Bilang isang mananayaw, maghapon mong kaharap ang sarili mong repleksyon sa salamin ng dance studio na iyong inookupa.Gawa sa pangangailangan magtipid, lumipat si Seulgi sa isang nirerentahan na studio mula sa magarang studio na nakasanayan niyang puntahan.
Hindi maliit ngunit mura.
Malinis ngunit may kakaibang nagpapaupa.
Kakaiba dahil sa lahat ng gustong magpaupa ng lugar, siya lang ang bukod tanging nagtanong kung sigurado ba si Seulgi sa kanyang desisyon.
Na tila ba gusto niyang pigilan ang babae sa pag gamit ng kwarto.
Kakaiba pero hindi na lamang pinuna ng babae.
Matindi ang pangangailangan nito ng bagong rerentahang studio.
Kung kaya't ang sumunod na tanong ng may-ari ay hindi niya pinagtuunan ng pansin...
Kung handa ba siyang magkaroon ng kahati sa mga salamin na nakalatag sa pader ng kwarto.
Sa unang linggo niya sa bagong rentang studio, maayos ang naging takbo ng lahat.
Ngunit, lagi niyang naabutan ang lalaking may ngalan na Kai na sumasayaw sa kwarto.
Hindi na bago sa mga mananayaw ang kahati sa studio, dahil oras lang naman ang nirerentahan nila sa kwarto.
Hindi nagtagal ay nakasanayan niya na nariyan ang lalaki kahit schedule niya na sa paggamit ng kwarto.
"Okay lang", ang naging sagot ng babae sa katanungan ng lalaki kung pupwede ba itong manood sa kanya.
Bawat galaw minamasdan.
Nakatitig sa repleksyon niya sa salamin.
Hinayaan niya na lamang ito. Bukod sa nakasanayan niya na ang mga mata sa kanya habang siya ay nagsasayaw, hindi niya rin maitatanggi na may itsura ang lalaking ilang araw niya pa lamang kilala.
Paulit ulit lamang ang siklo ng mga araw ng kanyang page-ensayo.
Pupunta, makikita ang lalaki, magsasayaw, papanoorin ng lalaki.
Hindi maglaon ay hindi na siya sanay na wala ang lalaki sa kwarto na kanilang sinasayawan.
Naisip na lamang niya na dala ito ng kanyang kagustuhan magsayaw sa harap ng mga tao.
Si Kai ay isa sa mga manonood na pakiramdam niya ay interesado talaga sa sining niya.
Kung kaya't siya'y nagtaka nung hindi na ito pumupunta sa studio na ginagamit nila.
Simula rin nung araw na hindi nagpunta ang lalaki ay tila ba hindi siya makasayaw ng maayos.
Tapilok, maling ikot, maling galaw.
Samu't saring pagkakamali ang kanyang nagawa sa kanyang pagsayaw, na hindi naman nangyayari noon.
Isina-walang bahala na lamang niya ito.
Lumipas ang araw na hindi niya maitama ang mga pagkakamali niya sa pagsayaw.
Tila ba nawala ang abilidad niya sa pagsayaw.
Nangamba ngunit isinantabi nanaman.
Ang hindi niya maisantabi ay ang lalaki.
Hindi niya mapigilan ang sarili at sinabi sa sariling itatanong niya ang contact nito sa may ari ng kwarto kapag may pagkakataon.
Bago umuwi ay pinuntahan niya ang may ari ng kwarto.
"Kilala niyo po ba si Kai? Bigla na lamang po siyang hindi pumunta sa studio."
"Tinanong kita kung handa ka ba makihati sa mga salamin ng kwarto na nirentahan mo."
"Kilala niyo po ba?"
"Tumingin ka sa salamin, iha."
Hindi niya maintindihan ngunit ito'y kanyang sinunod.
Dali dali siyang bumalik sa nirerentahang kwarto at binuksan ang ilaw.
Nandoon.
Nasulyapan niya ang repleksyon ng taong hinahanap niya.
Kung nasaan dapat ang repleksyon niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/267473487-288-k588812.jpg)