Buhay
Disyembre ang buwan ngayon, sinabi nila na dapat magsaya, ngunit alam ko sa kalooban ko na wala akong dahilan upang makisaya. Dahil kagaya lang din ng panahon ay nagyeyelo rin ang aking puso.
Malamig ang hangin at naaaninag ko rin ang mga bituin sa kalangitan. Napakaganda, ang dami nila tila pinapaalala na okay lang kahit pakiramdam mo mag-isa ka dahil hindi naman sila mawawala. Ang buwan na siyang nagsisilbing tanglaw sa sanlibutan, pinapaalala na kahit madilim ay may magsisilbing liwanag din.
Sa kabila ng lamig ay may sumisibol na pag-asa, na baka bukas ay puwede na, na okay lang kahit hindi pa ngayon dahil darating ang panahon kung saan ako ay sasaya at ako rin ang titingalain nila dahil sa wakas ang aking mga pangarap ay naabot ko na.
Pangarap na minsan ay aking pinangarap ngunit sinong mag-aakala na ako ay dadalhin ng aking sariling paa dito. Sa kabila ng mg hindi naniniwala sa kakayahan ko, kumapit ako sa nag-iisang tao na nagparamdam na kaya ko. Kaya heto, nagawa ko pa rin naman ang maging matagumpay sa larangan na tinahak ko.
Nakakaaliw ang kanyang ginawa para sa kanilang takdang aralin na patungkol sa kung ano ang nakikita nila sa kanilang sarili pagkalipas ng isang dekada.
"Ang talino mo talaga Reina, malayo ang iyong mararating ipagpatuloy mo lamang ang pagpapahayag ng iyong damdamin da pamamagitan ng mga salita. Tiyak iyan ang magiging daan upang sa ganun ang iyong puso ay muling sumigla."
Tugon ko sa aking isang estudyante na tila'y nawawalan na ng pag-asa sa nakakapagod na mundo.
Ngunit gaya ng aking inaasahan ay isang tipid na ngiti lamang ang kanyang isinagot sa akin.
Malaya kong pinagmamasdan ang bawat estudyante sa loob ng silid-aralan, ngunit sa kanya lamang nagtatagal ang aking paningin.
Dahil habang inaaral ko ang kanyang mga munting galaw naaalala ko ang aking sarili sa kanya, ang mga hakbang na aking isinagawa bago pa man ako maging isang ganap na guro.
Hindi ko namalayan na may pumatak na palang luha galing sa mga mata. Napapangiti na lamang ako ng mapait dahil sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ngunit may napagtanto ako sa aking isipan.
Dahil tama nga sila, bago ka magtagumpay ay dadaan ka muna sa butas ng karayom, at bago ka pa man magtagumpay ay kailangan mo munang madapa at bumangon ng may kompiyansa sa sarili.
Na bago mo pa man marating ang iyong mga inaasam sa buhay ay may mga bagay at tao na kailangang mawala sa iyong piling.
Ngunit sa kabila ng lahat kailangan mo pa rin manalig, kailangan mong magtiwala na lilipas din ang dilim at may magsisilbing liwanag para sa panibagong bukas.
Dahil hindi naman talaga mahalaga kung ilang beses kang nadapa, dahil ang mas mahalaga ay kung ilang beses kang bumangon mula sa pagkakadapang iyon, kung paano mo mas piniling lumaban sa kabila ng lahat ng iyong naranasan.
Lalong mas mahalaga ay paano ka nagpatuloy kahit wala na ang taong naging dahilan kung bakit ka nagsimulang mangarap.
Kahit wala na ang taong naging pondasyon mo at katangi-tanging pinanggagalingan ng iyong lakas. Kung paano mo pinanghawakan ang mga pangako niya, ang mga pangarap na tutuparin ninyong magkasama.
Pero hindi lahat ng mga pangako ay natutupad at mas lalong hindi lahat ng mga kasama mong mangarap ay kasama mo rin habang tinutupad ang mga ito.
"Ang daya ng mundo, hindi pa tayo lubusang sumasaya nawala ka na sa piling ko. Hindi pa man natin natutupad ang lahat, kinuha ka na sa tabi ko."