Hindi ako sanay mag-commute mag-isa.
Nasanay akong laging may kasabay. High school? Kasabay ko bestfriend ko mag-jeep papunta sa eskwelahan. Makatungtong ng college? nagkaroon ako ng bagong kasabay.
Sa LRT-2, mahirap makipagsabayan kapag oras ng pasok at uwian. Oo, mas maayos ang sitwasyon dito keysa sa MRT, ngunit para sa hindi sanay bumyahe? Iba yung takot kapag mag-isa ka.
Kaya nga hindi ko inasahan na nakakatakot pa rin pala yung byahe pauwi galing Recto, kasama yung taong isang taon ko ng kasabay sumakay ng tren.
Si Sehun, boyfriend ko... kanina.
Hindi ako sigurado kung ano bang nangyari. Pumunta kami sa LRT-2 Recto station ng sabay at magkahawak ang kamay kahit habang naglalakad ay nagkaroon ng hindi ko inaasahan na hiwalayan. Ngayon, nakasakay kami pauwi sa kanya kanya naming bahay kahit hawak ko lang kanina ang aking tahanan.
Legarda station
Ah, eto. Legarda. Dito kami bumababa papasok sa FEU. Medyo lalakad pero mas gusto namin yon. Nag-aalmusal sa jollibee at maglalakad papuntang unibersidad bitbit ang kape at mga kwentong hindi pa namin napaguusapan. Madadaanan namin ang UE at pagtatalunan yung mga naging kaladian namin na doon nag-aaral, noong mga panahon na hindi pa malinaw kung ano bang namamagitan samin.
Nakakatawa. Noon, hindi namin alam kung ano bang tinatahak namin. Ngayon? Nalaman namin na magkaiba kami ng destinasyon.
Sa Pureza, puno ng kwento ng panghihinayang. Sino ba namang hindi nangarap na bumaba sa estasyon na 'to at pumasok sa PUP diba? yun nga lang, parehas kaming hindi pumasa. Isa kasi samin, hindi alam kung ano bang gusto. Yung isa pa? sa sobrang detalyado ng plano sa buhay, pati siya, nasasakal.
V.Mapa, J.Ruiz, Gilmore.
Dito? Wala naman. Kadalasan, tulog kami (kung swerte sa upuan) o di kaya naman ay tulala lang kami. Tahimik, kasi pagod. Pagod na, kaya tahimik.
Kaya hindi na rin ako magtataka kung bakit tahimik pa rin kami sa mga estasyon na ito ngayon. Pagod na kasi kami. Mahirap, pero mas mahirap kapag yung pahinga mo? nakakapagod na rin.
Betty-Go
Ilang beses din kaming bumaba dito sa isang taon ko siyang kasabay mag-commute. Dito ako binibitbit ng mga paa ko kapag pagod ako dahil sa pag-aaral. Sa TUA kasi nag-aaral mga kaibigan ko, ako lang ang nahiwalay. Sabik kasi akong mag-aral sa Manila, gawa ng hindi naman ako lumalabas ng Marikina simula elementarya hanggang makapagtapos ng Senior High.
Dito rin siya nangako na siya ang magiging kasama ko, para hindi ako makaisip na lumipat.
Tinupad naman niya, hindi naman kasi kasama sa pangako niya na sasamahan niya ako hanggang maka-graduate. Tignan mo, kasama ko pa rin naman siya ngayon... Hanggang ngayon.
Araneta-Cubao? Dates. Anonas? Ukay.Katipunan.
Dito na kami maghihiwalay. Huling estasyon naming dalawa. Dito nagsimula ang lahat ng "amin", "kami", at "tayo" ng relasyon namin. Kung alam ko lang na ito na ang huling beses na makakasabay ko siya, sana nagpumilit na lang akong tumambay kung saan at wag muna umuwi.
"Yeri, alis na ako ha? babalik pa akong Recto."
"Bakit? Diba sa SSS ka?"
"Ah, magd-dorm na ako sa Recto."
Tumalikod at umalis.
Totoo nga no? Minsan yung akala nating destinasyon, panibagong daan lang patungo sa totoong pupuntahan.
Kung alam ko lang na mag-isa lang akong babyahe ngayon at sa mga susunod na araw, sana sinanay ko na lang yung sarili kong bumyaheng mag-isa at sana hindi na lang ako naghanap ng kasabay noon.
"Ingat."
Paano na?
Hindi ako sanay mag-commute mag-isa.