Sabi ko nagddiet ako.
May pasok ako ngayon sa office. Every Wednesday kailangan kong mag-commute from Imus to Ortigas para sa weekly tasks ko sa opisina. Pinagpapasalamat ko rin na may ganito akong schedule dahil once a week naiiba yung paligid ko at nakakakita ako ng maraming tao — mostly sa daan, sa bus terminal, sa mall.
Dati sa tuwing luluwas ako, bago ako bumyahe pauwi, lagi akong kumakain. Pero magastos 'yon kaya sabi ko sa sarili ko, magbabaon na lang ako. Mas tipid at mas marami pa'kong makakain. Ngayong araw, dalawa yung baunan ko: isa para sa breakfast, isa para sa lunch. Ang laman ng baon ko ay tatlong tuna onigiri, tatlong eggs, at Korean fish cake. Nabusog naman ako... Kanina.
Pero netong pauwi na ako at pipila sa PITX Terminal, aba, sabay sabay nagrebelde yung utak, puso, at tiyan ko. Paano ba naman, yung pila ng bus na sasakyan ko, pwede nang ipantapat kay Kuya Wil! Ang haba niya mamser. At ano ang naakmang gawin sa mga ganitong pagkakataon? Bumili ng makakain para bago pa'ko abutin ng apocalypse sa pila, at least, busog naman ako.
P100 na lang yung extra money ko bukod sa pamasahe. Hindi ako nagwithdraw kanina kasi nga kaya tayo nagbaon para 'di na tayo maengganyong kumain pa sa labas. Pagkatapos wala namang pakisama ang byahe ng pa-Imus ngayong araw. Kaya ayon, nung nakita ko yung McDo at nakita kong may GCash sila, kinuha ko na yun bilang sign.
Nag-bank transfer ako papunta sa GCash account ko para sa gusto ko sanang kainin: cheeseburger at fries. Nung magbabayad na'ko, sabi ng cashier, yung cheeseburger daw ay dapat kong bilhin doon sa kasamahan nila na naglalako neto sa mga tulad kong pasahero na nangangamba na baka walang laman ang tiyan namin 'pag kinain na kami ng mga zombie. In short, cash ang pambayad para makabili ako ng cheeseburger. Eh ayaw ko nga sana galawin yung extrang P100 kasi iniisip kong mag-special trip na lang ako ng tricycle pagkababa ng bus. Pero hindi ako magaling sa delayed gratification so sige binili ko na yung cheeseburger gamit ang cash. At, my goodness, nalula ako! Nahiya pa ang McDo sa piso, P59 na pala ang solo cheeseburger?! Hindi ko kinaya. Napa-luh na lang ako sa isip ko. Sabi ko na nga ba, sana nag-Hungarian sandwich na lang ako sa 7-11, P35 lang yun ih.
So anyway, success na, may cheeseburger na'ko at fries. Ano naman gagawin ko sa extrang cash sa GCash ko? Pwede siyang manatili na lang doon o ibili ko siya ng 6pcs siomai sa HenLin tutal naman baka nga maabutan na tayo ng apocalypse sa pila ni Kuya Wil. Bilang takot tayong magutom, ang mga decision-making skills na ito ay maning-mani na sa atin.
Ang kabuuang baon ko sa camping — na might turn into zombie apocalypse any moment — ay cheeseburger, fries, at 6pcs siomai na kumpleto pa with calamansi, toyo, at chili.
Nang marating ko ang dulo ng pila naming mga taga-Imus, nagpasalamat na lang ako na ang dami kong baon para sa monumental life event na ito. Lol. Kinain ko lahat nang nakatayo. Hindi 'yon ang pinakakomportableng pwesto pero wala naman nang hindi gagawin ang mga taong alipin ng kanilang sikmura.
Sa kasalukuyan, nakausad na kami sa pila. Tancha ko, makakasakay na'ko sa susunod na bus na darating. Pagbaba ko mamaya, wala na'kong pang-special trip. Pero at least, pagod lang ako, hindi naman ako gutom. 'Yun talaga ang importante dito. Pasintabi na lamang sa diet ko.
***
PUBLISHED DATE: May 26, 2021
POSTED IN: ang mga commuter ay bonakid — mga batang may laban, sabi ni mace: please stop judging me
TAGGED UNDER: dito na me, imus bus wer na u, the choice between gutom or the zombie apocalypse, you left me with no choice