AMA

3 0 0
                                    

"Heto, baon mo, nak," sabi ng aking ama nang iabot niya sa akin ang bente pesos.

"Ito lang?" tanong ko sa boses na dismayado.

"Pagpasensiyahan mo muna. Kinulang kasi ang sahod ko dahil bumili pa ako ng makain natin."

"Kinulang?" muli kong tanong sa kanya, "Pa, sa bawat panahon na kailangan ko ang oras niyo, hindi niyo kayang ibigay sa akin. Ilang family day na ang nagdaan, ilang parents meeting na ang natapos pero ni hindi niyo naman naisipang umattend dahil ang rason niyo, may trabaho kayo tapos sasabihin mong kinulang ang sahod niyo?"

"Nak, alam mo naman kung magkano ang sahod ng isang kargador. Marami pa tayong dapat unahin tapos may mga project ka pa na kailangang gastusan."

"So, kasalanan ko pa ngayon?"

"Hindi naman sa ganu'n. Nak, intindihin mo muna ako ngayon. Hayaan mo, kapag nakaluwag-luwag ako, bibigyan kita ng malaking baon," nakangiti pa niyang saad na para bang pinapagaan ang kalooban ko ng mga sandaling 'yon.

"Kailan pa? Hindi na ako elementary, Pa para bigyan mo ako ng bente. High school na ako," sabi ko saka pagalit na inilagay ko sa ibabaw ng mesa ang parang ibinigay niya sa akin saka ako nagmamadaling umalis ng bahay kahit na tinatawag pa niya ako.

Hindi ko na siya pinansin pa. Wala na akong pakialam kung mawawalan na siya ng boses sa katatawag sa akin.

"Oy, Myka bakit napakahaba yata ng nguso mo ngayon? Anong nangyari?" salubong sa akin ni Fatima, kaklase ko.

"Naiinis lang ako kay Papa."

"Bakit naman?"

"Binigyan niya ako ng bente, baon ko raw? Anong tingin niya sa akin elementary student?" naiinis kong himutok sa kaibigan ko.

"Eh, bakit hindi mo na lang muna intindihin ang Papa mo? Malay mo, talagang gipit lang talaga siya ngayon."

"Lagi naman siyang ganyan," may himig ng pagtatampong saad ko.

Sa totoo lang, hindi naman talaga mahalaga sa akin ang pera, atensiyon at oras lang ni Papa ay sapat na pero ang masakit kasi du'n, hindi na nga niya maibigay lahat ng hinihingi ko pati pa ang dalawang bagay na pinaka-kailangan kong makita at maramdaman mula sa kanya ay ipinagkakait pa niya.

Nang sumapit ang break time ay abala akong nakikipagkwentuhan sa mga kaklase ko sa labas ng school namin nang may biglang tumawag sa pangalan ko. Si Papa!

"Myka, siya ba ang Papa mo?" tanong ng isa sa mga kaklase ko na pang-mayaman ang pormahan.

"Bakit ang dumi-dumi niya? Papa mo ba talaga siya, Myka?" singit naman ng iba.

"Oy, Myka. Bakit ganyan ang Papa mo? Mukhang pulubi na nanghihingi ng limos sa may kanto," pangangantiyaw nila.

Galit na binalingan ko sila at nang sasagot na sana ako ay inunahan naman ako ni Papa.

"Hindi niya ako ama."

Gulat na gulat akong napatingin sa sarili kong ama.

"Hardinero lamang nila ako," dagdag pa niya na siyang dumurog sa puso ko.

Dahan-dahan niyang inihakbang ang kanyang mga paa palapit sa akin saka niya kinuha ang kamay ko at inilagay niya ang isang maliit plastic cellophane sa palad ko habang nanatiling nakatuon sa kanya ang aking mga mata.

"Ma'am, ipinabibigay po ng Papa niyo. Nag-aalala kasi siya dahil wala kayong dalang pera, baka wala kayong pambili kapag nagugutom kayo," pahayag niya pagkatapos ay ngumiti siya.

Ang ngiti na ramdam kong may bahid ng pait at sakit.

Nararamdaman ko ang mga luha kong nangingilid sa magkabila kong mga mata.

"Uwi ka raw ng maaga para hindi siya mag-aalala," dagdag pa niya saka niya inihakbang ang kanyang mga paa palayo sa amin.

Agad kong tiningnan ang ibinigay niya sa akin at saka lang tuluyang umagos sa magkabila kong pisngi ang mga luha ko na kanina pa nagbabadyang umagos.

"Akala ko talaga ama mo siya," narinig kong saad ng isa sa mga kaklase ko.

"Ang dumi-dumi talaga niya," dagdag pa ng isa habang pinagmamasdan ko ang aking ama na nagpapatuloy sa paglakad palayo sa amin.

"Ano pa?" Napatingin silang lahat sa akin sa naging tanong ko.

"Ano pang gusto niyong sabihin sa ama ko!" Gulat sila sa sinabi ko at naramdaman ko naman ang paghinto ni Papa sa paglalakad nang marinig niya ang pagsigaw ko.

"Eh, ano naman kung mukhang pulubi ang Papa?" muli kong tanong sa kanila.

"Ikaw?" turo ko sa isang kaklase kong babae, "...mayaman ka nga, eh nasaan naman ang Papa mo? Di ba, wala? Naghanap ng ibang pamilya?!" bulyaw ko rito.

"Ikaw naman," baling ko sa isa ko pang kaklase, "...mala-presidente nga kung pumorma ang Papa mo, pero nasaan siya ngayon? Andu'n sa kulungan dahil sa illegal na gawain."

Natahimik silang lahat sa mga naging pahayag ko at walang ni isa sa kanila ang gustong magsalita.

"Oo, mukhang pulubi ang Papa ko pero ni minsan, hindi niya ako pinabayaan. Ni minsan, hindi niya ako ginutom," umiiyak kong pahayag habang tahimik namang nakikinig ang lahat sa akin.

"Hindi perpekto ang Papa ko pero nagawa naman niya akong buhayin sa mabuting paraan. Wala nga kaming limpak-limpak na salapi pero wala naman kayong isang ama na kahit nahihirapan na ay pinipilit pa ring kumayod para sa kinabukasan ng anak."

Matapos kong sabihin 'yon ay agad kong nilapitan si Papa at iniharap ko siya sa kanila.

"Siya ang Papa ko. Ang dakila kong ama," pagmamayabang ko.

Nakita ko ang pagdaloy ng mga luha ni Papa sa magkabila niyang pisngi at hindi ko rin napigilan ang muling mapaluha.

Agad ko siyang niyakap at nakaramdam ako nang kaginhawaan nang maramdaman ko ang mahigpit niyang yakap.

Ngayon, naintindihan ko na kung bakit ayaw niyang dumalo ng mga events sa school. Hindi dahil sa wala siyang oras kundi dahil ayaw lang niyang mapahiya ko kung sakali mang makita siya ng mga kaklase ko sa dugyuting ayos.

Minsan, may mga pagkakataong hindi natin maiintindihan ang pagmamahal na ibinibigay sa atin ng ating mga magulang kapag hindi natin subukang intindihin sila nang higit pa sa ating nakikita mula sa kanila.

Subukan nating ilagay ang ating sarili sa kanilang kinalalagyan upang mas malalim pa ang ating mauunawaan.

Huwag nating ikahiya ang ating ama dahil hindi natin alam ang hirap na kanilang dinanas maitaguyod lamang nila tayo.

Matapang sila kung titingnan pero sino bang nakakaalam na lihim din pala silang umiiyak at nahihirapan?

Our father is our protector and our shield. Without him, it would be hard for us to keep ourselves alive while we keep protecting it from stepping the wrong path.

A COMPILATION OF SHORT STORIESWhere stories live. Discover now