Ang Dulong Unit III

5 0 0
                                    

Nasanay na din kami ni mommy at ng pinsan kong si Maddie sa tunog ng mga holen at hampas sa pader na akala mo'y minamartilyo tuwing disoras ng gabi. Nakapagtapos na ako ng kolehiyo at lahat pero meron pa din. Kahit si Maxwell at Billie ay naririnig ito sa tuwing dumadalaw sila dito sa Maynila.

Kahit nakapagtapos na ako, hindi pa din nawala ang ugali ko na binibigay sa kanya lahat ng sweldo ko at nanghihingi na lang ako ng baon sa tuwing papasok sa trabaho. Ayoko kasi na humahawak ng pera nun dahil mabilis ko ito nauubos.

Isang araw sinabihan nya ako "Anak, wag mo na ibigay sa akin sweldo mo. Kailangan mo na matuto humawak ng pera. Malaki ka na. Paano na pag wala na ako."

Nilambing ko si mommy at sinabihan na antayin nya muna na magkaapo sya. Tinawanan nya lang ako. Inaya ko sya lumabas at mamasyal sa SM Manila. Habang nasa labas kami kinausap nya ako ng tungkol sa bahay, gusto na nya ito ibenta at kumuha na lang kami ng ibang bahay. Kahit apartment lang daw ulit at sa labas ng Maynila basta ibang bahay.

Tumayo ang balahibo ko sa kasunod nyang sinabi, "Bobbie, yung bahay, parang nangunguha sya."

"Paano mo nasabi, ma?" Sagot ko sa kanya."

Basta. Pag may pagkakataon, ibenta na natin". Sumang-ayon ako sa gusto nya.

Hinatid at pinagbakasyon ko na din muna sya sa Quezon dahil kasama ko naman si Maddie sa bahay. Mag-uundas na din nun at mag-sisipuntahan din ang iba pa naming mga kamag-anak sa probinsya.

Hindi ako nakasama dahil bawal daw ang mag-leave ng panahong ito at "critical workday". Pagod na pagod akong nahiga sa kama ng aking kwarto at hindi kalaunan ay nakatulog na din ako.

Nagising ako na masikip ang paghinga. Hindi ako makakilos. Idinilat ko ang mga mata mo at laking takot ko sa aking nasilayan. Isang anino ng matangkad na tao na sa sobrang tangkad ay nakayuko na ang ulo nito sa kisame. Napakahaba ng kanyang mga braso dahil kahit sa ganung pagtindig nya ay abot ng mga kamay nya ang leeg ko.

Pinilit kong kumilos pero hindi ako makagalaw kahit dulo ng daliri ko sa paa. Ilang sandali pa ang nakalipas ng biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko at tumambad ang isang batang lalaking mala-porselana at maputi ang balat, at kulot na kulot ang itim na itim nitong buhok.

Lumapit ito sa tabi ng anino at tiningala ito. Nilingon din sya ng anino at itsurang nagtititigan ang mga ito. Hindi nagtagal ay bumitaw sa leeg ko ang anino at humakbang hanggang sa labas ng kwarto bago biglang naglaho.

Habol ang hininga kong tiningnan ang bata ng dahan dahan itong humarap sa akin.

Napakaamo ng mukha nito na nag-aangkin ng kulay pilak na mga mata. Nagliwanag ang mga mata nitong akala mo ay isang pares ng ilaw. Ngumiti ito sabay takbo palabas ng kwarto.

Biglang bangon ako para habulin sana ito pero naglaho din sya paglabas ko ng pinto. Kinurot ko ang sarili ko para mapatunayan kung nananaginip ako. Masakit. Hindi nga ito panaginip.

Minabuti ko na lang na maglatag sa baba at doon na lang matulog ng dahil sa takot. Hindi na din ako natutulog sa kwarto sa tuwing mag-isa lang ako.

Makalipas ang dalawang linggo bumalik na agad sya. Namimiss daw nya kasi ako. Sabi ko sa kanya pagdating ng Pasko, magbabakasyon kami sa Quezon kasama sila Maxwell and Billie.

Hindi ko na sa kanya sinabi ang mga pangyayari dahil ayoko na din na madagdagan ang kanyang takot.

Fright PH | Book 1 | Mga Kwento ni BobbieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon