CH 42: THE DECISION

3 0 0
                                    

[VANESSA'S P.O.V]

"Dala mo ba ang kutsilyo?" Tanong sa akin ni Loki. Kakaalis lang ni Charmaine at kaming dalawa na lang sa lugar na ito, hindi ko alam kung bakit pero nakaramdam ako ng kakaibang kaba.

"O-oo." Nauutal kong sagot, sinabayan pa ng pagtungo.

"Kung gano'n, sumunod ka sa akin." sambit niya at tumalikod muna bago muling nagsalita.

"Nabihag ko na ang isa sa mga studyante ng section 3-gold." pagkasabi niyon ay naglakad na siya habang ako naman ay tahimik na sumunod lang sa likuran niya.

Habang nakasunod ako sa kaniya ay iniisip ko kung sino kaya sa mga studyante na 'yon ang tinutukoy niya? Wala akong ideya kung sino, basta ang alam ko lang ay kailangan ko patayin ang bihag niya. Alam kong mali ang gagawin ko ngunit kapag hindi ko ito gagawin ay ako naman ang papatayin ng demonyong nasa baraha ko.

Sa paglalakad namin ay nakarating kami sa isang abandonadong bahay, ang lugar na ito ay malayo sa ibang kabahayan kaya naman kung sumigaw man ang bihag namin ay tiyak na walang makakarinig sa kanya.

Binuksan ni Loki ang gate tsaka sumenyas para pumasok ako sa loob, hindi naman ako nag-atubili para sumunod sa kanya. Pagkasarado niya ng gate ay nakita ko ang pagngiti niya.

"Bakit ka nakangiti?" Tanong ko sa kanya.

"Wala naman, naisip ko lang na pagkatapos mong magawa ang bagay na ito ay mababayaran ko na rin ang ginawa mong pagpapalaya sa akin." sambit niya sabay muling naglakad papasok sa loob ng bahay.

Malinaw na ngayon ang lahat sa akin kung bakit tinutulungan ako ni Loki para mabuhay, dahil ako ang dahilan kung bakit siya nakalaya mula sa loob ng baraha.

Pagkapasok sa loob ng bahay ay umakyat pa kami ng hagdan para makarating sa ikalawang palapag.

"Sa likod ng pintuan na iyan ang bihag ko." Bigkas ni Loki at na patingin rin ako sa kulay asul na pinto ng silid na tinutukoy niya.

"Kinakabahan ako, Loki." Sambit ko't napatingin sa kaniya.

"Gano'n talaga sa una, Vanessa. Kailangan mong masanay, dahil sa hinaharap ay marami kang Kailangang patayin para mabuhay." Saad niya, tila may ibig sabihin pa yata ang kaniyang sinasabi.

"Anong ibig mong sabihin?" pagtatanong ko sa kaniya.

"Maiintindihan mo rin pagdating ng panahon." sambit niya't binuksan na ang pinto. Lumaki naman ang mga mata ko dahil sa gulat nang makita ko kung sino ang kaniyang napiling bihag. Ang mga mata nito ay may piring na panyo habang ang mga kamay naman niya ay nakatali ng patalikod gamit ang lubid.

"Sino 'yan?" Pagtatanong ng bihag nang maramdaman niya na may tao sa paligid nito. Tahimik lang kaming pumasok ni Loki sa loob at naglakad papalapit sa kaniya.

"Kamusta? Masakit parin ba ang kanang binti mo?" Pagtatanong ni Loki sa kaniyang bihag.

"Sino kaba? At ano ang kailangan mo sa'kin?" Balik tanong naman nito.

"Malalaman mo rin mamaya." Nakangising sagot naman ni Loki sabay kumuha siya ng panyo at tinalian ang bibig ng bihag para hindi na ito makapagsalita.

"Anong ginawa mo sa binti niya?" Tanong ko sa kaniya sa mahinang boses.

"Binali ko lang naman ang buto niya sa kanang binti upang hindi siya makatakas." sagot niya.

Hindi na lang ako umimik sa sinabi niya at na patingin na lang sa kawawang bihag niya na si Jay.

May anim na oras ka lang para tapusin ang lalaki na iyan, dahil pagpatak ng alas dose ay maaaring magpakita ang anghel na nasa baraha niya." paglalahad ni Loki at napaupo sa sahig malapit sa pintuan.

OMEGA CARDS [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon