Nagmahal lang naman ako.Buong pagaakala ko na kaakibat ng pagmamahal ko ay ang pagbibigay ng kabuuan ko.
Kung kaya't ng yayain niya ako sa kanyang kwarto noong araw na iyon ay sumama ako.
Hindi naman ako tanga, alam ko kung anong ginagawa ng dalawang tao sa loob ng isang saradong silid.
Alam kong may gagawin kaming hindi dapat ipinapakita sa iba.
Mapusok ang pagtatagpo ng aming mga katawan;
Bawat galaw na kanyang ibinibigay ay aking tinatagpo.
Bawat mainit na halik ay tinutumbasan ko.
Nakakapaso, nakakauhaw.
Kami'y nagkulong sa silid hanggang madaling araw.
Hindi ko alam kung kailan niya ako tinanong at kailan ako sumagot ng oo.
Ang hiling na kumuha ng litrato at bidyo ng aming munting pagtatanghal ay pinagbigyan ko;
Ano ba namang masama sa pagdodokumento ng alaala ng aming unang mainit na tagpo?
Ang aking oo na binitawan ay ibinigay sa loob ng pag-aakalang mananatiling pribado ang kaganapan sa loob ng kwarto.
Hindi ko inakalang makakalabas sa saradong kwarto ang mga larawan ng aking katawan at mga munting pagtawag sa kanyang pangalan.
Hindi ko inakalang ang alaala ng pagtatalik na dapat nanatiling namamagitan sa amin ay mapapasakamay ng iba.
Samu't saring pangalan ang itinawag sakin ng mga taong nanghihingi ng link ng aming bidyo.
Malandi.
Pokpok.
Makati.
Disgrasyada.
Mga pangalan na hindi ko inakalang itatawag sakin ng mga taong tinuring kong pamilya.
Kadiri.
Nakakasuka.
Nakakadismaya.
Hindi ko inakalang ang taong minahal ko ang sisira sa imahe ko, sa dignidad ko, at sa buong pagkatao ko.
At sa bawat pangalan na itatawag sakin ng mga tao ay may kaakibat na tanong.
Bakit ako ang marumi?
Bakit ako ang nakakasuka?
Bakit ako ang sayang? ang nakakadismaya?
Bakit ako ang kahinahinayang?
Kung ang lalaking minahal ko,
na pinagkatiwalaan ko;
ang nakalimot tumupad ng mga pangako niya.
pangakong mananatiling pribado ang mga kinuha niyang bidyo at litrato.
Kung kaya't bakit?
bakit ako ang masama sa mata niyo?
nagmahal lang naman ako.
- Ligaya.
![](https://img.wattpad.com/cover/267473487-288-k588812.jpg)