Abyss
Nakatira kami sa Lungsod ng Quezon nung mga bata pa kami. Kinder pa lang sa Daycare ang kapatid kong lalake nung nangyari ito. Marso na at nagkaroon ng isang munting handaan sa kanilang maliit na paaralan para ipagdiwang ang pagtatapos ng taon bago ang bakasyon.
Ako ay nasa unang baytang na ng elementarya noon at sa ibang paaralan nag-aaral. Mas maaga din kami pinagbakasyon kaya isinama ako ng mommy namin sa nabanggit na farewell party. Masaya, madaming palaro para sa mga estudyanteng dumalo. Ng matapos ang salu-salo, nakaramdam ako ng tawag ng kalikasan. Gusto ko sanang magpasama sa mommy namin magbanyo pero abala sya sa pagpapalit ng damit ng kapatid ko dahil nadumihan ito ng kumain sya ng spaghetti. Nagdesisyon ako na ako na lang ang maghanap ng palikuran.
Hindi malaki ang lugar. Isang silid aralan na dalawa ang pintuan, isa sa harap(entrance; sa may kalsada) at isa pa sa likod papasok pa paloob ng munting paaralan.
Pagpasok ko ng pintuan sa likod, meron itong maikling pasilyo kung saan madadaan sa bandang kanan ang faculty and staff room at sa may dulo sa bandang kaliwa ang banyo. Pinuntahan ko ito at nakitang sarado ang ilaw.
Medyo madilim na dito sa parteng ito ng pasilyo dahil iisa lang ang ilaw at nasa may tapat pa ng silid-aralan na pinanggalingan ko. Napakadilim sa loob ng banyo at wala akong maaninag na kahit ano. Nasa loob ang switch nito. Sinubukan ko itong kapain habang nasa labas pa din ng pintuan ng banyo. Bilang maliit na bata hindi ko ito maabot. Nagpasya ako na itapak ang kanang paa ko sa loob ng banyo sa pagbabakasakaling mahanap ko na ang switch pero naramdaman ko na parang may mali. Parang wala akong matapakan na kahit ano na para akong mahuhulog kaya bigla akong napaatras.
Ipinasok ko ulit ng dahan dahan ang aking paa pababa ng pababa, pa-kanan at pa-kaliwa habang nakahawak sa dingding sa gilid ng pinto pero wala talaga. Walang tiles, walang semento, walang sahig. Inulit ko pa ng ilang beses dahil naisip ko baka imahinasyon ko lang, imposibleng walang sahig ang banyo kako pero wala pa din.
Natigilan ako ng bigla akong nakaramdam ng malamig pero malumanay naman na ihip ng hangin galing sa loob nito. Natulala ako sa kadiliman sa aking harapan. Nang-aakit na parang nais kang higupin paloob.
May ilang segundo akong hindi nakakilos ng bigla na lang dumating ang guro ng kapatid ko. "Hija, anong ginagawa mo dyan? Wiwiwi ka ba?" Sabay bukas nya ng ilaw ng banyo. At dun nakita ko na may sahig, may tiles, kapantay na kapantay lang ng sahig na tinatapakan ko sa pasilyo, hindi katulad ng naramdaman ko nung una na parang nakasabit lang ang aking paa, na para akong malaglag sa kawalan.

BINABASA MO ANG
Fright PH | Book 1 | Mga Kwento ni Bobbie
TerrorReal life horror story relayed first hand. First few stories were initially published via a famous social media horror story page. The names have been changed as per the involved individual's request. Hope you like it.