Parang meet cute sa isang pelikula.

20 2 0
                                    

May work errand ako na kailangan puntahan sa Ayala Malls – The 30th. Matapos kong mag-asikaso ng mga dokumento, umalis na'ko ng office para pumunta doon.


Nang makarating na'ko at pagkatapos kong dumaan sa checkpoint ng guard — dalawa ang entrance sa 30th, pagkatapos ng main entrance kung nasaan ang mga guard, may dadaanan ka pa uli na malaking open space bago yung mismong entrance ng establishment — habang naglalakad ako papasok, biglang may tumugtog na gitara. Intro sa isang pamilyar na kanta. Hinanap ko kung saan nanggaling yung boses dahil kinanta na niya yung first verse: your face lights up the sky in the highway.


Tumingala ako upang halughugin ang paligid at natagpuan ko ang isang malaking speaker na kulay itim. Ito yun, sabi ko sa sarili ko sabay tanong na rin sa sarili, pero radyo ba yun o totoong tao? Pagkalipas ng ilang segundo at nang ibaba ko ang level ng aking pagtingin, nakita ko sa ilalim ng speaker yung taong kumakanta. Ang ganda ng boses niya, patuloy siya sa pagtugtog: you mesmerize me with diamond eyes.


At 'yon, kinilig ako. Pakiramdam ko kasi saktong-sakto yung unibers sa pagharana sa'kin. Parang yung debutante na iwewelcome ng mga bisita at hihintaying maglakad sa red carpet. Lahat ng mata nakatutok sa lugar kung saan siya manggaling, nagsimula nang tumugtog ang banda at ano mang oras ay lalabas na siya. Ganon yung feeling, except ako yung debutante. At cue ng entrance ko yung kinakanta ni Carson. Lol.


Sino si Carson? Siya yung narinig kong kumakanta ng Balisong sa entrance ng Ayala 30th. Usually ang tawag sa mga ganon ay street buskers. Nagpperform sila ng art nila at yung mga taong nakaka-appreciate maaring isupport yung ginagawa nila monetarily. Nabasa ko kasi sa karatula niya yung pangalan niya. Ang sabi niya doon ay meron siyang isang kanta sa Spotify at siyempre na-search ko na: Melvin Carson - Ang Tapos Na Ay Tapos Na. Sa Facebook nakita ko siya as Carson Music at sa Instagram naman ay (at)carsoncrowd.  Andyan na ang lahat ng links, ito na ang sign, i-follow mo na siya.


Minsan para tayong biglang hinahandugan ng kanta ng mundo at nakakakilig ang mga pagkakataong 'yon. Nakakamiss din manuod ng mga indie artists sa isang music festival kung saan hinatak ka lang ng kaibigan mong indie junkie at aabutin pala kayo ng madaling araw at alam mong yari ka sa nanay mo pag-uwi mo kasi hindi ka nagpaalam. Tapos hindi mo namalayan, sa pagdaan ng panahon, nahilig ka na rin sa mga underground indie artists. Tapos sa pagdaan pa muli neto, babalik-balikan mo ang mga alaala na minsang hinatak ka ng kaibigan mo at mabilis kang um-oo kasi sa isip mo hindi naman nagkakamali ang musika, di'ba? Sa lahat ng 'di sigurado, ang musika ang pinakamasarap tayaan ng pamato mo.


Ang dami kong sinabi. Hindi ko pa niyan natapos yung kanta kanina dahil saglit lang ako sa 30th. Pero paglabas ko, naglagay ako sa box ni Carson. Dahil ang puso ko ay lagi-laging susuporta sa mga musikero. Ang puso ko ay lagi-laging susuporta sa musika.


Hindi ako marunong gumawa ng istorya, yung mga parang nobela, pero kung gagawa man ako — yung nangyari kanina ay parang meet cute sa isang pelikula. May soundtrack na.


***

PUBLISHED DATE: May 26, 2021

POSTED IN: hala, ang ganda

TAGGED UNDER: ang pagharana sa'kin ng unibers, ang saglit naming pagkikita ni carson, gawan ko kaya ito ng istorya

paghinga; pahinga.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon