Ang Aking Taniman

33 3 1
                                    

Sa tuwing pinagmamasdan ko ang masaganang taniman,
Ninanasa ng puso kong doon na manahan,
Madalas sabihin ng walang pag aalinlangan
"Iiwan ko lahat maging akin ka lang."

Binihag ang puso ng iyong kagandahan
Nahumaling ng lubos sa taglay mong kariktan.
Ayokong iwanan ka pagkat nangangamba
Ang masumpungan ka ay di na magawa.

Kaya naman nagsumikap ng buong tatag
Humanap ng pintuang makapagbubukas
Upang sa piling mo doon na lumagak
Yakapin ng lubos ang iyong halimuyak.

Nanahan nga sayo ng halos apat na taon
Sa paniwalang ito'y sa pag-ibig na layon.
Lahat naman ng landasin ay umaayon
Bagamat daa'y bako-bako ay naiaahon.

Ngunit ang bunga kapag may kabulukan
Mahinog man ay laging walang pakinabang.
At ang pagnanasang pawang sa ganda lamang
Dagling natutuyo sa sikat na malamlam.

Natapos na ang panahon ng pananagana
Nahinog na't napitas ang lahat ng bunga.
Panahon na ng pag-aararo at pagbabatá
At ang tanawi'y inulila ng dati nitong ganda.

Ang damdaming dati'y nananabik
Ngayo'y nabihisan ng matinding paghibik
Ni ayaw idilat ang mata sa pagtitig
Matamlay ang pusong iunat ang bisig.

Dito na ang lahat ng paurong sulong
Sa inaararong hamon ng panahon,
Na mas pinabibigat pa ng madalas na paglingon
Ang pagsulong ng araro sa matuwid na layon.

Heto ako ngayon sa tabi ng daan
Pinagmamasdan buhat dito ang aking nasimulan
Pagod ang katawan at may dusa sa kalooban
Sa hindi matapostapos kong taniman.

TulaanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon