Kabanata 1

166 5 0
                                    

Kabanata 1

Natapos ang pagpapaalamanan ng pamilya Labrador ay nagpasya na si Aurora na magtungo na sa barko bago pa man lalong dumagsa ang mga tao. Wala namang nagawa si Almira kung hindi sundin ang nakatatandang kapatid.

Sari-saring pamamaalam ang naririnig ni Almira bago pa man siya makatapak sa loob ng barko. Bukod sa kaniyang kapatid ay kasama rin nila ang mga tauhan ng kaniyang amahin upang dalhin ang kanilang mga sisidlang pinaglalagakan ng kanilang mga abubot. Masyadong maingay ang paligid kung kaya naman hindi na niya narinig ang huling habilin ng ina na isinigaw nito. Bagamat ganoon, alam ni Almira na isa lamang iyong pamamaalam. At kagaya ng ina, kaniya-kaniyang sigaw ng pamamaalam din sa kanilang mga mahal sa buhay ang mga tao sa ibaba para sa mga kagaya rin ni Almira'ng lilisanin ang bansang sinilangan.

Hindi man aminin ng dalaga sa kaniyang sarili, alam niyang nalulungkot siya sa biglaang paglisan. Sa edad na labing walo, ni sa panaginip ay hindi niya pinangarap na malayo sa mga magulang. Gayunpaman, hindi na rin lingid sa kaalaman ni Almira na hindi kombento ang dahilan ng biglaang pagpapadala sa kaniya at sa kaniyang nakatatandang kapatid sa Europa. Sapagkat dilat ang dalawang mata ni Almira sa katotohanang nagsisimula na, nagsisimula na ang kaliwa't kanang kaguluhan dulot ng mga erehe na siyang tumutuligsa sa pamahalaan. Saksi ang dalawang mata ni Almira sa pagngangalit ng kaniyang mga kababayan. Ngunit matatawag na ba siyang duwag at kahabag-habag kung kaniyang pilit ipinipikit ang mga mata bagamat puwing na?

Gayundin naman ang kaniyang pamilya na umangat sa kahirapan dulot ng pakikipagmabutihan ng kaniyang pamilya sa mga dayuhan.

Kung kaya naman sa huling pagkakataon ay minasdan niya ang kaniyang mga kababayang panay sa pagkaway ng pamamaalam. Hindi niya napigilang hindi pangunahan ng lungkot sa kaniyang mga ngiting natatanaw at pagkaway bagamat hindi naman siya kilala ng ilan. Hanggang sa ang kaniyang paningin ay napako sa kaniyang ina't ama na ngayon ay nakatingala't magkaakbay na siyang kinakawayan.

"Almira, tayo'y pumasok na. Marami pa tayong isasaayos na gamit sa ating silid." Iyon ang matigas na usal ng kaniyang nakatatandang kapatid. Isang bagay na kailanman ay hindi kayang baliwalain ni Almira kung kaya naman tumalikod na siya't pumasok na sa loob ng barko.

Sa kabilang banda ay makikita ang isang indiong binata na nagngangalang Ambrosio Aguilar na natigilan sa kaniyang pagpupunas ng dumi ng barko dahil sa pagdaan ng mga naggagandahang binibini sa isang mahabang tabla na siyang nagsisilbing daan papasok sa barko ng mga pasahero.

Si Ambrosio ay tubong Maynilad na naninirahan sa Tondo. Bunso siya sa kanilang labing dalawang magkakapatid. Ang kaniyang mga nakatatandang kapatid ay may sari-sarili ng buhay, ang ilan pa nga ay may mga apo na. Subalit sa edad na dalawampo ay sakit pa rin siya sa ulo ng mga matatanda na niyang magulang.

Natigilan na lamang si Ambrosio sa pagpapantasya at pagngisi nang may sumapok sa kaniya.

"Aray!" Daing niya bago lingunin ang lapastangan.

