CJ
Pumunta si Gela sa bahay namin para sabay ulit kaming pumasok katulad kahapon. Dito na rin siya kumain ng almusal kasabay namin. Welcome na welcome naman siya ng mga magulang at ate ko kaya siguro hindi nahihiyang makikain samin tong anghel na to.
Pagtapos naming kumain ay nagpaalam na kaming papasok na. Nag volunteer pa si Ate Claire na ihatid kami pero mabilis itong tinanggihan ni Gela at sinabing yung driver na nila ang maghahatid samin. Nagulat ako nang marinig ko yon sa kaniya kaya naisipan ko siyang tanungin pagkalabas namin sa bahay.
“May driver ka na? Binigyan ka ni Mr. Yang o nag request ka sa kaniya?”
“Kusa niya akong binigyan kahit na ayoko. Nalaman kasi niya na naglakad lang tayo kahapon papasok at pauwi. Pero kung ako ang papipiliin, mas gusto ko pang maglakad para makabawas tayo ng polusyon sa hangin. Naaapektuhan din kasi kaming mga anghel sa taas.”
“Ahh… sa tono ng boses mo para namang napakabait mong anghel at nag-aalala ka sa mga kasamahan mo sa itaas.”Tumigil siya sa paglalakad at tumingin sakin habang nanlilisik ang mga mata niya.
May nasabi ba kong mali para tumingin siya ng ganiyan sakin?
Nanlaki ang mata ko at agad na umatras palayo sa kaniya nang mapagtanto ko ang sinabi ko kanina. Hindi ko naman sinasadya na walang preno talaga ang bibig ko kaya nasasabi ko kung anoman ang nasa isip ko.
“Pasalamat ka matagal ko nang tanggap na masama akong anghel, kung hindi baka isinama na kita sa kung saan. Tara na. Kanina pa naghihintay satin yung driver ko.”
“Teka lang. May tanong ako sayo.”Humarap ulit siya sakin at tinaasan ako ng kilay.
Nakakatakot namang magtanong sa kaniya pero curious kasi ako sa isang bagay kaya magtatanong ako kahit mukhang mangangain na ng tao tong kaharap ko.
“Kapag yang tanong mo ay walang kwenta. Magpaalam ka na sa mundong to.”
Napalunok naman ako sa banta niyang iyon.
Kung hindi ko lang alam na anghel siya, baka isipin ko na si kamatayan talaga siya. O baka nga nagpapanggap lang siya? Wala kasi talaga akong makita sa kaniya na ugali ng isang anghel.
“Alam ba ni Mr. Yang ang tunay na katauhan mo? Alam ba niyang anghel ka?”
Inalis niya ang tingin niya sakin at mahinang natawa.
“Akala ko pa naman kung anong itatanong mo. Pero para makapasok na tayo, hindi. Hindi niya alam kung ano talaga ako. Nakita niya lang ako sa kalsada at akala niya normal na tao ako kaya niya ako inampon at pinatuloy sa bahay niya. Bukod sayo, wala nang ibang nakakaalam kung sino at ano talaga ako. Hindi pwedeng malaman ng iba ang tunay na katauhan ko dahil kapag nalaman nila, hindi na ako makakabalik sa totoong tahanan ko. Kaya itikom mo yang bibig mo kung ayaw mong isama kita sa magiging bagong tahanan ko kapag may nakaalam kung ano ako.”
Sagot niya sa tanong ko habang nakatingin lang sa paligid namin. Saka lang siya tumingin sakin nang sabihin niya ang pagbabanta niya.
Hindi talaga makukumpleto ang salita niya hangga’t hindi siya nakakapagbitaw ng banta. Hindi na ako magtataka kung nagsasaya ngayon ang ibang kasamahan niya sa langit dahil nandito siya ngayon sa lupa.
“May iba ka pa bang tanong? Kung wala na, pwede na ba tayong umalis?”
“Last na.”Sumandal siya sa gate namin at inilagay ang kamay niya sa bandang dibdib niya saka sinenyasan ako na magsalita.
“Bakit nga ba ako ang napili mong makaalam sa totoo mong katauhan? Ang dami namang tao na mas mabait kumpara sakin. Pero bakit ako pa ang napili mo?”
“Hindi kita pinili. Sadyang ikaw lang ang taong nagtabi ng pakpak ko kahit na kulay itim to. Sinubukan kong ihulog sa iba yan pero hindi nila ito pinupulot. May pupulot nga pero ilalagay naman nila sa basurahan. May oras pa na muntik na yang masunog. Buti na lang mas mabilis ang kamay ko kaysa sa inyong mga tao. At ikaw lang ang nakaisip na swerte ang pakpak ko kaya mo inilagay sa wallet mo.”