CJ
“Castiel Javan (pronounced as Kas-ti-yel Jay-van), gumising ka na! Tanghali na!”
Nagising ako sa malakas na boses ng mama ko at sa sunod-sunod nitong pagkatok sa pintuan ko. Pupungas-pungas akong tumayo at pinagbuksan ng pintuan si mama.
Pagkabukas ko ng pintuan ay bumalik ulit ako sa kama para bumalik sa pagkakatulog. Inaantok pa kasi ako.
“Aba, CJ, wala ka bang balak pumasok? Anong oras na oh! Yan kasi, puyat ka ng puyat sa mga walang kwentang larong yan -------”
Tinakpan ko ng unan ang tenga ko dahil ang sakit sa tenga ng boses ni mama. Ang aga-aga nanenermon na naman siya.
Napabangon ako nang may maramdaman akong malamig na dumaloy sa dibdib ko. Hindi ako makapaniwalang tumingin sa nanay ko na may hawak na tabo at nakataas ang kilay habang nakatingin sakin.
“Huwag mo kong matignan-tignan ng ganiyan, CJ, kung ayaw mong dumapo sa ulo mo tong tabo. Sa tingin mo anong oras na? May pasabi-sabi ka pa sakin kagabi na gisingin ka. At ngayong ginigising ka, ayaw mo namang bumangon. Ipukpok ko sa ulo mo tong tabo eh.”
Napakamot ako sa ulo ko at kinuha ang salamin ko sa bedside table ko. Nang tignan ko ang oras sa cellphone ko ay nanlaki ang mata ko at mabilis na umalis ng kama ko.
Alas otso na! Isang oras na lang, late na ko sa unang subject namin.
“Ma naman, bakit ngayon mo lang ako ginising? Dapat kanina pang alas siyete. Terror pa naman ang unang prof namin.”
Reklamo ko kay mama habang nag-aayos ng susuotin ko.
Dahil college student na ko, wala kaming uniform. Freestyle ang suot namin kaya pagdating sa umaga lagi akong nahihirapan sa pagpili ng susuotin ko.
Napatigil ako sa paghahalungkat ng damit ko nang mahinang hampasin ni mama ng tabo ang ulo ko. Nakanguso akong tumingin sa kaniya habang hinihimas ang parte ng ulo ko na hinampas niya.
“Tumabi ka dyan. Ako na ang mag-aayos ng susuotin mo. Para kang nasa ukay-ukay kung maghalungkat ka ng damit mo. Hindi ka naman marunong mag-ayos ng damitan mo. Maligo ka na don.”
Lumapit ako kay mama saka niyakap siya ng mahigpit.
“Salamat, ma. Good morning pala. I love you.”
Sambit ko sa kaniya at hinalikan ko siya sa pisngi bago ako nagpuntang banyo para maligo.
Habang naliligo ako, magpapakilala ako sa inyo. Ayoko namang pati pagligo ko ay ikekwento ko pa sa inyo, diba?
Ako si Castiel Javan Park. Anak ni Chasty, pangalan ng mama ko, at Jade, pangalan ng papa ko. May isa akong ate at ang pangalan niya ay Claire Jae. Dalawa lang kaming magkapatid at ako ang bunso. Si ate graduate na at nagtatrabaho siya bilang fashion designer sa isang sikat na brand.
May maliit kaming negosyo kaya medyo nakakaangat kami sa buhay pero hindi kami mayaman. Kahit na ganon ay nagawa pa rin kaming pag-aralin ng mga magulang namin sa isang prestihiyosong paaralan. Mula pre-school hanggang college ay sa iisang pribadong eskwelahan lang kami pumasok ni ate. Dahil graduate na si ate, ako na lang ang naiwang nag-aaral sa YG Academy. Third year college na ko at kinukuha ko ang kursong Bachelor of Arts in Communication. Pangarap ko kasing maging isang magaling na direktor kaya yan ang kursong kinuha ko. Masaya naman ako dahil suportado ako ng pamilya ko. Hindi nila ako pinipigilan sa kung anoman ang gusto kong gawin. Naniniwala kasi sila na we only live once kaya hinahayaan nila akong patakbuhin ang sarili kong buhay.