ANG bilis nga naman lumipas ng panahon at akalain niyong walong buwan na ang lumipas.
Pebrero na at alam naman nating araw ng mga puso ngayon pero heto kami ng mga ka-batch ko, nagbibilad sa araw dito sa gitna ng football field namin dahil may mass formation kami ngayon para sa subject naming C.A.T.
Napapangiti nga ako dahil nakikita kong ngumingiwi ang mga mukha ng mga nandito ngayon, mukhang naiinis na sila. Pero naiintindihan ko naman kasi sila dahil ilang araw na lang ang bibilangin ay magaganap na ang pinakahinihintay ng lahat na JS Prom. Gusto nilang magmukhang kaaya-aya sa araw na 'yon pero hindi pa nila magawang magpaganda at magpapogi kasi nga masasayang lang kung maiinitan lang din sila.
Medyo nagpapasalamat na rin ako kasi hindi masyadong mainit ngayon kung ikukumpara kanina. At dahil kaming mga babae ay sadyang walang magawa ngayong break namin ay nag-uusap na lamang kami habang nakaupo sa damuhan tungkol sa gaganaping JS Prom.
"Tsk! Naiinis talaga ako sa mass formation na 'to. Dapat may date kami ni Zedrick ngayon, e, pero panira talaga 'to. Ang init-init pa. Kahit man lang break ay hindi tayo pinapaalis sa gitna ng field. Kainis! Pa'no na lang ang mga beauty natin sa gaganaping prom?!" reklamo ni Rhea.
"Huwag ka ngang nega Rhea. May ilang araw pa naman para magpaganda, a. At saka kahit naman hindi ka na magpaganda pa ay ikaw pa rin ang pinakamagandang babae sa mga mata ni Zedrick." paliwanag ko sa kanya para naman hindi sumama ang loob niya.
"Oo nga naman Rhea." sabat ni Rhea Mae. "Pero change topic tayo. About sa gaganaping prom. Ikaw, Jencen. Ano'ng gagawin mo kapag niyaya kang sumayaw ni Joshua?" dagdag pa niya.
Napangiti na lamang ako sa kilig. Naiisip ko pa lang kung ga'no ka-gwapo si Joshua sa gabing 'yon ay kinikilig na 'ko, sayawin pa kaya niya.
Nagulat na lamang ako nang tumayo si Rhea Mae. "Halimbawa. Ako siya." tumikhim muna siya bago nagsalita ulit. "Hi, Jen. Can I have this dance with you?" dagdag pa niya na talagang ginaya pa ang boses ni Josh na hindi naman niya nagawa. Nilahad niya ang kanyang kanang kamay para sa 'kin.
Tumayo na rin ako at kinuha ang kamay niyang nakalahad para sa 'kin. Parang baliw kami do'n na sumasayaw. Pinikit ko ang aking mga mata at in-imagine na talagang si Joshua ang kasayaw ko ngayon. Ninamnam ko na lang muna ang sandaling 'yon. Kasi alam kong hindi niya 'ko kailanmang isasayaw at hindi ko siya kailanmang makakasayaw sa gabing 'yon.
Sa mga nakaraang araw na lumipas ay nararamdaman kong unti-unting nang nahuhulog ang loob ko kay Joshua. Kahit na sa maliit na pag-uusap namin at kahit na sa maliit na ngiti na sumisilay sa kanyang mga labi ay parang malaking bagay na para sa 'kin.
Aminado naman akong lumalalim na 'tong nararamdaman ko para sa kanya kahit na tinatanaw ko lamang siya mula sa malayo. Hindi ko naman masasabing mahal ko na siya pero alam kong malapit na 'ko do'n. Pero 'di ko dapat palalimin pa 'to kasi alam kong may mahal na siyang iba.
Si Joyce Ann Montenegro. Ang ex-girlfriend ni Joshua at ang babaeng laman pa rin ng puso niya. Maganda siya, maputi, palangiti at higit sa lahat ay mahinhin. Mga katangian na gusto ni Joshua sa isang babae. Mga katangian na wala ako.
Alam kong hanggang ngayon ay mahal pa din ni Joshua si Joyce. Kitang-kita naman sa mga mata niya kapag nakatitig na siya kay Joyce sa tuwing may mass formation kami. Nasa likuran ko kasi palagi si Joyce kaya alam kong kay Joyce siya nakatingin. Noong una nga ang akala ko ay ako ang tinitingnan niya pero nang malaman ko kina Rhea ang nakaraan nina Joshua at Joyce ay do'n na 'ko nawalan ng pag-asa at hindi na nag-isip at nag-assume pa ng kung anu-ano.
Naramdaman kong kumawala si Rhea Mae sa 'kin at may sinabi siya sa 'kin na hindi ko masyadong narinig at naintindihan. Pero pinagpatuloy ko pa rin ang pagsasayaw do'n kahit na wala na 'kong kapareha. In-imagine ko na lang na mayro'n.
"Cadette Jencen!" Napatigil ako nang may pamilyar na boses na tumawag sa 'kin. Unti-unti kong minulat ang mga mata ko at nakita ko ang mukha ng taong gusto ko at ng taong kanina pa laman ng imahinasyon ko.
"Cadette! Ano'ng ginagawa mo?! Alam mo bang tapos na ang break ninyo?! Hindi mo ba 'ko narinig na nagsabing attention?!" malakas na sabi niya.
"Bakit gano'n? Kahit na parang galit siya ay ang gwapo pa rin niya sa paningin ko?" sabi ng isang bahagi ng utak ko.
"Shet! Jencen ano ba'ng iniisip mo? Napapahiya ka na nga'y 'yan pa rin ang iniisip mo? Wake up! Wala ka nang pag-asa d'yan." kontra naman ng kabilang bahagi ng utak ko.
"S-sorry corp." napayuko na lamang ako dulot ng matinding kahihiyan..
"Give me fifty pumpings. Now!" sigaw niya at tumalima naman ako.
Hindi na 'ko nagreklamo pa kasi baka madagdagan pa ang parusa ko. Nakakapagod na nga ang singkwenta dagdagan pa kaya.
Basta't nasa mass formation, walang patawad 'tong si Joshua. Kahit na si Joyce pa ay pinapahirapan niya. Gano'n siya kaseryoso sa pagiging corp. commander niya. Nakikita ko nga ang tatay ko sa kanya, e. Ganyan din kasi kaseryoso si tatay kapag ang trabaho na niya ang pinag-uusapan.
"One, sir! Two, sir! Three, sir!" panimula ko sa pagpa-pumpings. Pero nang nakakasampung pumpings pa lamang ako ay nakaramdaman ako ng matinding pagkahilo. Parang umiikot ang buong paligid at alam kong hindi magtatagal ay matutumba na 'ko. Subalit hindi ko pinansin 'yon at nagpatuloy na lamang sa pagpa-pumpings.
Maya-maya lang ay hindi ko na talaga nakayanan ang pagkahilo ko kaya hindi ko na napigilan pa ang pagkakatumba ko at wala na 'kong maalalang nangyari pagkatapos no'n kasi naging itim na ang kulay ng lahat.
BINABASA MO ANG
I've Fallin' For You
Short StoryJencen came from the lower section of LustReid Academy and when she entered the Special A section, dito niya nakilala si Joshua- ang taong hindi niya inakalang mamahalin pala niya.