Hiling
Kinabukasan ay maaga rin akong bumangon kahit hapon pa ako pupuntang paaralan.
Kailangan kong magbasa ulit dahil mamaya na ang tagisan ng talino, nakasalalay sa akin ang karangalan ng aming strand at maging ng buong paaralan.
Halos kabisado ko na lahat ang mga sinabi ng aming guro na dapat kong aralin kaya medyo kampante naman ako, pero may mga ilang salita lamang na nakakapagpagulo pa rin sa aking isipan kaya 'yon ang inulit-ulit kong basahin.
Tinignan ko ang oras at ng makita na alas otso na ay inayos ko muna ang aking mga reading materials at nagdesisyon na bumaba para mag-agahan. Titignan na rin kung gising na si mama dahil may pasok pa siya.
Pagkalabas ko ng kwarto ay nakita ko naman si mama na parang hirap na hirap sa pagbaba sa may hagdanan.
Tila ba'y may sakit siyang iniinda kaya kontrolado lamang ang kanyang hakbang, pero imposibleng may rayuma na siya kasi trenta y dos lamang siya.
Pinagmasdan ko lamang siya bago nagdesisyon na magsalita at tila ba'y pagkarinig niya ng aking boses ay biglang umayos ang kanyang paglalakad at mas bumilis pa.
"Oh Ysa anak gising ka na pala"
"Oo ma nag-aral pa ako sa kwarto, okay lang po ba kayo?"
"Anong klaseng tanong 'yan? syempre naman okay na okay ako anak"
"Para po kasing hirap na hirap kayong bumaba sa may hagdanan eh"
"Naku ikaw na bata ka baka may muta pa ang iyong mata hah, kung ano-ano ang iyong nakikita" patawa niyang saad
"Siguro ng po ma, hay kakain na po ba?"
"Oo bumaba ka na at tayo'y kakain na"
Ng nasa hapag na kami ay tinanong ko ulit siya.
"Ma okay lang naman kayo diba?"
Nakita ko kung paano niya iniwas ang kanyang mga mata sa akin at tila may takot sa mga ito.
" Ysa okay lang si mama, huwag ka ng masyadong mag-isip sige ka makakalimutan mo ang iyong nireview" pabiro niyang saad.
"Hindi ko makakalimutan ma, ilang linggo ko rin po na inaral ang mga 'yon" nakangiti kong tugon sa kanya.
"Oh sige nga sagutin mo itong tanong ko hah"
"Sige ba ma"
"Ano sa filipino ang I love you"
"Mahal kita ma" nangingiti kong saad
"Mas mahal kita anak" madamdamin niyang saad kaya nauwi kami sa tawanan sa hapag.
Mabilis lumipas ang oras at ng sumapit ang alas dose ay nagdesisyon na akong mag-ayos upang makapunta na sa paaralan.
Hindi rin pumasok si mama dahil sinabi niya na manunuod siya ng tagisan.
Hindi siya nagkukulang sa suporta sa akin pero ng narinig ko ang kanyang deklarasyon ay mas lalo lamang akong ginanahan.
Hindi ko rin inaasahan na manunuod pala ang tiyahin at nanay ni Kira, ang dami nilang sinabi bago kami umalis papuntang paaralan.
Bago nga ako pumunta sa gitna ng covered court kung saan gaganapin ang paligsahan ay maraming good luck ang narinig ko.
Tatlong round ang kategorya ng tagisan ito ay ang madali, katamtaman at mahirap, sa bawat kategorya ay magbabawas hanggang sa tatlo na lamang ang matira kaya may dumaan na kaba sa aking dibdib.
Pero isang lingon ko lamang kung nasaan ang aking pinakamatatag na suporta, napawi na ang aking kaba.
"Go anak! mahal na mahal kita galingan mo" isang sigaw na siyang sumira sa katahimikan.