Ganap na kolehiyala si Sooyoung.
Tipikal na mag-aaral. Yung mag-aaral na magmula pamilya hanggang kurso at karerang tatahakin ay pinoproblema.At bilang isang ganap na kolehiyala? ano pa bang mas masayang kasama sa panahon ng problema kaysa sa empirador diba?
Aminin man niya o hindi, alam niya sa sarili niyang hindi naman ganon kasarap ang alak. Ano ba namang laban ng alak sa masarap na shanghai sa handaan o sa tandem ng pandesal at kape sa umaga diba?
Pero iba yung dala ng isang litrong empirador at ilang bote ng gin bilog kapag namomroblema ka.
Mapait. Pero sa panahon na 'to? sino pa bang hindi sanay sa pait ng mundo at buhay.
Mainit, gumuguhit, ngunit nakakasabik.
Nakakasabik nga naman kasi makalimot ng panandalian. Nakakasabik problemahin yung sakit ng ulo kaysa sa pamilya mong inoobliga kang sumunod sa bawat utos nila, o sa mga naudlot na pagmamahalan, o mga pagkakataon na pinalampas para sa panandaliang kasiyahan.
Kung kaya't bilang isang ganap na kolehiyala, iba yung takot na dala ng isang pirasong papel na inabot sa kanya ng landlord niya noong unang araw ng Mayo. Wala siyang plano, at kahit gaano siya kagaling maghapit ng requirements para pumasa sa kurso niya, hindi siya mapalagay sa biglaang sitwasyon na napapalooban niya ngayon.
Sino ba namang hindi matatakot sa isang sitwasyong hindi pamilyar sayo?
Kaya nga ngayon lang siya nakapagpatuloy sa pag-aayos ng mga gamit niya. Sinimulan niya na 'to noon, naudlot lang dahil sa mga hindi inaasahang pagbabalik ng mga gamit sa mga importanteng tao sa loob ng establisyamentong inokupa nila ng limang taon.
May iilang gamit na siyang naitabi noong nakalipas na labing-tatlong araw; mga bagay na natimbang niyang importante at hindi dapat makaligtaan. Kaya nga ngayon niya lamang napagtuonan ng pansin ang mga alak sa sulok ng kanyang maliit na kusina. Hindi naman kasi ito ganon kaimportante, pwedeng pwede ka naman bumili ng alak sa tindahan. Ang alak, madaling hanapin at naniniwala siyang madali rin dadating ang dahilan sa pag-inom nito.
Isa isa niyang nilagay sa kahon ang mga alak na hindi pa nabubuksan. Habang maingat na isinisilid ang samu't saring bote ay napansin niya ang isang maliit na baso sa likod ng iilang gin bilog.
Ah, shot glass. Hindi sakanya 'to. Pagmamay-ari 'to nung tenant sa 103, si Jongin.Ang lalaking nabanggit ay naging pansamantalang tahanan at tagapakinig niya. Ang shot glass na hawak niya ngayon ang nagpaalala sa kanyang kailangan niyang magpaalam sa lalaki bago man lang sila maghiwahiwalay. Kahit papaano, kahit para sa kanya, malalim ang pinagsamahan nila.
Bitbit ang baso at isang bote ng tequila, siya ay lumabas sa kanyang apartment at lumandas sa bahay ng lalaki na nasa iisang palapag lang ng bahay niya.Panandalian siyang kumatok at nag-antay bago buksan ng lalaki ang pinto.
"Oh, Sooyoung. Pass sa inom, nag-iimpake ako.""Ah sige lang, hindi naman ako nandito para magyaya. Ayaw rin kitang kasamang uminom."
At nagtuloy tuloy siyang pumasok sa tahanan ng lalaki at naupo sa sofa. Narinig niya pang tumawa ang lalaki bago sumunod sa kanya.
"Jongin, oh. Sayo 'to diba?"
Kasabay ng pagsambit niya ng mga salitang ito ay ang paglapag niya ng shot glass at alak sa lamesita sa gitna ng sala."Binabalik mo na? Wala kang ganyan diba? Kawawa ka naman." Pabirong sambit ng lalaki.
"Wala nga. Napag-isipan kong dayain na lang yung tagay kapag may kainuman ako." Patol naman niya.
Nahiram niya kasi ang basong iyon sa lalaki noong unang beses nilang dalawa mag-inuman sa apartment niya. Naniniwala kasi siyang kapag walang shot glass, nagdadayaan ng tagay.
At para sa kanya? Madaya na ang buhay, wag na dagdagan ng dinayang tagay."Akala ko ba walang inom? Bakit may dala kang alak?"
Kita sa mukha ng lalaki ang isang ekspresyon na magkahalo ang pagtataka at pang-aasar na tila ba nagsasabing "akala ko ba ayaw mo kong kasamang uminom?"."Tanga. Ang tawag diyan, suhol."
Tinawanan siya ng lalaki at alam niyang naintindihan nito ang gusto niyang iparating.
Ang alak na bitbit niya ay suhol sa lalaki upang hindi ilabas ang mga kwento, luha, at sakit na pinaghatian nila sa apat na sulok ng apartment ng lalaki.
"Tanga ka rin, buksan mo na yan. Shot tayo tag-isa.""Para saan?"
"Ewan, panibagong simula?"
At doon napagtanto ni Sooyoung ang ilan sa mga bagay na hindi niya nakita noong unang araw ng Mayo.
Napagtanto niyang hindi naman kailangan lagi may plano ka. Kailangan lang handa kang tumangggap na patuloy ang pagbabago kahit ikaw sa sarili mo, ay hindi handa para rito.Napagtanto niya rin na gaya kung paano niya naging tahanan ang Apartment 59 ay magiging tahanan niya rin ang lilipatan niya hanggat masaya siya.
Totoo rin na madaling maghanap ng alak at problema... pero yung makikinig sayo? bibihira.
At ang huli?
Hindi lang pala alak ang masayang kasama kapag problemado ka.
"Hindi. Para sa pinagsamahan."