KABANATA DALAWA
— Bagong Hayag
NAPAYUKO lamang si Dayani sa kaniyang narinig, siya'y tumalikod upang tignan ang pinanggalingan ng mga salita ngunit nakatingin pa rin ang kaniyang mga mata sa lupa at tumugon ng malambing.
"Ako'y humihingi ng paumanhin sa aking inasta, ako'y kumuha pa ng pahinga sa gitna ng aking paglalakad. Patungo naman na rin po ako sa Balay ng Datu." hinarap nito ang lalaking nagsalita sa kaniya at sa walang oras ay nginitian.
Ang lalaking nasa kaniyang harapan ay si Atubang Inso ang tagapayo't humahalili sa Datu, kapag may paglalakbay ang Datu sa mga karatig Nayon ng Barasan upang makipagsundo at magkalakal, siya ang naiiwan at nangangasiwa sa buong Nayon. Kahit na may katandaan bakas pa rin ang tikas at katapangan sa kaniyang tindig.
Noong kabataan ni Dayani ang Atubang ang isa sa mga humubog sa kaniyang kaalaman sa pakikipaglaban at pangangaso sa kagubatan. Siya rin ang isa sa pinakamalapit na kaibigan ng kanilang pamilya dahil ang kaniyang Tay Isko ay isa sa mga mandirigma ng kanilang Nayon.
"Ano pa nga ba ang aking magagawa Daragang Dayani? Ang Datu sa ngayon ay nagpapahinga pa mula sa mahabang paglalakbay kung kaya't akin nang kinuha ang pagkakataong ito upang magliwaliw sa buong Nayon." Malalim na buntong-hininga at pag-iling lamang ang nagawa ni Atubang Inso habang ang kamay ay magkahawak sa kaniyang likuran.
"Kung gayon tanggapin mo itong munting handog ko para sa inyo Atubang Inso, kaunti lamang ito ngunit natitiyak kong mabubusog naman nito ang inyong kalooban."
Binuksan ni Dayani ang kaniyang pasiking at kinuha ang tatlo sa mga nakabalot na kakaning kaniyang niluto, inabot nito iyon sa Atubang at ginawaran ng matamis na ngiti.
"Mukhang katakam-takam nga ang mga pagkaing ito Dayani, Maraming salamat sa iyong mga handog."
Napatawa na lamang ang Atubang dahil sa kaniyang iniasta batid niyang lumalaki bilang isang magandang at matalinong babae ang bata ngunit ang kaniyang loob ay sadyang malapit pa rin dito dahil sa angking kabaitan nito sa lahat ng mamamayan ng kanilang Nayon.
"Atubang Inso, maari po ba akong magtanong? Kung inyong mamarapatin kamusta ang mga mandirigma? Aking naririnig ang mga usapin tungkol sa mga dayuhang mananakop, hindi pa nakakarating ang Umalahokan na ipinadala ng Datu sa karatig Nayon. Labis akong nababahala sa mga kaganapan."
Pagaalala ang mababakas sa mukha ni Dayani, oo nga't wala siyang alam o mataas na katayuan sa kanilang Nayon ngunit ang kaniyang pagaalala at pagtulong sa mga Mandirigma ay higit na mahalaga. Bilang isang mamamayan ng Barasan nararapat lamang naman sigurong magalala siya para sa kaniyang mga kasamahan.
"Patuloy na nagsasanay ang mga mandirigma at amin ding inaalala ang Umalahokan ngunit sa kabila nito, alam namin na ilang araw mula ngayon muli siyang magbabalik. Huwag kang mabahala Daragang Dayani, magtiwala lamang tayo kay Datu Alunan." pangungumbinsi ni Atubang Inso sa kaniya, sapat naman na siguro ang iyon para mabigyan ng sagot ang kaniyang mga agam.
YOU ARE READING
Siraya
FantasyNayon ng Barasan, pook na naging simula ng kaniyang paglalakbay. Ang tumunghay sa pagsibol ng kaniyang kapangyarihan at ang tahanang ni minsan ay hindi niya ninais na lisanin. Takot ang siyang madarama sa pagtuklas ng mga bagong bagay na hindi kapan...