampanan.