Natatakot ka rin bang ma-judge ng mga tao sa mga bagay na pinopost mo?
Hindi ko na matandaan kelan exactly nasabi ng isang kaibigan sa'kin na hindi niya makita yung point kung bakit siya magpopost sa social media since pakiramdam niya wala namang pakialam ang mga tao sa kung anoma'ng ginagawa niya sa buhay. Matapos ko'ng marinig 'yon, pakiramdam ko nakuha ko yung gano'ng sentiment at binaon ko sa subconscious ko. Simula no'n naisip ko na rin, oo nga naman, ano nga naman pakialam ng mga tao sa mga ginagawa ko? Hanggang sa nakaramdam na'ko ng takot. Mas nagkaroon ako ng consciousness sa mga bagay na gusto kong i-post.
Mahilig ako mag-Instagram Stories dati. Pero dahil nga nagkaroon ako ng pre-judgment sa sarili ko sa kung papaano ako ivview ng mga tao'ng maaaring wala talagang pakialam sa kung ano mang ilalagay ko sa internet space, hindi ko namalayan na yung takot ko ay lumalaki na sa puntong nahihiya ako sa mga bagay na gusto ko'ng gawin at gusto ko ring i-post sana sa stories ko. Kumonti na yung pagpopost ko at sa mga oras naman nagpopost ako, nakakaramdam ako ng hiya after. Minsan tinatanong ko sa sarili ko na ok lang ba na mga simpleng bagay lang ang gusto ko? Na mga kababawan lang ang ilalagay ko? Na kumakanta ako kahit 'di naman ako magaling? Na nag-gigitara at ukulele ako kahit simpleng strum lang ang kaya kong gawin at ni hindi nga ako marunong magfinger plucking?
Minsan gusto kong itago yung mga bagay na gusto ko kasi pakiramdam ko hindi siya cool para sa mundo. At yung old inner self ko, gusto talaga niyang maging cool. Pero sa kabilang banda, lagi ko ring naiisip, ano bang masama kung iba yung hilig mo sa hilig ng karamihan? Ano bang mali kung gusto mong i-post ay yung mga mabababaw na bagay lamang na nakakapagpasaya sa'yo? Ano naman ang kahiya-hiya kung ang paborito mong topic sa mundo ay laging tungkol sa pag-ibig? Sino ba ang nagsabi na yung mga bihasa lang sa musika ang pwedeng kumanta at tumugtog? Bakit mo gustong itago yung mga gusto mo? Bakit hindi mo pwedeng ipakita yung tunay na sarili mo?
Sa totoo lang, mas marami tayong sinasabi tungkol sa sarili natin na mas nakakalimita sa ating kakayanan kesa sa mga nagiging puna sa atin ng ibang tao. Spoiler alert: hindi sa atin umiikot ang mundo. Yung mga ibang taong tumitingin ng posts or stories mo, iniisip din nila kung jinajudge mo din ba yung posts at stories nila. It's a tie! Kasi tayong mga tao lagi natin iniisip na tayo ang iniisip ng ibang tao. Kaya pansinin mo, yung mga hindi iniisip ang magiging judgments ng iba, sila yung mas malaya. Sila yung mas nakakapagpahayag ng puso nila. Sila yung nakakahanap ng ligaya.
Hindi mo kailangang humingi ng paumanhin sa kung sino ka bilang ikaw. Huwag mong paliitin ang sarili mo. Huwag mong maliitin ang sarili mo. Kung may ginagawa ka'ng mali, doon ka mangamba. Pero kung gusto mo'ng subukan ang mga bagay kahit hindi ka naman magaling doon pero naeenjoy mo siyang gawin, by all means, huwag mo'ng pigilan ang sarili mo. Huwag mo'ng itago sa sarili mo ang mga bagay na ikakasaya niyang gawin. Maraming espasyo para matuto. You can grow into the kind of person you want to become.
Kung natatakot ka pa rin, matakot ka pero huwag mo'ng hayaang pigilan ng takot ang posibilidad na maging maligaya. May bigger picture ang buhay, huwag nating ikahon ang ating mga sarili.
***
PUBLISHED DATE: May 30, 2021
POSTED IN: rhetorical questions of a privileged kid in the middle of a pandemic, sabi ni mace: please stop judging me
TAGGED UNDER: ang takot ay gawa-gawa lamang ng mga illuminati, huwag kang magpaalipin sa takot, may agimat ang dugo mo