CJ
Lunch break namin ngayon kaya papunta kaming tatlo sa cafeteria. Ang ingay naming dalawa ni Chetson habang si Gela naman ay tahimik lang na nagmamasid sa paligid. Kahit hanggang sa makarating kami sa cafeteria at nakapila na ay hindi pa rin matigil ang asaran naming dalawa. Nasa unahan namin si Gela at naghahanap na ng makakain niya. Hindi na naman kami natingin don ni Chetson dahil iisa lang naman ino-order namin don.
Natigil lang ang pagkukulitan namin ni Chetson nang madanggi namin si Gela. Nadanggi niya rin ang nasa harapan niya kaya nag sorry siya dito. Pagtapos niyang humingi ng sorry sa babaeng nasa unahan niya ay tinignan niya kami ng masama ni Chetson. Sabay naman kaming umiwas ng tingin mula sa kaniya.
Kahit si Chetson ay natatakot na rin kay Gela dahil kakaiba raw ang tingin nito kapag galit. Partida, iisang beses niya palang nakitang nainis si Gela pero natakot na siya. Paano pa kaya yung mga matatagal nitong kasamahan sa langit? Kumusta kaya sila kapag nagagalit si Gela? Paano kaya nila napapakalma ang babaeng to?
Pagtapos naming umorder ay nag-alok si Chetson na siya ang magbabayad ng inorder namin. Pang-welcome niya raw kay Gela at pambawi niya sakin dahil hindi siya pumasok kahapon.
Papunta na kami sa paboritong pwesto namin ni Chetson nang makita namin ang grupo ni Devlin na halatang hinihintay ako. Napansin din yon ni Chetson kaya binulungan niya ako.
“Hanap na lang tayo ng ibang uupuan. Halatang hinihintay ka ng mga bugok na yon o.”
“Huwag na. Punuan ang cafeteria ngayon at doon na lang sa pwesto natin ang wala pang tao kaya tumuloy na tayo don. Huwag na lang natin pansinin si Devlin.”
“Sigurado ka?”Tinanguan ko na lang siya bilang sagot. Hindi na naman siya nagpumilit pa kaya dumiretso na kami sa paglalakad.
Saktong nasa tapat kami nila Devlin nang may paa na tumisod sakin. Dahil nasa unahan ako at nasa likuran ko lang si Gela ay mabilis niya akong nakapitan sa braso kaya hindi ako tuluyang natumba pero natapon ang mga pagkain ko. Kung natumba siguro ako, paniguradong susubsob ako sa mga pagkaing inorder ko.
“Ayos ka lang?”
May pag-aalalang tanong ni Gela.
“Oo. Salamat.”
Pagkatapos kong sabihin yon ay tinignan ko ang taong tumisod sakin.
“Bakit ganiyan ka makatingin sakin? Hindi ko naman alam na malabo ang mata mo at hindi mo nakita ang paa ko.”
May pang-aasar sa tono nito.
Susugurin na sana siya ni Chetson nang lagpasan ako ni Gela at dire-diretsong naglakad. Imbis na lakdangan ang paa ni Devlin ay tinapakan niya ito. Napahiyaw sa sakit si Devlin dahil sa pagtapak sa kaniya ni Gela. Hindi naman lumingon si Gela at dire-diretso lang na pumunta sa lamesa namin.
“Ang astig ni Gela, no?”
Pabulong na sabi sakin ni Chetson.
Hindi ko na lang siya sinagot. Inaya ko siyang sumunod agad kay Gela dahil natatakot ako sa maaaring gawin ni Devlin dito. Wala pa namang sinasanto ang lalaking yon. Kahit babae ay pinapatulan nito.
Papunta na kami sa pwesto nito nang maunahan kami ni Devlin na pumunta dito.
“Hindi ka man lang ba hihingi ng sorry sa ginawa mo, miss?”
“Hindi ko naman alam na malabo ang mata ko at hindi ko nakita ang dambuhalang paa mo sa daraanan ko.”Sagot ni Gela habang direktang nakatingin dito.
Umiba siya ng upo paharap sa direksyon ni Devlin. Nakapandekwatro ito at naka-cross ang mga kamay sa bandang dibdib habang nakangising nakatingin sa lalaking kaharap. Medyo matangkad ang lalaki kumpara sa kaniya pero hindi man lang siya natatakot dito.