"Hindi naman kalabisan Ambo ang pagtingin sa mga binibini subalit ang iyong paraan ay masyadong mahalay. Hindi na kataka-taka sa dami ng iyong naipinta't naiguhit na mga hubad na larawan ng mga binibini!" pahayag pa nito na ikinalaki ng mata niya't ikinasiko sa kaibigang si Berting.

Bernardo Alicpala ang pangalan ng hangal niyang kaibigan. Bata pa lamang ay sanggang dikit na sila sa kahit anong kalokohan. Hindi man nila nagawang makapasok sa paaralan dahil tila para sa may salapi lamang ang edukasyon ay naging masaya ang kanilang kabataan bagamat mangmang at tila mga batang nagkakaisip pa lamang.

Saglit na naglapat ang ngipin ni Ambrosio bago humigop ng hangin mula doon na nakalikha ng tunog. Nakangiwi ang labi't kunot ang noo. Isang bagay na tila kinagawian na niya sa tuwing nananaway.

"Magtigil ka nga Berting! Ano na lamang ang iisipin ng mga makaririnig saiyo? Kapag ito ay nakarating kay ina't ama ay natitiyak kong malalagot ako!" Sinandya pa niyang laksan ang boses upang madinig ng mga kasamahan niyang tagalinis na nakarinig sa kanilang usapan. Bagay na pinlano na ni Ambrosio ngunit dahil tagilid ang ulo ng kaibigan ay hindi ito nito agad naunawaan.

"Ano bang sinasabi mo, Ambo? Akala ko ba ay lili-"

Hindi na natapos ni Berting ang kaniyang sasabihin ng palsakan na ni Ambrosio ng basahan ang bunganga ng kaibigan.

"Ano ka ba naman Berting, napakarumi ng bunganga mo! Naputikan na rin ba iyan dulot ng alon?" Matapos sabihin iyon ay hinila na ni Ambrosio ang kaibigang may palsak pa rin ng basahan sa bunganga patungo sa tagong lugar ng barko. Doon na tinanggal ni Berting ang basahan sa bunganga at dumura-dura.

"Tarantado ka talaga Ambo! Talagang balak mo pa akong pakainin ng lupa!" Nagrereklamo na ang kaibigan ay mayabang na tumatawa-tawa pa rin si Ambrosio.

"Paumanhin kaibigan, nadudulas ang iyong bunganga roon. Baka makaringgan ka ng mga tauhan ng barko't mabulilyaso ang ating plano." Hindi na sumagot si Berting dahil nauunawaan niya ang kaibigan. "Maiba ako, ang mga tampipi ba ay naihanda mo na? Ang aking mga gamit ay naroon."

"Huwag kang magalala Ambo, naipasok ko na sa loob kanina. Iyon ay nasa ika-unang palapag, sa pinaka dulo ng barko." Nangingiti na sana si Ambrosio sa narinig ngunit nang magpagisip-isip ang sinabi ng kaibigan ay agad niya itong nabatukan. "Aray! Bakit ba nananakit ka?"

Muli siyang napahigop ng hangin na lumikha ng tunog. "Ikaw ba talaga ay nagiisip? Ang unang palapag ng barko ay sa itaas hindi ba?" Tumango ang kausap habang hawak ang kaniyang ulong nananakit. "Kung gayon alam mo kung sinong mga tao ang nakadestinong manuluyan sa mga silid na iyon?" Sa pagkakataong ito ay nanlaki na ang mga mata ni Berting nang kaniyang mapagtanto ang pagkakamali.

"Diyos na mahabagin!" Iyon na lamang ang naituran ng kaibigan dahil sampal sa mukha ang katotohanang sa loob ng barko ay hindi lamang nahahati sa tatlong palapag, bagkus ay nahahati rin sa estado at kalagayan sa buhay ang bawat palapag. Nang dahil sa pangyayaring iyon ay napatitig na lamang ang dalawa sa isa't-isa.


I M _ V E N A

Adios Por Ahora (Goodbye For Now)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon