ROOFTOP
CJ
Isang payapang buhay lang naman ang gusto ko… pero bakit lagi na lang ganito ang kinahihinatnan ko?
“Hindi ba malinaw kong sinabi sayo na bawal kang magsumbong kahit na kanino?”
Marahan akong tumango sa tanong ng lalaking ito sakin. Natatakot akong magsalita dahil baka dumapo sa akin bigla ang kamao niya.
“Ehh bakit ka nagsumbong sa professor natin? Akala mo ba hindi ko malalaman? Ha? Anong tingin mo sakin? Tanga!”
Sabay tulak niya sakin pasandal sa pader.
Inayos ko ang suot-suot kong salamin at nakayuko lang ako. Hindi ko itinataas ang ulo ko dahil natatakot ako na baka kung ano na naman ang abutin ko sa kanila.
“Sumagot ka! Kinakausap kita, hindi ba?!”
“Boss, takot na takot na yan o. Tignan mo naman ang hitsura niyan. Nanginginig na. Baka mamaya maihi na yan sa pantalon niya.”Naghagalpakan naman ang tatlong kasama ng lalaking nasa harapan ko.
“Mas maigi kung ganon pero hindi ihi ang gusto kong lumabas sa katawan niya… kung hindi dugo.”
Pagkatapos niyang sabihin yon ay sinuntok niya ako sa tyan. Namilipit ako sa sobrang sakit at napahiga na ko sa sahig.
Pagkabagsak ko ay sunod-sunod na sipa at suntok ang tumama sakin. Hindi ko na nagawa pang umiwas… hindi ko rin naman kasi alam kung paano iiwasan ang mga yon.
Simula pa pagkabata ay lagi akong protektado ng mga magulang at ate ko. Hindi nila ako hinahayaang masaktan ng kahit na sino. Dahil nasanay akong lagi silang nasa tabi ko ay hindi ko na inisip pa na pag-aralang protektahan ang sarili ko. Kung alam ko lang na aabot ako sa ganito… bata pa lamang ay nag-aral na ko ng taekwando.
Nang makuntento na sila sa pananakit sa akin ay tumigil na sila sa pambubugbog sa akin.
“Magsumbong ka ulit at hindi lang iyan ang aabutin mo samin. Tara na nga!”
Tuluyan kong nailapat ang likod ko sa sahig at walang tunog na umiyak. Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng luha ko sa pisngi ko kasabay ng pagdaloy ng dugo mula sa bibig ko.
Ilang linggo na naman akong hindi makakauwi sa bahay namin…
Dahan-dahan akong tumayo at ininda ang sakit na nararamdaman ko. Mabuti na lang at hindi nila pinuruhan ang hita’t binti ko.
Naglakad ako papuntang railing at sumampa doon. Ang labo ng paningin ko dahil sa mga luhang nasa mata ko.
Sawang-sawa na ko sa buhay na to. Kung puro paghihirap lang din naman ang dadanasin ko, mas maigi na siguro kung susuko na ko…
Patalon na ako nang may sumulpot na babae sa harapan ko kaya napaatras ako at nahulog mula sa railing. Naitukod ko ang siko ko kaya pagulong-gulong ako ngayon sa sahig dahil sa sakit.
“Tatapusin mo ang buhay mo dahil lang sa mga lalaking yon? Tsk! Hindi ko alam na ganoon pala kahina ang mga tao.”
Tinignan ko ang babaeng nagsalita na nakita ko kaninang nakalutang sa ere. Ngayon nakaupo na siya sa railing at nakaharap sa akin.
“Si-si-sino ka? Sa-saka bakit nakalutang ka sa ere kanina? M-multo ka ba? Ikaw ba yung multo dito sa rooftop?”
Malakas na natawa yung babae pero agad ding tumigil at direktang tumingin sakin.
“Mukha ba kong multo sa paningin mo? Sa ganda kong to pagkakamalan mo akong multo?”
Ngayon ko lang napag-alaman na may mahangin din palang multo.
“Kung hindi ka multo, ano ka? Saka bakit ka nakalutang sa ere?”
“Hmm... Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sayong...”Tumayo siya mula sa kinauupuan niya at dahan-dahang naglakad papunta sa akin. Pagkatapos ay umupo siya sa harapan ko at ngumiti.
“ako ay isang fallen angel?”
A-ano? F-fallen angel?